Carlos V. Francisco
Si Carlos V. Francisco (4 November 1912–31 March 1969), mas kilala sa tawag na “Botong,” ay ginawaran bilang Pambansang Alagad ng Sining sa Pintura noong 1973. Isinilang siya sa Angono, Rizal noong 4 Nobyembre 1912 kina Felipe Francisco at Maria Vilaluz. Nag-aral siya sa School of Fine Arts ng Unibersidad ng Pilipinas.
Nagsimulang magtrabaho bilang layout artist at ilustrador sa Philippine Herald at Manila Tribune si Botong. Kabilang siya sa mga unang hanay ng mga guro sa bagong tatag noong UST School of Architecture and Fine Arts.
Kinilala rin si Botong, kasama sina Victorio C. Edades at Galo B. Ocampo, bilang “The Triumvirate.” Siya ay isa sa mga modernistang pintor na lumihis sa itinakdang kumbensiyon ng pagpipinta ni Fernando Amorsolo, at nagpasok ng sariwang imahen, sagisag, at idyoma sa pagpipinta. Ilan sa mga pinta ni Botong ang Harana, Portrait of Purita, The Invasion of Limahong, Serenade, Muslim Betrothal, Blood Compact, First Mass at Limasawa, The Martyrdom of Rizal, Bayanihan, Magpupukot, Fiesta, Bayanihan sa Bukid, at Sandugo.
Ilan sa mga ginawa niyang miyural ay ang Filipino Struggles Through History, kalaunan ay tinawag na Maharnila, na nasa Bulwagang Katipunan ng Manila City Hall. Ang likhang-sining na ito ay nagpapakita sa mayamang kasaysayan ng sinaunang pamayaman ng Maynila hanggang sa panahon ng mga Amerikano. Sa kaniya rin ang History of Medicine sa Philippine General Hospital; Bayanihan sa Philippine Bank of Commerce; paglalarawan sa buhay ni Sto. Domingo na nasa Simbahan ng Sto. Domingo; at Stations of the Cross para sa Far Eastern University Chapel.
Noong 1952, nagwagi ng komisyon at umani ng pambihirang paghanga sa iba’t ibang bansa ang kaniyang higanteng mural para sa First International Fair na ginanap sa Maynila noong 1953, at may paksa na pinamagatang 500 Taon sa Kasaysayan ng Pilipinas.
Nagdisenyo rin si Botong ng mga kasuotan para sa Romeo at Julieta, Prinsipe Teñoso, Ibong Adarna, Siete Infantes de Lara (Seven Devils) at Juan Tamad.
Gawad at Parangal
Kabilang sa mga natamong gawad ni Botong ang una, ikalawa, at ikatlong gantimpala sa Botica Boei-Kalibapi Painting Contest. Nagwagi rin ng unang gantimpala si Botong noong 1948 sa timpalak ng Art Association of the Philippines, dahil sa kaniyang obrang Kaingin. Ginawaran siya ng Republic Cultural Heritage Award noong 1964, at itinanghal sa Orden ng mga Pambansang Alagad ng Sining noong 1973.
Mga Sanggunian
- CCP Encyclopedia of Philippine Art. Vol IV. Philippine Visual Arts. Manila: Cultural Center of the Philippines, 1994.
- Paras-Perez, Rod. Edades and the 13 Moderns. Manila: Cultural Center of the Philippines, National Commission for Culture and the Arts, at Committee on Visual Arts, 1995.
- Stangl, Jane. Kayumanggi: Biographies of Philippine Visual Artists. Lungsod Quezon: Peso Book Foundation, 2000.
Pagkilala
![]() |
Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi. |