Bernardo Carpio

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Bernardo Carpio ay isang malaganap na kathang-isip na tauhan sa mga kuwentong-bayan sa Katagalugan. Siya ay isang mala-alamat na nilalang na itinuturing bilang “Haring Tagalog.”

Narito ang isang bersiyon ng alamat tungkol sa kaniya:

“Noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas, may mag-asawang naninirahan sa gawing katimugan ng Bulubundukin ng Sierra Madre. Ang magasawa ay biniyayaan ng anak na lalaki. Kapansin-pansin ang kakaibang katangian ng kanilang anak pagkasilang pa lamang nito. Higit ang laki at bigat ng sanggol kumpara sa pangkaraniwan. Malakas at matatag din ang kaniyang mga bisig at binti.

Samantala, may isang paring Espanyol na umakyat sa bahaging iyon ng kabundukan upang magbahagi ng Magandang Balita. Nang mapadpad siya sa kubo ng magasawa, nakita niya ang sanggol at agad na humanga sa kakaibang katangian nito. Hinikayat niya ang mag-asawa na pabinyagan ang sanggol at pangalanang “Bernardo Carpio.” Hinango ang pangalang ito kay Bernardo del Carpio, mala-alamat na mandirigma sa Espanya.

Si Bernardo Carpio ay lumaking may matikas na pangangatawan at may nakahihigit na lakas. Sa kabila nito, siya ay nanatiling mabait, mapagbigay, at matulungin sa kaniyang kapuwa.

Samantala, ang mga tao sa kapatagan ay dumadaing na sa marahas na pamumuno ng mga Espanyol. Dahil sa mga paghihirap, sila ay nagplanong mag-aklas laban sa mga dayuhan. Nagsagawa sila ng mga palihim na pagpupulong at napili nila si Bernardo Carpio bilang pinuno.

Hindi lingid sa mga Espanyol ang planong pag-aaklas ng mga katutubo. Nang malaman din nilang si Bernardo Carpio ang itinalagang pinuno, nag-isip din sila kung paano pipigilan ang pag-aaklas. Dahil alam nila ang kakaibang lakas ni Bernardo Carpio, nakipagkasundo sila sa isang engkantador na tulungan silang magapi si Bernardo Carpio.

Matapos makabuo ng plano, ipinatawag ng mga Espanyol si Bernardo Carpio upang makipagkasundo sa mapayapang paraan. Sinabi nilang nais nilang malaman ang mga hinaing ng mga Pilipino.

Habang tinatahak ang daan patungo sa pook kung saan kikitain ni Bernardo Carpio ang mga Espanyol, siya ay napadaan sa pagitan ng dalawang bundok. Biglang nag-umpugan ang malalaking bato at siya ay naipit roon.

Samantala, nang hanapin si Bernardo Carpio ng mga kasamahan niya, nakita nila ang mga nag-uumpugang bato. Ang bahaging iyon ng kabundukan ay pinaniniwalaan nilang pinamamahayan ng mga engkanto kaya natakot sila at agad na nilisan ang pook. Hindi na rin nila kailanman nakita ang kanilang pinuno.

Naging bukambibig sa kapatagan ang hakang naipit si Bernardo Carpio ng malalaking bato. Sa tuwing lumilindol, pinaniniwalaan nilang kagagawan iyon ng kanilang bayani na nais kumawala sa mga nag-uumpugang bato.”

“Maypagasa”

Ang alamat ni Bernardo Carpio ay maiuugnay sa mga pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas. Naganap sa Kuweba ng Pamitinan sa Bundok Tapusi, na sakop ng bulubundukin ng Sierra Madre, ang mga lihim na pagtitipon ng Katipunan. Idineklara din doon ang kalayaan noong 12 Abril 1895, sa pangunguna ni Andres Bonifacio, may sagisag-panulat na “Maypagasa.”

Si Bernardo Carpio ay naging simbolo ng pagpupumiglas ng mga Pilipino laban sa mga mapang-abusong Espanyol. Samantala, si Bonifacio ang nagsilbing patunay sa pagpupumiglas na ito nang pangunahan niya ang Himagsikang Pilipino.

Ayon sa Nobela ni Rizal

Isa pa sa mga patunay na malaganap noon ang mga kuwentong-bayan tungkol kay Bernardo Carpio ay ang pagkakabanggit nito sa ikalimang kabanata ng El Filibusterismo  (1891), ang ikalawang nobela ni Jose Rizal.

Sa nobela, maingat na ikinuwento ng kutsero kay Basilio ang tungkol sa “Hari ng mga Indio.” Aniya, ang kanilang hari ay napipiit at nakatanikala sa isang yungib ng San Mateo. Bawat isang dantaon, nalalagot ang isang tanikala. Binanggit din sa nobela na nakalagan na ang mga kamay at kaliwang paa nito. Sa bawat pagpupumiglas ng kanilang hari, nayayanig ang lupa.

Iba pang Kuwento

  • May bersiyon din ng alamat na si Bernardo Carpio ay isang higanteng naipit sa pagitan ng dalawang bundok kung saan ginagamit niya ang kaniyang kakaibang lakas upang alalayan o buhatin ang kalangitan, pumagitna sa dalawang bundok upang hindi gumuho, o nagpupumiglas siyang makawala roon.
  • Noong 1919, inilathala ng Limbagan at Aklatan ni J. Martinez sa Maynila ang metriko romanse na pinamagatang Historia Famosa ni Bernardo Carpio sa Reinong España na Anak ni D. Sancho Diaz at ni Doña Jimena. Ngunit hindi ito tungkol sa “Hari ng mga Indio” kundi sa mala-alamat na bayani ng Spain.
  • Bago pa ang pagkakatatag ng Katipunan, si Andres Bonifacio ay gumanap din bilang aktor sa mga moro-moro at gumanap na rin bilang Bernardo Carpio.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.