Benjamin Abalos Jr.

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Benjamin Abalos Jr. 2019 (cropped).jpg

Si Benjamin “Benhur” de Castro Abalos Jr. (isinilang noong 19 Hulyo 1962) na kilala rin bilang Benhur Abalos, ay isang Pilipinong abogado at politiko. Siya ay kasalukuyang chairman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA). Siya ay nagsilbing alkalde ng Lungsod Mandaluyong noong 1998 hanggang 2004 at naupong muli noong 2007 hanggang 2016. Naging kongresista rin siya ng lungsod noong 2004 hanggang 2007.

Siya ay anak ni Benjamin Abalos na isang dating chairman ng Commission on Elections (COMELEC) at MMDA.

Personal na buhay

Si Benjamin Abalos ay isinilang noong 19 Hulyo 1962. Siya ay ikalawa sa limang anak nina Benjamin Abalos Sr. at Corazon de Castro. Nag-aral siya ng elementarya at haiskul sa Don Bosco Technical College. Nagtapos naman siya ng kursong history at political science sa De La Salle University noong 1982. Sa Ateneo de Manila University naman siya nagtapos ng abogasya noong 1987. Naging kinatawan din siya ng Student Council noong nasa Ateneo pa. Nakapasa siya ng bar examination noong 1987.

Ikinasal noong 1985 si Abalos kay Carmelita “Menchie” Abalos na kasalukuyang alkalde ng Mandaluyong. Mayroon silang anim na anak na sina Charisse at Ciara Marie na kambal, Benjamin III, Charlene Marie, Maria Corazon, and Celine Marie. Noong 2005, namatay ang isa sa kambal na anak ni Abalos na si Ciara Marie dahil sa impeksiyong dulot ng Escherichia coli bacteria. Siya ay 19 anyos lamang nang bawian ng buhay. Ang mga anak ni Abalos na sina Charisse at Benjamin III ay nasa politika rin na naglilingkod bilang kongresista ng Una at Ikalawang Distrito ng Mandaluyong.

Noong Hulyo 2020, inanunsiyo ni Abalos na siya ay nagpositibo sa COVID-19. Kasama niyag nagpositibo ang amang si Benjamin Sr., kaniyang ina, at anak na si Charisse. Sila ay gumaling sa virus kalaunan. Ayon kay Abalos, natulungan daw siyang pagalingin ng mga gamot mula sa China na ibinigay sa kaniya ni dating Senador Bongbong Marcos.

Politika

Konsehal (1995 – 1998)

Unang sumabak sa politika si Abalos noong 1995 bilang konsehal ng Unang Distrito ng Mandaluyong. Sa kaniyang pag-upo bilang konsehal,. Hinawakan niya ang Committee on Laws, Peace, and Order and Public Safety. Nagsilbi rin siya sa Committee on Angara Affairs and Livelihood Cooperatives.

Alkalde ng Mandaluyong (1998 – 2004)

Matapos ang isang termino bilang konsehal, tumakbo si Abalos bilang alkalde ng Mandaluyong at nanalo noong 1998. Sa kaniyang dalawang terminong pamumuno bilang alkalde, sumikat ang Mandaluyong dahil sa naging pagbabago ng lungsod na kalaunan ay tinagurian bilang “Tiger City of the Philippines.”

Kongreso (2004 – 2007)

Noong 2004, nakipagpalit ng posisyong tatakbuhan si Abalos kay Neptali Gonzales na kongresista ng nag-iisang distrito ng Mandaluyong. Magkatulad na nagtagumpay sina Abalos at Gonzales kahit nagpalit sila ng puwesto.

Bilang bahagi ng Kongreso, naging awtor si Abalos ng 25 panukalang batas at naging kapuwa awtor ng 54 na panukala. Si Abalos din ang naging sponsor ng pinakamalaking badyet para sa Philippine Sports Commission sa kasaysayan ng Pilipinas. Si Abalos din ang may-akda ng Republic Act No. 9397 na kilala rin bilang Amended Urban Development Housing Act of 1992.

Pagbabalik bilang alkalde (2007 – 2016)

Noong 2007, bumalik si Abalos bilang alkalde ng Mandaluyong matapos maipanalo ang eleksiyon. Sa kaniyang termino bilang alkalde, siya ay nahalal bilang pangulo ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), isang organisasyon ng 1.2 milyong mga nahalal at itinalagang lokal na opisyal ng pamahalaan sa Pilipinas kasama ang iba pang organisasyon sa ilalim nito tulad ng League of Governors, League of Vice Governors, Board Members, City Mayors, Municipal Mayors, Vice Mayors, Councilors, and Sangguinaang Kabataan, at maging samahan ng mga nars at midwife. Siya rin ay naging presidente ng League of Cities of the Philippines (LCP), isang organisasyong binubuo ng 122 alkalde ng mga lungsod sa Pilipinas. Si Abalos ang kauna-unahang opisyal na humawak ng dalawang prestihiyosong posisyong ito. Siya rin ang unang alkalde na naging presidente ng ULAP na karaniwan ay hinahawakan ng isang gobernador.

Chairman ng MMDA (2021 – kasalukuyan)

Si Abalos ay itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang chairman ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) noong 11 Enero 2021. Siya ay naging kapalit ni Danilo Lim na yumao dahil sa komplikasyong dulot ng COVID-19. Ang MMDA ay hinawakan din ng kaniyang ama noong 2001 hanggang 2002.

Sa kaniyang pag-upo, ipinangako ni Abalos na dadalhin niya sa MMDA ang mga ipinatupad niya sa Mandaluyong na nakilala sa pag-unlad sa mga taong siya ang naupo bilang alkalde. Sa pamumuno ni Abalos, isa siya sa mga nanguna sa pagpapatupad ng granular lockdowns bilang tugon sa lumalalang kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.

Noong Setyembre 2021, inilunsad ni Abalos at MMDA ang granular lockdown warning signals na halintulad sa warning signal kapag may bagyo. Mayroong apat na antas ang kaso ng COVID sa isang lugar na ipatutupad ng Department of Health (DOH).

Halalan 2022

Sa isang pahayag, sinabi ni Eastern Samar Governor Ben Evardone na ang ilan sa mga napipisil na kandidato ng PDP-Laban para sa pagkasenador sa 2022 ay mula sa gabinete ni Pangulong Duterte, kabilang si Abalos.

Gayunman, sa isang panayam, sinabi ni Abalos na hindi siya interesadong kumandidato sa anumang posisyon sa pamahalaan. Sapat na raw kay Abalos na nasa politika siya sa loob ng higit 20 taon at panahon na raw upang ibigay sa iba ang pagkakataon dahil hindi na rin daw siya bumabata.

Ngunit kahit hindi tatakbo si Abalos, buo raw ang magiging suporta niya kay Duterte na napababalitang tatakbo sa pagkabise presidente at sa partido ng pangulo. Ito raw ay bilang pagtanaw ng utang na loob nila sa pamilya Duterte na kaibigan ng kanilang pamilya.

“I’m not running for any position. I’m not running for the Senate. I’m not running for mayorship. I’m in government for more than 20 years. I’m nearly 60 years old. So, siguro it’s time na ibibigay ko na lang ito and bahala na kung saan tayo aagusin… You know what, malaki ang utang na loob ng pamilya namin sa kanya at sa pamilya Duterte. You know when my father was in the hospital and my mom died, he really took care of the family.”

Mga karangalan at pagkilala

  • 2015 Seal of Child Friendly Local Governance - Council for the Welfare of Children
  • 2015 Rafael M. Salas Population & Development Award - Commission on Population-National Capital Region
  • 2015 Communication Excellence in Organizations (CEO EXCEL) Award - International Association of Business Communicators-Philippines
  • 2011 Presidential Award for the Most Child-Friendly City in the Highly Urbanized City category (NCR) – Bilang alkalde ng Mandaluyong
  • 2010, 2011, and 2012 National Nutrition Council the Green Banner Award - Bilang alkalde ng Mandaluyong
  • 2013 Consistent Regional Outstanding Winner in Nutrition (CROWN) - Bilang alkalde ng Mandaluyong
  • 2014 and 2015 CROWN Maintenance Award

Mga sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.