Bong Go

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Bong Go - August 22, 2018 (cropped).jpg

Si Christopher Lawrence “Bong” Tesoro Go (isinilang noong 14 Hunyo 1974) na kilala rin bilang Bong Go, ay isang Pilipinong politiko na naglilingkod bilang senador ng Pilipinas simula noong 2019. Siya ay unang nakilala bilang Special Assistant to the President (SAP) ni Pangulong Rodrigo Duterte. Naging Head of the Presidential Management Staff din siya noong Hunyo 2016 hanggang Oktubre 2018. Bago pa maging pangulo si Duterte, si Go na ang kaniyang naging assistant simula 1998.

Matapos itanggi ni Go ang nominasyon sa kaniya ng PDP-Laban, sorpresa siyang naghain ng kaniyang kandidatura noong 02 Oktubre 2021 at tatakbo bilang bise presidente. Dahil daw ito sa pagbawi ni Pangulong Duterte sa nauna niyang sinabing tatakbo siya sa pagka-bise presidente. Kasama rin si Duterte nang maghain ng kandidatura si Go. Sa isang panayam, sinabi ni Duterte na ang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte ang makakatambal ni Go sa halalan 2022.

Personal na buhay

Si Bong Go ay isinilang noong 14 Hunyo 1974 sa Davao City. Siya ay anak ng mga kilalang negosyante sa Davao na sina Desiderio Go at Marichu Tesoro-Go. Ang angkan ni Go ay mula rin sa kilalang pamilya ng mga Chinese sa Davao. Ang kaniyang lolo na si August Tesoro ay isa sa mga nagsimula ng pinakamalaking palimbagan sa Davao. Nag-aral si Go sa De La Salle University at kumuha ng kursong Management.

Si Go rin ay isang kilalang tagahanga ng isport na basketbol. Sa katunayan, kahit na nagsisilbi na si Go sa Malacañang, nakikilahok pa rin siya sa iba’t ibang liga. Sumali rin si Go bilang opisyal na manlalaro ng Muntinlupa Cagers sa Maharlika Pilipinas Basketball League (MBPL). Nabahiran ng kontrobersiya ang pagsali ni Go sa liga dahil sinasabing ginagamit lang di umano ni Go ang liga para sa kaniyang pagkandidato sa pambansang halalan 2019. Itinanggi ni Go ang paratang at sinabing nais lang niyang maipalaganap ang larong basketbol at maging inspirasyon sa kaniyang mga kaedad at kasingtangkad na maglaro pa rin nito. Gayunman, lumabas lang si Go sa isang season kasama ang Muntinlupa Cagers at naging abala na sa kaniyang mga gawain sa Senado.

Liban sa MBPL, madalas ding makita si Go na nannood ng mga laro ng Philippine Basketball Association (PBA). Sumali rin si Go, kasama ang mga kapuwa senador na sina Sonny Angara at Joel Villanueva sa isang three-point shoot-out exhibition sa 2018 FIBA 3x3 World Cup na ginawa sa Bocaue, Bulacan. Sumali rin si Go sa isa pang three-point game exhibition ng 2018 PBA All-Star Week.

Karera

Bilang assistant ni Mayor Duterte

Nag-umpisang manilbihan si Go kay Duterte noong 1998. Siya ay naging executive assistant at personal aide ni Duterte na noon ay alkalde ng Davao City. Siya ang inaatasang mamahala ng mga gawaing personal at opisyal ni Duterte kaya naman tinawag ni Go ang sarili bilang isang all-around ‘utility man’.

Noong tumakbo na si Duterte sa pagkapangulo, si Go ay itinalaga bilang over-all assistant campaign manager at sortie manager. Dahil dito, madalas nang mamataan si Go sa mga paglabas ni Duterte sa telebisyon at mga panayam sa media. Sumikat din si Go dahil sa madalas na pagkuha ni Go ng larawan kasama si Duterte at iba’t ibang personalidad. Kalaunan, tinawag si Go bilang “pambansang photobomber.”

Sinasabing si Go ang isa sa mga naging daan sa matagumpay na kampanya ni Duterte. Si Go rin ang naghain ng kandidatura ni Duterte sa opisina ng COMELEC sa Maynila bilang isang re-electionist ng pagka-alklade ng Davao City ngunit napawalang bisa dahil sa pagdedesisyon ni Duterte na tumakbo sa pagkapangulo.

Bilang Special Assistant to the President

Nang mahalal si Duterte bilang pangulo, itinalaga niya noong 2 Hunyo 2016 si Go bilang Special Assistant to the President. Sa posisyong ito, naging trabaho niya ang paghawak sa Presidential Management Staff.

Umugong ang kontrobersiya tungkol sa di umano’y pakikialam ni Go sa naging ₱16 billion Frigate Deal ng Philippine Navy ayon sa ulat ng online news site na Rappler. Ayon sa mga lumabas na dokumento, nakialam si Go sa proseso na labag sa mga umiiral na batas sa pakikipagtransaksiyon ng pamahalaan. Pinasinungalingan naman ni Go ang mga paratang at sinabing aalis siya sa puwesto sa oras na mapatunayang totoo ito. Inabswelto rin si Go ni Vice Admiral Mercado ng Philippine Navy at sinabing hindi nakialam si Go sa transaksiyon. Ipinagtanggol din ni Duterte si Go at sinabing hindi na kailangang magnakaw ni Go mula sa deal na iyon dahil mayaman ito at may sariling yate. Nagkaroon ng pagdinig sa Senado ngunit hindi nagkaroon ng paglilinaw sa naging papel ni Go sa nasabing transaksiyon.

Nagpatuloy din ang pagkuha ni Go ng selfie sa iba’t ibang okasyon kasama ang presidente. Ayon kay Go, ito ay bahagi lamang ng kaniyang personal na koleksiyon. Habang assistant din ng pangulo, umingay na rin ang pangalan ni Go bilang isa sa mga napipisil na kandidato ng administrasyon para sa halalan 2016.

Bilang senador

Pormal na inanunsiyo ni Go ang kaniyang pagtakbo bilang senador matapos ihain ang kaniyang kandidatura noong 15 Oktubre 2018 kasama si Pangulong Duterte at iba pang miyembro ng gabinete. Isa sa mga pinakamalaking plataporma ni Go sa pagtakbo ay ang pagtatayo ng Malasakit Centers sa buong Pilipinas na mga pasilidad para sa kalusugan ng mamamayang Pilipino. Isinusulong din ni Go ang pagpapababa sa edad na 15 ang pagpapanagot sa ginawang krimen ng isang indibidwal.

Sa isang panayamn din sa kaniyang website na Kuya Bong Go Ph, sinabi ni Go na ang kaniyang pagtakbo ay bilang pagpapatuloy ng mga nasimulan ni Duterte kabilang paglaban sa iligal na droga, krimen, at korupsiyon.

“Kailangang ituloy ang pagbabago na sinimulan ni Mayor Duterte. Ginagawa natin ito para sa kinabukasan ng ating bayan. Para ito sa susunod na henerasyon. Iniaalay namin itong serbisyong Tatak Duterte bilang inyong Tatay Digong at Kuya Bong Go.”

Naging kontrobersiyal din si Go bago pa opisyal na maghain ng kaniyang kandidatura. Inakusahan siya ng pangangampanya kahit hindi pa pinahihintulutan ng batas. Kabilang sa mga nakuwestiyong gawain ni Go ay ang ginawang pamimigay ng relief goods na mayroong tatak na “Ready Set Go” kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Maynila. Itinanggi naman ni Go ang kaniyang pagkakasangkot sa nasabing operasyon at sinabing mga tagasuporta niya ang may gawa nito. Nakiusap din si Go sa kaniyang mga tagasuporta na itigil ang pamumulitika at paggamit sa kaniyang pangalan. Marami ring larawan sa social media ang lumabas na nagpapakita ng iba’t ibang tarpaulin ni Go.

Nang matapos ang botohan, nakakuha si Go ng halos 21 milyong boto at pumangatlo sa pinakamataas. Nagsimulang maglingkod bilang senador si Go noong 30 Hunyo 2019. Sa kaniyang unang buwan bilang Seandor, ilan sa mga panukalang batas ni Go ay ang pagbuo ng Department of Disaster Resilience at pagpapaliban ng eleksiyon ng 2020 Sangguniang Kabataan. Kasama ni Senador Manny Pacquiao, naghain sila ng panukalang batas na pagbabalik ng parusang kamatayan sa mga krimeng tulad ng droga, pandarambong, panggagahasa, at pagpatay.

Si Go rin ang may-akda ng naipasang Malasakit Center Act na naglalayong makapagtayo ng isang pasilidad sa iba’t ibang lugar sa bansa kung saan madaling makakukuha ng tulong pangkalusugan at medikal ang mga mamamayan. Sa panahon ng COVID-19 naman, si Go rin ang nanguna sa Balik Probinsya program kung saan pinahintulutan ang pagbabalik sa probinsya ng mga mamamayang nasa Kalakhang Maynila upang mabawasan ang tao sa rehiyon na malakas ang hawaan ng virus.

Noong 17 Hunyo 2020, naging kontrobersiyal muli si Go matapos maghain ng subpoena ang National Bureau of Investigation (NBI) sa isang mag-aaral na di umano ay nagbahagi ng ilang pekeng balita sa social media tungkol sa senador. Maraming social media user ang nagpaabot ng pagkadismaya kay Go at sa NBI dahil sa pagpatol sa basher online sa gitna ng pandemya.

Pagtakbo sa halalan 2022

Naging matunog ang pangalan nina Go at Duterte bilang pambato ng PDP-Laban sa darating na halalan 2022. Lumabas ang isang resolusyon mula sa PDP-Laban NEC noong 4 Agosto 2022 na nag-eendorso kina Go bilang pambato sa pagkapangulo at ni Duterte sa pagkabise presidente. Tinanggap ni Duterte ang pag-eendorso ng PDP-Laban.

Gayunman, opisyal na tinanggihan ni Go ang pag-eendorso ng PDP-Laban NEC sa kaniya. Sa isang liham na inilabas ng kampo ni Go noong 30 Agosto 2021, sinabi ni Go na bagaman ay natutuwa siya sa pinakitang tiwala ng partido sa kaniya, hindi naman daw siya interesado na maging pangulo ng Pilipinas.

Nauna na ring ipinahayag ni Pangulong Duterte na susuportahan niya ang anak niyang si Sara Duterte na napababalitang tatakbo ring pangulo sa halalan 2022 kung si Go ang magiging bise presidente nito. Sa isang pahayag naman, sinabi ni Sara na pinapayuhan niya ang ama at si Go na huwag na siyang pag-usapan at huwag siyang gawing dahilan sa hindi nila pagtakbo sa 2022.

Nilinaw naman ni Go na kahit na silang dalawa ang maugong na mga pangalan sa pagkapangulo, wala naman daw silang alitan o hidwaan ng presidential daughter. Ayon kay Go, kung ano ang pagmamahal niya sa ama, ay ganoon din ang pagmamahal niya sa mga anak ni Duterte, kabilang si Sara.

Matapos itanggi nang makailang ulit ang pagtakbo sa mas mataas na posisyon, ginulat ni Go ang mga Pilipino nang opisyal na maghain ng kaniyang kandidatura. Noong 2 Oktubre 2021, pormal na naghain ng kaniyang certificate of candidacy (COC) sa pagka-bise presidente si Go bilang opisyal na kandidato ng PDP-Laban. Kasama niyang naghain ng kandidatura si Pangulong Duterte na unang nagpahayag ng intensiyong tatakbo bilang presidente. Umatras na si Duterte sa pagtakbo at inanunsiyo ang kaniyang pagreretiro sa politika.

Ayon sa isang panayam, sinabi niyang tinanggap na niya ang nominasyon ng PDP-Laban na tumakbo sa mas mataas na posisyon dahil sa pag-atras ni Duterte. Nais daw ni Go na matandaan siya bilang isang opisyal ng pamahalaan na buong pusong naglingkod para sa bayan.

Inilahad naman ni Pangulong Duterte sa isang pahayag na ang anak na si Sara Duterte ang tatakbo bilang pangulo kasama ni Go. Bagaman ay naghain na ng kandidatura si Sara bilang alkalde ng Davao City, marami pa ring balita ang nagsasabi na kinokonsidera pa rin nito ang tumakbo bilang pangulo. Nang tanungin nga si Sara kung ano ang komento niya sa sinabi ng ama na siya ang katambal ni Go sa halalan 2022, “no comment” ang isinagot ng alkalde.

Mga sanggunian


Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.