Carlos P. Garcia

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ang Carlos P. Garcia.

Si Carlos Polistico Garcia (4 Nobyembre 1896 – 14 Hunyo 1971) ay isang Pilipinong makata at politiko at ang ikawalong Pangulo ng Republika ng Pilipinas na nagsilbi mula ika-18 Mayo 1957 hanggang ika-31 Disyembre 1961. Naging pangalawang pangulo at miyembro ng gabinete ni Ramon Magsaysay si Garcia. Nanumpa siya bilang pangulo nang mamatay si Magsaysay. Kilala si Garcia sa kaniyang pagpapatupad ng patakarang "Pilipino Muna" ("Filipino First").

Talambuhay

Maagang buhay

Isinilang si Garcia noong ika-4 Nobyembre 1896 sa bayan ng Talibon, Bohol. Ang kaniyang mga magulang ay sina Policronio Garcia at Ambrosia Polistico. Nag-aral siya sa Pamantasang Silliman sa Lungsod ng Dumaguete, at kinalauna’y nagtapos din siya ng abogasya sa Philippine Law School at nakapasa sa bar exam noong 1923 sa Maynila. Iniwan niya pagsasanay ng abugasya at naging guro ng high school.

Kapulungan ng mga Kinatawan

Una niyang pinasok ang politika noong 1926 bilang kasapi ng Kapulungan ng mga Kinatawan at naglingkod hanggang 1932. Nagsilbi rin si Garcia bilang gobernador ng Bohol mula 1932 hanggang 1941.

Senado

Nahalal siya sa Senado ng Pilipinas noong 1941 ngunit hindi nakapaglingkod dahil sa pananakop ng mga Hapones noong Disyembre 1941. Ipinagpatuloy niya ang paglilingkod bilang Senador nang mapalaya ang Pilipinas sa pananakop ng mga Hapones noong 1945. Siya ay nanungkulan mula 1945 hanggang 1953. Tumungo si Garcia sa Estados Unidos upang i-lobby ang kabayaran para pinsala sa digmaan ng Pilipinas. Siya ay nagsilbi ring delegado ng bagong nabuong United Nations sa San Francisco. Sa Senado, siya ay naging pinuno ng minorya at namuno sa mga impluwensiyal na komite hingil sa pamahalaan, hukbo, katarungan at ugnayang pandayuhan ng Pilipinas.

Panahong Hapones

Pagkatapos sumuko ang mga Amerikano sa mga Hapones noong Mayo 1942, si Garcia ay pinahanap ng mga autoridad na Hapones upang hulihin dahil sa kanyang pagtangging sumali sa pananakop ng mga Hapones. Siya ay sumali sa puwersang gerilyang laban sa Hapon sa Bohol hanggang sa matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Pangalawang Pangulo

Noong Nobyembre 1953, si Garcia ay nahalal na Pangalawang Pangulo kasama ni Ramon Magsaysay bilang Pangulo ng Pilipinas. Sa ilalim ni Magsaysay, si Garcia ay naging Kalihim ng ugnayang pandayuhan. Bilang kalihim nito, nilikha niya ang kasunduang kapayapaan sa Hapones at nakipag-ayos para sa pagbabayad nito sa digmaan. Dumalo si Garcia sa Komperensiyang Geneva. Inatake niya ang komunismo at nagpahayag ng suporka sa patakarang Amerikano sa buong silangan. Sa Pilipinas, patuloy niyang binuo ang mga patakarang pandayuhan at nangasiwa sa Southeast Asia Treaty Organization (SEATO) Conference noong 1954 na nagresulta sa walong kasaping alyansang panghukbo upang pigilan ang paglawak ng komunismo.

Pangulo

Naging pangulo si Garcia noong Marso 1957 nang mamatay si Magsaysay sa isang aksidente sa eroplano. Nanalo rin siya sa halalan noong 1957. Upang makuha ang pagkapanalo sa halalan, pinili niya si Diosdado Macapagal mula sa oposisyong Partido Liberal na maging kasamang tatakbo bilang pangalawang pangulo.

Ekonomiya

Bilang pangulo, nagpanatili siya ng isang striktong programa ng paghihigpit upang maalis ang korupsiyon. Sinikap niyang pigilan ang pagyabong ng “black market” at sinikap na pagsiglahin ang ekonomiya. Sa ilalim ng administrasyong Garcia, lumago ang ekonomiya ng 4.54 porsyento. Ipinatupad ni Garcia ang “Filipino first” policy upang wakasan ang pananaig ng mga dayuhan sa ekonomiya ng Pilipinas. Sa ilalim ng polisiyang ito, nilimitahan ang interes ng mga dayuhang imbestor sa mga kumpayang Pilipino. Sinimulan rin ni Garcia ang pagbawas sa pagsalalay sa Estados Unidos at sinimulan ang pakikipag-ugnayan sa ibang mga bansa sa Asya. Hindi nagustuhan ng Estados Unidos ang mga patakarang ito ni Garcia. Sinikap rin ni Garcia na buhayin ang mga katutubong sining pangkultura upang pagtibayin ang pagkakakilanlang pambansa ng mga Pilipino.

Habang nasa kapangyarihan, nakipag-usap ang pamahalaan ni Garcia sa Estados Unidos upang mailipat sa Pilipinas ang kontrol sa mga base militar na hindi na ginagamit ng Amerika. Hindi nagtagal at nagkaroon ng paninira kay Garcia sa mga pahayagan, hbanag pinaboran naman ng Estados Unidos si Disodado Macapagal upang manalo sa halalan noong 1961.

1961 halalan ng pagkapangulo

Noong 1961, sa gitna ng pagbagal ng pag-unlad ng ekonomiya at alegasyon ng korupsiyon, natalo sa hahalan si Garcia at pinalitan siya ng kaniyang pangalawang pangulong si Macapagal. Pagkatapos ng pagkatalo, nagretiro na si Garcia mula sa politika ngunit noong 1971, hinikayat siya ni Ferdinand Marcos na mamuno sa isang bagong kumbensiyong konstitusyonal na lilikha ng Saligang Batas ng Pilipinas ng 1973 ngunit namatay siya bago pa makuha ang posisyon.

Kamatayan

Bukod sa kanyang mga nagawa bilang makabansang politiko, kilala ring makata si Garcia sa kaniyang diyalektong Boholano. Namatay siya sa atake sa puso noong ika-14 Hunyo 1971 sa edad na 74.

Mga Sanggunian