Citizen's Battle Against Corruption

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Citizen's Battle Against Corruption (CIBAC) ay isang organsisayong politikal na itinatag noong 1997. Noong 2001, ito ay naging bahagi ng House of Representatives nang manalo sa eleksiyon bilang party-list. Mula sa pangalan nito, ang CIBAC ay naglalayong labanan ang korupsiyon sa pamahalaan.

Simula 2001 hanggang 2007, ang naging kinatawan ng CIBAC ay si Joel Villanueva na siya ring tagapangulo ng partido, hanggang sa naupo ito bilang senador ng Pilipinas. Ang lider naman ng Jesus Is Lord Church Worldwide na si Eddie "Bro Eddie" Villanueva ang pangulo nito at naupo bilang kinatawan sa kongreso ng partido simula 2019.

Isa ang CIBAC sa mga tumuligsa kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa mga kasong isinimpa rito na may kaugnayan sa korupsiyon at dayaan sa eleksiyon. Nakalaban din ni Eddie Villanueva si Arroyo noong eleksiyon 2004 sa pagkapangulo.

Dalawang beses na naharap sa reklamong diskwalipikasyon ang CIBAC Party List na parehong inihain ni Milagros Amores. Noong 2007 at 2012, hiniling ni Amores na idiskwalipika ang CIBAC dahil hindi naman umano kabilang ang pamilya Villanueva na siyang namumuno sa partido sa sektor ng mahihirap. Ayon sa petisyon, marami raw malalaking lupain ang mga Villanueva at may-ari pa ng ZOE Broadcasting Network.

Inakusahan din ni Amores na ginagamit lamang ng pamilya Villanueva ang CIBAC sa kanilang pagpapalago ng kanilang Jesus Is Lord Church Worldwide.

Gayunman, iginiit ng CIBAC na sila ay may kaugnayan sa anumang relihiyosong grupo kahit na kilalang kabahagi ng JIL ang pamilya Villanueva. Ayon sa CIBAC, mayroon silang sariling adbokasiya at hindi kasapi ng anumang relihiyosong grupo. Nagpasa sila ng mga ebidensiya sa COMELEC.

Napagtagumpayan naman ng CIBAC ang kinaharap na reklamo at patuloy na nakatakbo sa parehong eleksiyon. Simula 2001 ay laging nakakukuha ng puwesto sa Kongreso ang CIBAC. Noong 2007, 2010, 2013, at 2019, dalawang puwesto sa Kongreso ang nakuha ng CIBAC.

Mga kinatawan sa Kongreso

  • Emmanuel Joel Villanueva (2001-2010)
  • Cinchona Cruz-Gonzales (2007-2016)
  • Sherwin Tugna (2010-2019)
  • Bro. Eddie Villanueva (2019–Present)
  • Domingo Rivera (2019–Present)

Mga sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.