Boluntarismo
Ang boluntarismo ay prinsipyo ng kusang pagkilos para sa kabutihan ng iba. Isa itong pagkilos at pakikibahagi sa iba’t ibang proyekto o gawain na naglalayong maghatid ng tulong sa kapuwa at mga hakbang na makapagpapaunlad sa pamayanan.
Pagkilos para sa Kapuwa
Ang salitang “boluntaryo” ay nagmula sa salitang Latin na voluntas na nangangahulugang “mithiin.” Noong ika-16 na siglo, tumutukoy ang boluntarismo sa pakikiisa at paglalaan ng sarili sa mga gawaing pangmilitar. Sa panahong iyon, ang mga sundalo o ang militar ang nagpupunta sa iba’t ibang lugar upang magsagawa ng kawanggawa sa mga komunidad at pamayanan.
Pagtutulungan sa Gawain
Higit na gumagaang ang isang gawain kung may pagtutulungan. Ganito rin ang nais ipahiwatig ng boluntarismo.
Sa ating mga tahanan nagmumula ang pinakamagandang kaisipan ng pagkukusa at pagkakaisa. Halimbawa ay pagsasagawa ng mga gawaing bahay nang sama-sama at bukal sa loob. Gayundin sa ating pamayanan, maraming gawain ang nangangailangan ng pagboboluntaryo tulad ng pagpapanatili ng kalinisan, pagtulong sa mga nasalanta ng kalamidad, pakikiisa sa mga gawaing pampaaralan, at marami pang iba.
Noong Disyembre 1998, sinimulan ang pagdiriwang ng National Volunteer Month sa Pilipinas. Mithiin nitong ipaalam sa publiko ang kahalagahan ng boluntarismo at mahikayat ang mga Pilipino na makiisa sa mga gawaing maaaring magpaunlad ng sarili at ng bansa.
Mga Sanggunian
- “Volunteer. Online Etymology Dictionary. https://www.etymonline.com/word/volunteer. Accessed 24 Marso 2021.
- “National Volunteer Month.” PNVSCA. http://www.pnvsca.gov.ph/?page_id=92. Accessed 24 Marso 2021.
Pagkilala
![]() |
Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi. |