Bulalo

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Bulalo (Philippines).jpg

Ang bulalo ay isang kilalang lutuing Pilipinong sinabawan at pinakuluang mga utak ng buto sa biyas ng baka o bone marrow. Tanyag ang malinamnam na lutuing ito dahil sa matagal na pagpapakulo sa karne at bahaging buto ng baka hanggang kumatas at matunaw ang taba ng baka.


Karaniwan ding nilalahukan ang bulalo ng mga gulay tulad ng pechay, repolyo, patatas, mais, sibuyas, at luya. Malaki rin ang pagkakahawig nito sa isa pang sikat na lutuing sabaw na nilaga. Patis na may

kalamansi at sili naman ang madalas na sawsawan ng bulalo.


Nagmula ang bulalo sa Timog Katagalugan partikular sa mga lalawigan ng Batangas at Cavite. Nakalinya rin sa mga sikat na pasyalan sa mga nasabing lalawigan, lalo na sa Tagaytay City, ang mga kainang

naghahain ng kani-kanilang bersiyon ng bulalo. Kalaunan ay naging tanyag na ito sa buong bansa at naging isa sa madalas na tinda at lutuin sa mga karinderya, restwaran, at iba pang kainan.


Dahil sa kasikatan ng lutuing ito, maging ang mga tindero sa palengke at mga matadero ay alam na ang bahagi ng biyas ng bakang ibibenta sa mga parokyano nila at kung paano ito hihiwain upang maging angkop sa pagluluto ng bulalo.

Sanggunian

  • Vera Abitbol. "Bulalo". 196 Flavors. (Hinango noong 29 Hulyo 2021).
  • Raymund. “Bulalo”. Ang Sarap. (Hinango noong 29 Hulyo 2021).

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.