Bongbong Marcos

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Bongbong Marcos

Si Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos Jr. (BBM) ay isang abogado at politiko na ipinanganak noong 13 Setyembre 1957. Siya ang pangalawang anak nina dating Pangulong Ferdinand E. Marcos at dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos. Kapatid niya sina Imee Marcos, Aimee Marcos, at Irene Marcos. Ang kaniyang pamilya ay kilalang mga politiko mula sa Ilocos Norte. Siya ay ikinasal kay Louise Araneta-Marcos at nagkaroon ng tatlong anak: sina Ferdinand Alexander, Joseph Simon, at William Vincent.[1] [2]

Si BBM ay kumakandidato bilang Pangulo ng Pilipinas sa Halalan 2022. Katandem niya si Sara Duterte bilang pangalawang pangulo.

Sa inisyal na resulta ng halalan, napakalaki na ng lámang ni BBM sa mga katunggali sa pagkapangulo. Mahigit 31 milyong boto na ang nakuha niya habang ang pinakamahigpit na katunggali na si Leni Robredo ay mahigit 14.8 milyong boto lamang. Nasa ikatlong puwesto si Manny Pacquiao na mahigit 3.6 milyong boto, pang-apat si Isko Moreno na may 1.8 milyong boto, at panglima si Panfilo Lacson na may 851,854 na boto. Ang iba pang kandidato ay napakalaki na ng agwat sa bilangan.  

Edukasyon

Si BBM ay nag-aral ng elementarya sa La Salle Greenhills at tinapos ang sekondaryong edukasyon sa Worth School sa Sussex, England. Nagkolehiyo siya sa Oxford University at nagkaroon ng Special Diploma sa Araling Panlipunan. Nag-aral siya ng Business Administration sa Wharton School of Economics sa University of Pennsylvania.[1] [2] Gayunman, naging kontrobersiyal kung totoo ngang nakapagtapos siya sa Oxford at Wharton dahil kuwestiyonable ang mga nakatalang datos sa kaniyang résumé. [3]

Bilang Lingkod-bayan

Si Bongbong Marcos, may inisyal na BBM, ay halos 25 taon nang naglilingkod sa bayan. Nagkaroon siya ng iba’t ibang posisyon sa gobyerno: anim na taon bilang senador (2010–2016); anim na taon bilang kongresista (2007–2010; 1992–1995); 12 taon bilang gobernador (1998–2007; 1983–1986) , at tatlong taon bilang bise-gobernador (1981–1983). [2]

Pinasok niya ang politika noong 1981 at naihalal bilang bise-gobernador ng Ilocos Norte sa edad na 23. Nahirang naman siyang gobernador ng lalawigan mula 1983 hanggang 1986.[1]

Tumakas ang Pamilya Marcos papuntang Amerika, sa tulong ng Amerika, matapos ang pagsiklab ng Aklasang Bayan sa EDSA noong 21 Pebrero 1986.[4]

Nang magbalik ang kaniyang pamilya sa Pilipinas noong 1992, naglingkod siya bilang kongresista sa Ikalawang Distrito ng Ilocos Norte. Isa sa mga ipinasa niyang batas ay ukol sa pagkakatatag ng Philippine Youth Commission. [1]

Mula 1998 hanggang 2007, si BBM ay naging gobernador ng Ilocos Norte kung saan nakapaglingkod siya ng magkasunod na termino. Sa ilalim ng kaniyang panunungkulan, naging first-class na lalawigan ang Ilocos Norte. Noong 2015, pinangunahan din niya ang pagtatayo ng NorthWind Bangui Bay Project na pinagkukunan ng enerhiya ng lalawigan, maging ng hilagang bahagi ng Luzon. [1] [5]

Noong 2007, muling naihalal si BBM sa Kongreso at nahirang bilang Deputy Minority Leader of the House of Representatives. Isa sa mahahalagang naisabatas niya ang Philippine Archipelagic Baselines Law (Republic Act No. 9522).[1]

Noong 2010, nagwaging senador si BBM.

Pagtakbo bilang Pangalawang Pangulo

Noong Halalan 2016, si BBM ay tumakbo sa pagka-pangalawang pangulo laban kina Leni Robredo, Alan Peter Cayetano, Chiz Escudero, Antonio Trillanes IV, at Gringo Honasan.

Naging mahigpit na katunggali ni BBM (14,155,344 kabuoang boto) si Robredo (14,418,817 kabuoang boto) sa pagka-pangalawang pangulo. Kaya ang 263,473 na lamáng ni Robredo ay iprinotesta ni Marcos. Agad itong umapela sa Presidential Electoral Tribunal (PET) ng Korte Suprema at hiniling na ipawalang-bisa ang botohan sa tatlong lalawigan sa Mindanao (Lanao del Sur, Basilan, at Maguindanao) dahil sa talamak na panlilinlang at terorismo ngunit hindi na ito pinagbigyan ng korte sapagkat nauna nang nagkaroon ng recount sa mga lalawigan ng Camarines Sur, Iloilo, at Negros Oriental, na unang niyang hinilingngunit hindi rin pumabor sa kaniya ang bilang ng boto. [6][7]

Masalimuot ang pinagdaanan ng electoral protest na ito ni BBM.[8]

Noong 16 Pebrero 2021, nagdesisyon na ang PET na tuluyan nang i-dismiss ang election protest ni Marcos, gayundin ang counter-protest ni Robredo. Mababasa ito sa 93-pahinang desisyon ng PET na isinapubliko lamang noong Abril 2021.[8]

Pagtakbo sa Halalan 2022

Sa online forum na ginanap noong 2 Setyembre 2022, ipinahayag ni BBM ang kagustuhan nitong tumakbo bilang pangulo ng Pilipinas sa Halalan 2022 ngunit hindi pa ito umano opisyal. [9] Aniya, may mga partidong politikal na nagpahayag ng kanilang pagsuporta kung tatakbo siya bilang pangulo ngunit babawiin ang suporta kung pagka-pangalawang pangulo ang kaniyang itatakbong posisyon. Ayon naman kay Imee Marcos, nakipag-usap din umano ang kaniyang kapatid sa dalawang paksiyon ng PDP-Laban.

Noong 13 Setyembre 2021, ipinalabas sa YouTube ang panayam ng TV host na si Toni Gonzaga kay BBM na pinamagatang “The Greatest Lesson Bongbong Marcos Learned From His Father.” Nag-viral at trending ang panayam na ito kung saan lumaganap pa ang mga meme ukol rito. Umani ring ito ng mga negatibong komento mula sa mga manonood lalo na sa mga tumutuligsa sa Pamilya Marcos. [10]

Sa paggunita naman ng ika-49 taong anibersaryo ng Batas Militar noong 21 Setyembre 2021, muling nanawagan ang mga kontra-Marcos na huwag nang pabalikin pa sa Palasyo ng Malacañang ang mga Marcos. Nag-viral din ang #NeverAgain at NeverForget sa social media.[11]

Samantala, opisyal na inendorso ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL) si BBM bilang kanilang kandidato sa pagkapangulo noong 24 Setyembre 2021. Ang KBL ay ang partidong politikal na itinatag ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos. [12]

Gayunman, opisyal na kumakandidato si Marcos sa pagkapangulo sa ilalim ng Partido Federal ng Pilipinas matapos itong sumapi at manumpa bilang chairman nito noong 5 Oktubre 2021.[13] Katandem niya si Sara Duterte-Carpio bilang pangalawang pangulo na opisyal na nagpasa ng kandidatura sa Comelec noong 13 Nobyembre 2021. [14]

Ika-17 Pangulo

Batay sa inisyal na bilangan, si Bongbong Marcos ang inaaasahan nang magiging ika-17 Pangulo ng Pilipinas. Napakalaki ng kaniyang lámang sa iba pang kandidato. Mahigit 31 milyong boto na ang kaniyang nakuha, at ang mahigpit na katunggali na si Leni Robredo ay hindi man lang umabot sa kalahati ng boto ni Marcos. [15]

Inaasahan din ang pag-upo bilang Pangalawang Pangulo ng Pilipinas ng katandem niyang si Sara Duterte.

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 “Senator Ferdinand "Bongbong" R. Marcos, Jr.” https://legacy.senate.gov.ph/senators/sen_bio/bmarcos_bio.asp. Accessed 2 Setyembre 2021.
  2. 2.0 2.1 2.2 “Bongbong Marcos.” https://www.bongbongmarcos.com/about/. Accessed 2 Setyembre 2021.
  3. Marilen Dañguilan. “EXCLUSIVE: Did Bongbong Marcos lie about Oxford, Wharton?” Rappler, 24 Pebrero 2021.https://www.rappler.com/newsbreak/investigative/bongbong-marcos-degrees-oxford-wharton. Accessed 24 Setyembre 2021.
  4. Alexandria Ng. “Chapter III: The Exile.” Hawaii News, 6 Hunyo 2019. https://www.hawaiinewsnow.com/2019/06/05/chapter-iii-exile/. Accessed 2 Setyembre 2021.
  5. “Road Trip to Ilocos Norte 7: Bangui’s Wind Farm.” Biyaherong Barat, 18 Disyembre 2012, https://biyaherongbarat.wordpress.com/2012/12/18/road-trip-to-ilocos-norte-7-banguis-wind-farm/. Accessed 2 Setyembre 2021.
  6. “#PHVote 2016 Official Election Results.” Rappler, https://ph.rappler.com/elections/2016/results/official. Accessed 2 Setyembre 2021.
  7. Patty Pasion. “Robredo wins as VP on late husband’s birthday.” Rappler, 27 Mayo 2016. https://www.rappler.com/nation/elections/canvassing-last-day-duterte-robredo-win. Accessed 2 Setyembre 2021.
  8. 8.0 8.1 Benjamin Pulta. “PET releases text of Marcos-Robredo electoral protest decision.” Philippine News Agency, 19 Abril 2021. https://www.pna.gov.ph/articles/1137299. Accessed 2 Setyembre 2021.
  9. Zacarian Sarao. “Bongbong Marcos confirms possible presidential run.” Inquirer.net, 2 Setyembre 2021. https://newsinfo.inquirer.net/1482262/bongbong-marcos-confirms-possible-presidential-run-the-presidency-is-not-taken-off-the-table-by-any-means. Accessed 2 Setyembre 2021.
  10. “[OPINION] On Toni Gonzaga interviewing Bongbong Marcos.” Rappler, 14 Setyembre 2021.https://www.philstar.com/headlines/2021/09/21/2128657/martial-law-survivors-reject-marcoses-return-palace-dutertes-bid-retain-power. Accessed 24 Setyembre 2021.
  11. Gaea Katreena Cabico. “Martial Law survivors: Reject Marcoses' return to Palace, Duterte's bid to retain power.” Philstar.com, 21 Setyembre 2021. https://www.philstar.com/headlines/2021/09/21/2128657/martial-law-survivors-reject-marcoses-return-palace-dutertes-bid-retain-power. Accessed 24 Setyembre 2021.
  12. Frances Mangosing. “KBL endorses Bongbong Marcos as presidential bet in 2022 polls.” Inquirer.net, 24 Setyembre 2021/ https://newsinfo.inquirer.net/1492278/kbl-endorses-bongbong-marcos-as-presidential-bet-in-2022-polls. Accessed 24 Setyembre 2021.
  13. Javier Joe Ismael. “Bongbong Marcos takes oath as chairman of Partido Federal ng Pilipinas.” The Manila Times, 5 Oktubre 2021. https://www.manilatimes.net/2021/10/05/news/bongbong-marcos-takes-oath-as-chairman-of-partido-federal-ng-pilipinas/1817215. Accessed 17 Nobyembre 2021.
  14. Neil Arwin Mercado. “It’s official: Bongbong Marcos, Sara Duterte running in tandem in 2022 elections.” Inquirer.net, 16 Nobyembre 2021. https://newsinfo.inquirer.net/1515954/breaking-its-official-bongbong-inday-sara-running-as-tandem-for-2022. Accessed 17 Nobyembre 2021.
  15. Zacarian Sarao. "Bongbong Marcos still leads on 3rd day of unofficial, partial electronic results." Inquirer.net, 11 Mayo 2022, https://newsinfo.inquirer.net/1596343/bongbong-marcos-still-leads-on-3rd-day-of-unofficial-partial-electronic-results. Accessed 13 Mayo 2022.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.