Christopher Lao

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Christopher Lao ay isang abogado at dating pangalawang tagapangulo ng University Student Council (USC) ng Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Sumikat siya noong Agosto 2011 dahil nakuhanan ng GMA 7 ang pagtirik at paglutang ng kaniyang kotse sanhi ng paglusong sa malalim na baha.

Edukasyon

Nagtapos si Lao sa kursong pilosopiya sa UPD Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya na may parangal na summa cum laude--ang pinakamataas na parangal sa unibersidad. Nakamit niya ang general weighted average na 1.169.

Noong 2005, nahalal si Lao bilang pangalawang pangulo ng UPD USC, ang pinakamataas na konseho ng mga mag-aaral ng unibersidad. Tumakbo siya bilang isang independyenteng kandidato.

Noong termino niya sa konseho, nilabanan ni Lao ang proseso ng pagpili ng rehente ng mga mag-aaral (student regent o SR) sa Lupon ng Rehente dahil sa di umano'y kawalan ng demokrasya sa pagpili ng SR.

Inanunsyo noong 29 Pebrero 2012 na nakapasa si Lao sa 2011 Bar Exams.

Kontrobersya

Naisahimpapawid noong 2 Agosto 2011 sa panggabing news show ng GMA 7 na 24 Oras ang bigong paglusong ng kotse ni Lao sa malalim na baha sa Mother Ignacia St sa Lungsod Quezon. Ang pagbaha sa naturang kalsada ay dala ng mabigat na ulan dulot ng bagyong Kabayan.

Ang footage kay Lao, na inulat ni Jun Veneracion, ay agad na na-upload sa Youtube.com at kumalat nang mabilis sa Internet.

Sa kuha ng GMA 7, nakitang tumirik at lumutang ang Nissan Sentra ni Lao sa malalim na baha at nung kinapanayam siya ni Veneracion, agad na sinisi ni Lao ang kawalan ng mga karatula at tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority na siyang dahilan ng kawalan ng impormasyon hinggil sa malalim na baha sa Mother Ignacia. Sa kaniyang panayam sumikat ang katagang “I was not informed”.

Nag-ani ng sari-saring reaksyon mula sa publiko ang kuha ng GMA 7 sa sinapit ni Lao. Marami ang nilibak si Lao dahil sa kaniyang di umano'y pagiging arogante at tanga. Ang ilan naman ay nakisimpatiya sa kaniya.

Mayroong 222,000 na views sa Youtube ang kuha ng GMA 7 kay Lao mula Agosto hanggang Oktubre 2011. Marami namang mga pahina sa Facebook ang nilikha upang libakin o pagtawanan si Lao.

Noong 4 Agosto 2011 ay nagpalabas ng pampublikong paumanhin si Lao hinggil sa kaniyang iginawi sa nasabing insidente.

Kuro-kuro

Ipinagtanggol naman ng GMA 7 ang nasabing video. Giit nila, ang intensyon nitong mapaalalahan ang mga motorista na mag-ingat sa pagmamaneho tuwing umuulan at iwasan ang mga binabahang kalsada. Pinaalalahanan naman ni Howie Severino, punong patnugot ng Gmanews.tv, na tigilan na ang panlilibak kay Lao sa Internet. Sinabi naman ni Veneracion sa kaniyang Facebook account na “walang intensyon” ang GMA 7 na “manakit ng damdamin.”

Ipinagtanggol naman ni Marvic Leonen, dating dekano ng UP College of Law, si Lao. Sinabi niya na bagamat nakakatawa para sa iba ang sinapit ni Lao, hindi ito nangangahulugang kailangan siyang husgahan o siraan.

Ayon naman sa Center for Media Freedom Responsibility na eksperto sa pagmamasid sa mga ulat ng media, maaaring mapabuti ng GMA 7 ang kanilang ulat hinggil kay Lao sa pamamagitan ng paglalagay ng mas malawak na konteksto hinggil sa panganib ng pagmamaneho sa binabahang kalsada sa halip na ituon ang ulat sa sinapit ni Lao.

Para naman sa beteranong manunulat na si Carlos Conde, hindi maayos ang paghawak ng GMA 7 sa balita hinggil kay Lao at ang pinakita na lang sana nito ay hanggang sa paglutang ng kotse niya sa baha. Para kay Conde, dalawang ulit na nabiktima si Lao: Una ay ang kawalan ng maayos na sewerage system at pangalawa, ang panlilibak ng publiko dahil sa kaniyang sinapit.

Pag-endorso

Kasalukuyang endorser si Lao ng Bank of the Philippine Islands (BPI) Auto Loans. Sa commercial ng BPI na kasalukuyang mapapanood sa Youtube, isinabuhay ang karanasan ni Lao kasabay ang pag-endorso sa BPI. May 80,000 views ang naturang video mula 13 Oktubre 2011 hanggang 17 Oktubre 2011.

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.