Bohol-Panglao International Airport

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Photo shows the exterior of the Bohol-Panglao International Airport.jpg

Ang Bohol-Panglao International Airport, kilala rin bilang Paliparang Pandaigdig ng Bohol-Panglao o New Bohol International Airport, ay isang pandaigdigang paliparan na makikita sa Isla ng Panglao sa Bohol. Pinalitan nito ang Tagbilaran Airport upang mas makapagsilbi sa mas maraming biyahero at upang makatulong sa turismo ng Bohol. Ang paliparan ay sinasabing kauna-unahang eco-airport sa Pilipinas dahil sa teknolohiyang ginagamit dito na magandang sa kalikasan.

Sinimulan ang mga pag-aaral para sa bagong paliparan noong 2000 ngunit noong 4 Setyembre 2012, inaprubahan ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III ang pagsisimula ng konstruksiyon nito. Ito ay bahagi ng public-private partnership ng rehimeng Aquino.

Opisyal na binuksan sa publiko ang Bohol-Panglao International Airport noong 27 Nobyembre 2018.

Pagsisimula

Sinimulan ang mga pag-aaral sa pagtatayo ng bagong paliparan sa Bohol noong 2000 sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada. Noong 2008 naman, pinirmahan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Memorandum Order No. 282 kung saan isinasaad na ang Manila International Airport Authority at popondohan ang pagtatayo ng Panglao Internation Airport Development Project. Gayunman, hindi natuloy ang bidding noong 2010 dahil sa kawalan ng pondo.

Sa State of the Nation Address (SONA) ni noon ay Pangulong Benigno S. Aquino III noong 2010, sinabi niya na gagamitin niya ang pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor sa pagtatayo ng Bohol-Panglao Airport. Noong 4 Setyembre 2012, inaprubahan ni Aquino ang pagtatayo ng bagong paliparan.

Noong 27 Marso 2013 naman, nilagdaan ng Japan International Cooperation Agency (JICA) ang isang kasunduan na magtatayo sa Bohol-Panglao International Airport. ¥10.78 bilyon ang inilaan na pondo ng JICA sa ilalim ng kanilang programang Official Development Assistance (ODA).

Apat na construction firms ang nagsumite ng bid nila para sa proyekto noong Hunyo 2014. Sa mga ito, ang nakakuha ng proyekto ay ang Chiyoda Corporation at Mitsubishi Corporation. Pormal na inumpisahan ang konstruksiyon noong 2015.

Konstruksiyon at pagbubukas

Sinimulan ang konstruksiyon noong 2015 at inabutan ng bagong administrasyon noong 2016 nang mahalal na pangulo si Rodrigo Duterte. Ayon sa kalihim ng Department of Transportation (DOTr) na si Arthur Tugade, nang hawakan nila ang proyekto, nasa 48 porisyento itong huli batay sa timeline ng proyekto. Gayunman, nang umupo si Tugade, agad na napabilis ang pagtatayo nito. Ayon sa DOTr, kung hindi naging prayoridad ang pagtatayo ng Bohol-Panglao International Airport, maaaring natapos ito sa taong 2021 pa.

Opisyal na binuksan sa publiko ang Bohol-Panglao International Airport noong 27 Nobyembre 2018. Kasabay ng pagbubukas ng Bohol-Panglao Airport ay ang pagsasara naman ng Tagbilaran Airport. Ayon kay Duterte, ang pagbubukas ng bagong paliparan ay makatutulong sa pagpapalago pa ng turismo sa lalawigan. Noong 2017, nasa higit 700,000 turista ang bumisita sa Bohol. Ang pagbubukas ng bagong paliparan ay dinaluhan nina Japanese Ambassador to the Philippines Koji Haneda, Tugade, at iba pang opisyal ng pamahalaan.

Mga istruktura at mga pasilidad

Ang paliparan ay may mayroong aspaltong runway may sukat na 8,200 talampakan o 2,500 metro. Marami ring ginagamit na solar panel sa buong terminal kaya naman nakatitipid ito sa koryente at kinikilala bilang unang eco-airport sa Pilipinas. Ang paliparan din ay sadyang idinesenyo nang may mataas na bubong upang pumasok ang natural na liwanag mula sa araw at may preskong hanging pumasok sa buong paliparan. Mayroon din itong geotextiles sa drainage system nito para sa mas maayos na pagtapon sa mga dumi.

Nasa 624,100 na buto naman ang itinanim sa buong Bohol upang mapalitan ang mga punong pinutol upang maitayo ang paliparan. Nasa 1,700 puno at 240,000 na uri ng ibang halaman pa ang nakapalibot sa buong paliparan.

Mga sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.