Chel Diokno

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

ChelDioknoBantayogngmgaBayani20190223Alternativity.jpg

Si Jose Manuel “Chel” Icasiano Diokno, JD (isinilang noong 23 Pebrero 1961) na kilala rin bilang Chel Diokno, ay isang Pilipinong abogado, propesor, at tagapagtanggol ng karapatang pantao. Siya ang tagapangulo ng Free Legal Assistance Group (FLAG) at ang unang dekano ng De La Salle University College of Law. Siya rin ay nagsisilbi bilang general counsel ng Senate Blue Ribbon Committee noong 2001 hanggang 2004.

Pamilya at edukasyon

Si Jose Manuel “Chel” Diokno ay isinilang noong 23 Pebrero 1961 sa Lungsod Pasay. Siya ay ikawalo sa sampung magkakapatid. Siya ay anak ni dating senador Jose W. Diokno at ni Carmen “Nena” Icasiano. Lolo niya si dating Supreme Court Justice at Senador Ramon Diokno. Siya rin ay apo sa tuhod ni Ananias Diokno, pinuno ng mga Bisaya noong giyera ng mga Pilipino at Amerikano.

Noong siya ay 11 anyos, namulat na siya sa kawalan ng hustisya sa panahon ng Batas Militar na idineklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Nakulong ang kaniyang ama kahit walang kasong isinampa sa kaniya.

Natapos ni Diokno ang kaniyang elementarya at haiskul sa La Salle Greenhills. Haiskul pa lamang ay ipinamalas na ni Diokno ang kaniyang husay sa pamumuno nang maging pangulo ng student council. Pinarangalan din siya ng Gerardo Roxas Leadership Award nang taong iyon. Noong 1982 naman, nagtapos siya sa University of the Philippines – Diliman sa kursong Bachelor of Arts in Philosophy. Siya ay naging honorary member ng UP Writer’s Club at writing fellow ng UP Institute of Creative Writing. Pumasok naman si Diokno sa loob ng isang taon sa UP College of Law. Lumipat siya sa Northern Illinois University (NIU) sa United States para mag-aral ng abogasya. Dito ay nagtapos siya ng Juris Doctor, magna cum laude, noong 1986.

Nakapasa siya sa Bar of the State of Illinois noong 1987. Nang mamatay ang kaniyang ama, bumalik siya sa Pilipinas. Kumuha rin siya ng Bar Examination sa Pilipinas noong 1988 at nakapasa.

Si Diokno ay ikinasal sa manunulat na si Divina Aromin. Mayroon silang apat na anak: sina Pepe Diokno, isang direktor na pinarangalan sa ibang bansa; Abe; Laya; at Inez. Ayon sa kaniyang mga anak, si Diokno ay isang ‘cool’ at ‘chill’ na ama. Ang kapatid ni Diokno na si Maris Diokno ay isang senior administrator sa Univesity of the Philippines and dating tagapangulo ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP).

Bilang isang abogado

Si Diokno ay bahagi ng Free Legal Assistance Group (FLAG) at chairman nito simula 2001. Ang FLAG ay ang pinakamalaking grupo ng mga abogado sa Pilipinas para sa karapatang pantao. Bilang isang abogado ng karapatang pantao, ang pagkakasali ni Diokno sa FLAG ay malaking tulong sa mga Pilipinong kailangan ng libreng tulong ng mga abogado tungkol sa kanilang mga karapatan. Isa sa mga pinakamalaking kasong hinawakan niya bilang chairman ng FLAG ay ang pagtulong sa mga biktima ng paglubog ng MV Doña Paz na pinakamalaking aksidente sa karagatan sa Pilipinas. Natulungan ni Diokno ang libo-libong naiwan ng mga biktima na makakuha ng danyos. Ipinaglalaban din ng FLAG at ni Diokno ang karapatan ng mga Lumad, guro, sundalo, mga manunulat, at sektor ng mga manggagawa na nakararanas ng pang-aapi.

Bahagi rin si Diokno at mga abogado ng FLAG na nagpakulong sa 27 pulis na may kaugnayan sa kasong Kuratong Baleleng noong 1995. Ipinagtanggol din ni Diokno at Atty. Theodore Te ang ilang mamamahayag mula sa akusasyon ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa di umano’y iligal na pag-uulat ng media sa naganap na Manila Peninsula Siege. Noong 2008 naman, pinangunahan ni Diokno ang pagpapalabas sa tinaguriang “Tagaytay 5” o limang mga aktibista na iligal na ikinulong ng pulisya.

Si Diokno rin ang naging counsel ni Rodolfo “Jun” Lozada na naging whistleblower sa kaso ng maanomalyang NBN-ZTE deal at naging pangunahing saksi sa mga kaso ng Obudsman kuna dating National Economic and Development Authority (NEDA) head Romulo Neri at dating COMELEC chairman Benjamin Abalos.

Trabaho sa pamahalaan

Naglingkod si Diokno sa Commission on Human Rights (CHR) noong dekada 1900s sa ilalim ng pamumuno nina dating Pangulong Corazon Aquino at Fidel V. Ramos. Siya rin ay bahagi ng Committee on Human Rights and Due Process ng Integrated Bar of the Philippines (IBP).

Noong 2001, si Diokno naman ang nagsilbing private prosecutor sa mga pagdinig hinggil sa impeachment kay noon ay Pangulong Joseph Estrada. Noong taong ding iyon ay naging general counsel siya ng Senate Blue Ribbon Committee sa ilalim ng pamumuno ni dating Senador Joker Arroyo. Noong 2004 naman, siya ay itinalaga bilang Special Counsel ng Development Bank of the Philippines.

Nagsilbi rin si Diokno bilang Presidential Adviser on Human Rights ng IBP at bahagi ng Panel of Arbitrators ng International Center of Settlement of Investment Disputes.

Akademya

Si Diokno ang nagtatag at unang dekano ng De La Salle University College of Law noong 2009. Nagturo din siya sa Ateneo Law School simula 2003 hanggang 2010. Naging faculty member din siya ng De La Salle Professional Schools noong 2003 hanggang 2008.

Naglabas din si Diokno ng tatlong aklat: Diokno On Trial: The Techniques And Ideals Of The Filipino Lawyer (The Complete Guide To Handling A Case In Court), na inilimbag ng Diokno Law Center noong 2007; Civil And Administrative Suits As Instruments Of Accountability For Human Rights Violations, inilimbag ng Asia Foundation noong 2010; at Model Pleadings of Jose W. Diokno Volume 1: Supreme Court na mula sa Diokno Law Center noong 2020.

Naging professional lecturer din siya ng mga seminar ng Mandatory Continuing Legal Education. Tumayo din siya bilang trustee at bise presidente para sa NCR ng Philippine Association of Law Schools noong 2015 hanggang 2016.

Politika

Otso Diretso

Opisyal na inanunsiyo ni Diokno ang kaniyang pagtakbo sa pagkasenador noong 2019 nang maghain ng kandidatura. Bagaman madalas na nasa ika-23 hanggang ika-24 na puwesto sa mga sarbey, walang nakapigil kay Diokno na tumakbo at maging bahagi ng walong pambato ng Liberal Party na mas nakilala bilang Otso Diretso.

Gayunman, nabigo si Diokno na manalo at nagkamit lamang ng 6,308,065 at nagtapos sa ika-21 puwesto. Bagaman natalo noong eleksiyon at walang kandidato ng Otso Diretso ang nanalo, nagpapasalamat pa rin siya sa lahat ng sumoporta sa kaniya.

Noong 2019, isa si Diokno sa kinahusan ng PNP- Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) dahil sa di umano’y pagkakadawit sa plano ng oposiyon na pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte. Kinasuhan siya ng sedisyon, libelo, cyberlibel, estafa, at obstruction of justice kasama nina Bise Presidente Leni Robredo, Bam Aquino, Leila de Lima, Risa Hontiveros-Baraquel, Antonio Trillanes IV, at iba pang kandidato ng Otso Diretso. Gayunman, noong 10 Pebrero 2020, nalinis ang pangalan ni Diokno at ibinasura ng Department of Justice ang mga kaso laban sa kaniya at iba pang kasama sa oposisyon.

Halalan 2022

Noong Hunyo 2021, inilabas ng 1Sambayan ang mga pangalang nominado upang tumakbong pangulo at bise presidente para sa eleksiyon 2022. Isa sa mga pangalang lumabas ay si Diokno. Gayunman, bagaman nagpapasalamat siya sa nominasyon sa kaniya, hindi raw siya handa na tumakbo bilang presidente o bise presidente at hindi niya pinangarap ang posisyong ito.

Ngunit sa isang pahayag, sinabi ni Diokno na handa siyang tumakbo sa ibang posisyon sa 2022. Marami ang nagsasabing muli siyang tatakbo sa pagkasenador. Sa isang tweet, ipinahayag ni Diokno na desidido siya sa pagtakbo ngunit hindi pa malinaw kung anong posisyon.

“Yes, to be clear: I will run in 2022. It's difficult now to make a final decision about what position, and I never aspired for President or VP, which 1Sambayan has nominated me for.”

Diokno vs. Duterte

Noong Abril 2020, naging sentro ng panayam sa bayan ni Pangulong Duterte si Diokno. Uminit ang ulo ni Duterte sa mga naging pahayag ni Diokno na mas nakatuon daw ang pamahalaan sa mga bumabatikos sa paghawak nila sa sitwasyon ng bansa dahil sa COVID-19. Marami daw kasing kliyente ang lumapit sa FLAG ni Diokno kaugnay ng pagkaso sa kanilang NBI dahil sa mga pahayag nila sa social media na kontra kay Duterte.

Sunod-sunod ang naging birada ni Duterte kay Diokno. Ayon kay Duterte, huwag na raw pilitin ni Diokno na isang dilawan ang sarili sa gobyerno. Ang mga tirada ni Diokno kay Duterte ay bahagi raw ng propaganda ng oposisyon dahil malapit na ang eleksiyon. Tinawag din niya si Diokno na isang “lousy lawyer” at para daw itong janitor magsalita. Hindi rin daw nanalo si Diokno noong eleksiyon 2019 dahil sa laki ng ngipin nito.

Sumagot naman si Diokno sa pamamagitan ng ilang tweet at pahayag sa media. Ayon kay Diokno, sanay na raw sila sa uri ng pananalita ni Duterte. Gayunman, sana raw ay hindi mawala ang pokus ng gobyerno sa kinahaharap na krisis ng bansa sa halip na pagtuunan ang mga kritikong tulad niya.

Mga sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.