Bienvenido Lumbera

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Bien Lumbera at CCP 2012.jpg

Si Bienvenido Lumbera (11 Abril 1932–28 Setyembre 2021) ay isang Pilipinong manunulat ng tula at Pambansang Alagad ng Sining para sa Panitikan. Siya rin ay nakatanggap ng Ramon Magsaysay Award para sa Pamamahayag, Panitikan, at Malikhaing Sining ng Komunikasyon. Siya rin ay dinadakilang alagad ng panitikang nagwagi sa iba’t ibang patimpalak sa pagsulat tulad ng National Book Awards ng National Book Foundation at Carlos Palanca Memorial Awards.

Noong 28 Setyembre 2021, kinumpirma ng paaralan ni Lumbera na University of Sto. Tomas na pumanaw na ang kilalang manunulat. Kinompirma ng anak ni Lumbera na si Tala na yumao na ang ama niya sa ganap na 9:15 ng umaga sa kanilang tahanan sa Lungsod Quezon dahil sa komplikasyong dulot ng stroke.

Personal na Buhay

Si Bienvenido Lumbera ay isinilang noong 11 Abril 1932 sa Lipa, Batangas. Halos isang taong gulang pa lamang si Lumbera nang malaglag sa puno ang kaniyang amang si Timoteo Lumbera, isang manlalaro ng baseball, na ikinamatay nito. Yumao naman ang kaniyang ina na si Carmen dahil sa kanser ilang taon matapos yumao ang ama.

Sa edad na lima, naulilang lubos si Lumbera. Siya at ang kaniyang nakatatandang kapatid na babae ay inalagaan ng kanilang lola na si Eusebia Teru. Nang matapos ang giyera, muling tumira sina Lumbera at kaniyang lola sa Lipa ngunit ilang taon lang din ay pumanaw na si Lola Eusebia dahil sa kaniyang katandaan. Dahil dito, muling naulila si Lumbera sa edad na 13. Pinili ni Lumbera ang kaniyang mga ninong at ninang na sina Enrique at Amanda Lumbera dahil alam niyang mapag-aaral daw siya ng mga ito.

Ilang buwan matapos mapalaya si Lumbera nang makulong noong panahon ng Batas Militar, pinakasalan niya si Cynthia Nograles.

Edukasyon at Akademya

Nag-aral si Lumbera ng kursong Panitikan sa University of Sto. Tomas (UST) noong 1957. Nagtapos siya bilang cum laude. Siya rin ang naging literary editor ng The Varsitarian, opisyal na publikasyon ng UST noong 1953. Sa UST din niya natapos ang kaniyang master’s degree. Sa Indiana University naman niya natapos ang kaniyang PhD in Comparative Literature noong 1968.

Nagturo sa iba’t ibang prestihiyosong unibersidad si Lumbera. Nagturo siya ng Panitikan, Malikhaing Pagsulat, at Pag-aaral tungkol sa Pilipinas sa Ateneo de Manila University, De La Salle University, University of the Philippines–Diliman, at UST.

Naging propesor din siya ng Philippine Studies sa Osaka University of Foreign Studies sa Japan mula 1985 hanggang 1988. Siya rin ang naging patnugot ng Diliman Review na isa sa mga kinikilalang kritikal na publikasyon noong panahon ng pamumuno ni Ferdinand Marcos.

Pagkakaaresto noong Batas Militar

Nang ideklara ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos ang Batas Militar, isa si Lumbera sa mga inaresto. Dinakip siya ng mga military noong Enero 1974. Gayunman, pinakawalan din siya noong Disyembre ng parehong taon ng kaniyang pagkakadakip.

Ayon sa isang panayam, naniniwala si Lumbera na pinakawalan siya ni Marcos dahil sa rekomendasyon ng isang kaibigan niyang kaibigan din ng dating pangulo. Napaniwala raw ng kaibigan na iyon na hindi bayolente si Lumbera.

Karera bilang Manunulat

Nag-umpisa raw si Lumbera na magsulat ng mga maikling kuwento sa wikang English. Gayunman, mas naging komportable at mabisa raw ang kaniyang pagsusulat nang subukan niya ang pagsulat ng tula. Kalaunan, sinubukan naman niyang sumulat sa wikang Filipino.

Sumabak din si Lumbera sa pagsulat ng mga dula dahil mas mabilis daw ang komento at kritisismo ng mga kasamahan at manonood rito, kaysa sa paglilimbag ng anumang akdang pampanitikan.

Nang makalaya mula sa pagkakakulong noong panahon ng Batas Militar, dumami ang kaniyang mga proyekto lalo na sa paglikha ng mga dulang musikal. Isa sa mga nagawa niya sa ilalim ng Philippine Educational Theater Association (PETA) na gumawa ng dula batay sa America is in the Heart ni Carlos Bulosan.

Ilan pa sa mga tumatak niyang likha ay ang Tales of the Manuvu, Rama Hari, Bayani, Noli Me Tangere: The Musical, at Hibik at Himagsik nina Victoria Laktaw.

Naging manunulat din siya ng iba’t ibang mga aklat tulad ng Revaluation; Pedagogy; Philippine Literature: A History and Anthology; Rediscovery: Essays in Philippine Life and Culture; Filipinos Writing: Philippine Literature from the Regions; at Paano Magbasa ng Panitikang Filipino: Mga Babasahing Pangkolehiyo.

Mga Parangal

Dahil sa kaniyang husay sa pagsulat, si Lumbera ay isa sa mga kinikilalang haligi ng panitikang Pilipino maging ng pelikula at teatro. Nagwagi rin siya sa Palanca Awards noong 1975; Ramon Magsaysay Awards for Journalism, Literature, and Creative Communications noong 1993; 1998 Philippine Centennial Literart Prize for Drama noong 1998; at ang Cultural Center of the Philippines Centennial Honors for Arts noong 1999.

Nakatanggap din siya ng iba pang parangal mula sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA), UST, UP, Ateneo, at Unyon ng mga Manunulat ng Pilipinas (UMPIL).

Iginawad naman kay Lumbera ang Pambansang Alagad ng Sining at Panitikan noong 2006.

Kamatayan

Inanunsiyo ng The Varsitarian na pumanaw na si Lumbera noong 28 Setyembre 2021, 9:15 ng umaga sa kanilang tahanan sa Lungsod Quezon ayon sa anak nitong si Tala. Pumanaw ang kilalang alagad ng sining dahil sa komplikasyon ng stroke. Na-stroke si Lumbera noong Hunyo 2021.

Agad na nagbigay-pugay ang mga institusyon, samahan, unibersidad, at mga kilalang personalidad na nakatrabaho ni Lumbera. Nagluksa ang buong Department of Speech and Communication and Theatre Arts ng UP at ang buong komunidad ng UST sa pagpanaw ni Lumbera.

Nagpaabot din ng pakikiramay ang premyadong manunulat na si Lualhati Bautista at mang-aawit na si Celeste Legaspi.

Ibinurol ang mga labi ni Lumbera sa Arlington, Quezon City.

Mga Akda

Mga Tula

  • Likhang Dila, Likhang Diwa, 1993
  • Balaybay, Mga Tulang Lunot at Manibalang, 2002
  • Sa Sariling Bayan, Apat na Dulang May Musika, 2004

Kritisismo Pang-Literatura

  • Revaluation: Essays on Literature, Cinema, and Popular Culture, 1984
  • Tagalog Poetry, 1570-1898: Tradition and Influences on Its Development, 1986
  • Abot-Tanaw: Sulyap at Suri sa Nagbabagong Kultura at Lipunan, 1987
  • "Agunyas sa Hacienda Luisita," Pakikiramay, 2004
  • Writing for the Nation (2000)

Mga Libro

  • Pedagogy
  • Philippine Literature: A History and Anthology, 1982
  • Rediscovery: Essays in Philippine Life and Culture
  • Filipinos Writing: Philippine Literature from the Regions
  • Paano Magbasa ng Panitikang Filipino: Mga Babasahing Pangkolehiyo

Mga Libretto

  • Tales of the Manuvu
  • Rama, Hari
  • Nasa Puso ang Amerika
  • Bayani
  • Noli Me Tangere
  • Hibik at Himagsik Nina Victoria Laktaw

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.