Cirilo F. Bautista

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Cirilo F. Bautista ay makata, kritiko, at mangangatha sa wikang Ingles. Isinilang siya sa Maynila noong 1941, at nagtapos ng AB English, magna cum laude, sa Unibersidad ng Santo Tomas noong 1963. Nakamit niya ang kaniyang masterado sa panitikan, magna cum laude, mula sa Saint Louis University at doktorado sa panitikan mula sa De La Salle University Manila. Ilan sa mga aklat niya ang The Archipelago (1969), Charts (1973), Crossworks (1979), Telex Moon (1981), Sugat ng Salita (1986), Boneyard Breaking (1992), Sunlight on Broken Stones (2000), at Tinik sa Dila: Isang Kalipunan ng mga Tula (2003).

Si Bautista ay malimit maging kritiko sa mga palihan ng pagsulat, lalo sa pagtula, at naging senior fellow ng UST Center for Creative Writing and Studies. Isa siya sa mga tagapagtatag ng PLAC (Philippine Literary Arts Council), na pangunahing samahan ng mga manunulat sa Ingles.

Halaga sa Panitikan

Itinaas ni Bautista ang kalidad ng Ingles sa pagtulang Pilipino. Malapot at malalim ang kaniyang pananalinghagang malimit nabubudburan ng pang-uuyam, panunuligsa, at pagpapatawa na ang dulo ay laging nakakiling sa paghahanap ng kabansaan, katauhan, at kaliwanagan.

Ginawaran siya ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan noong  2014 na kumikilala sa kaniyang ambag sa pagpapaunlad ng panitikan sa bansa.

Marami ring parangal ang tinanggap ni Bautista tulad ng Pambansang Gawad Alagad ni Balagtas ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) noong 1997; Makata ng Taon ng Komisyon sa Wikang Filipino noong 1993; mga Gawad Palanca para sa kaniyang mga tula, kuwento, at sanaysay; at National Book Award. Pinarangalan din siya ng Gawad Dangal ng Lahi ng Carlos Palanca Memorial Awards noong 2013.

Sanggunian

Almario, Virgilio S. Sansiglong Mahigit ng Makabagong Tula sa Filipinas. Lungsod Pasig: Anvil Publishing House, 2006.

Virgilio S. Almario, ed. “Bautista, Cirilo F.” Sagisag Kultura (Vol 1). Manila: National Commission for Culture and the Arts. https://philippineculturaleducation.com.ph/bautista-cirilo-f/. Accessed 9 Marso 2021. ==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.