Bulkang Mayon

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Bulkan Mayon ay isang aktibong bulkan sa lalawigan ng Albay, sa pulo ng Luzon sa Pilipinas. Bantog ang bulkan dahil sa halos perpektong hugis apa nito. Ang Mayon ang naging hilagang hangganan ng lungsod ng Legazpi, ang pinakamataong lungsod sa Kabikulan. Una itong hinihayag bilang isang pambansang liwasan at isang nakaprotektang lupain ng bansa noong 20 Hulyo 1938. Inuri itong muli at pinangalanang Mayon Volcano Natural Park noong 2000.[1]

Ayon sa mga volcanologist, isa itong stratovolcano o kompositong bulkan. Ang tila simetriko nitong anyo ay nabuo sa pamamagitan ng pagkapatong-patong ng mga daloy ng lahar at lava. Dahil umaabot nang halos 50 beses na ang mga pagsabog nito sa nakaraang 400 taon, itinuturing itong pinakaaktibong bulkan sa buong bansa. Matatagpuan ito sa isang convergent plate boundary sa gitna ng Platong Eurasian at ng Plato ng Pilipinas.

Ang bulkang Mayon ay may 47 pagsabog sa kasaysayan; ang una ay sa taong 1616 at nasundan pa ng ilan pang pagsabog o pagputok hanggang sa kasalukuyan. Ang pinakamalakas na pagsabog ng bulkang Mayon ay noong 1 Pebrero 1814. Natabunan ng lava ang bayan ng Cagsawa at may 1,200 taong namatay. Ang bell tower ng simabahan ng bayan ang nakikita na lamang sa ibabao ng lupa. Pyroclastic flows, ang mainit na abo ang nakapatay sa 77 katao, karamihan magsasaka, sa huling malakas na pagsabog ng Mayon noong 1993. Sa taong 1984, mahigit 73,000 katao ang pinaalis sa mga danger zone ayon sa mga siyentipiko ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology, wala naman naulat na may namatay.

Lokasyon

Pangunahing palatandaan sa lalawigan ng Albay ang Bulkang Mayon na may taas na 2,462 metro (8,077 ft) mula sa baybayin ng Golpo ng Albay. Ang bulkan ay heograpikal na hinahati ng walong lungsod at mga bayan na kinabibilangan ng lungsod ng Legazpi, Daraga, Camalig, Guinobatan, Ligao, Tabaco, Malilipot, at Santo Domingo.[2][3]

Pagbuga ng abo Mayo 2013

Nagbuga ang Bulkang Mayon ng abo dakong 8:00 ng umaga noong 7 Mayo 2013 na nagdulot ng pagkamatay at pagkasugat ng ilang mga dayuhang turista.[4][5]

Pagmamanman sa Mayon

Pinakaaktibong bulkan sa Pilipinas ang Bulkang Mayon, at ang mga aktibidad nito ay palagiang minamanmanan ng PHIVOLCS mula sa kanilang panlalawigang tanggapan sa Lignon Hill na tinatayang nasa 10 kilometro (6.2 mi) timog silangan mula sa bulkan.

Mga Sanggunian

  1. "Environmental Management." Bicol-Man. Hinango noon 10 Marso 2021.
  2. "Mayon Volcano, Philippines". Philippines Department of Tourism. Volcano.und.edu. Hinango noong 10 Marso 2021.
  3. David, Lee (2008). "Natural Disasters", pp. 416-417. Infobase Publishing.
  4. "Mayon Volcano spews ash, smoke; Phivolcs says no cause for panic." GMA News Online. Hinango noong 10 Marso 2021.
  5. "At least 5 climbers dead 7 hurs as Mayon Volcano spews ash." GMA News Online. Hinango noong 10 Marso 2021.

Mga Panlabas na Kawing