Benigno S. Aquino III

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Benigno Aquino III Official 2015.jpg

Si Benigno Simeon Cojuangco Aquino III (Pebrero 8, 1960 – Hunyo 24, 2021) o mas kilala bilang Noynoy at PNoy, ay isang Pilipinong politikong nagsilbi bilang ika-15 pangulo ng Pilipinas. Naupo siya mula 2010 hanggang 2016. Naging bahagi rin siya ng House of Representatives at Senado.

Kabilang si Noynoy Aquino sa pamilyang Aquino na kilala bilang mga politiko at mukha ng demokrasya sa Pilipinas. Nang yumao si dating Pangulong Corazon Aquino, inanunsiyo nang noon ay senador na si Noynoy ang kaniyang kandidatura sa pagkapangulo at nanalo kalaunan, kapalit ni Gloria Macapagal-Arroyo. Sa kaniyang pag-upo bilang pangulo, nakitaan ng pag-angat ang ekonomiya ng bansa at natagurian ang Pilipinas bilang “Rising Tiger”. Nanindigan din si Aquino at kaniyang administrasyon laban sa China dahil sa pinag-aagawang West Philippine Sea at napanalunan ang desisyon sa inihaing arbitration case.

Napasama rin si Aquino bilang isa sa 100 Most Influential People in the World ng Time Magazine.

Noong Hunyo 24, 2021, binawian ng buhay si Aquino matapos ang renal failure dahil sa komplikasyon sa diabetes.

Kabataan, edukasyon, at trabaho

Isinilang si Benigno Simeon Aquino III noong Pebrero 8, 1960 sa Far Eastern University Hospital sa Sampaloc, Maynila. Siya ay anak nina dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino, Jr., at dating Pangulong Corazon Cojuangco Aquino. Ikatlo siya sa limang magkakapatid na sina Maria “Ballsy” Elena, Aurora “Pinky” Corazon, Victoria “Viel” Elisa, at Kristina “Kris” Bernadette.

Nag-aral si Aquino ng elementarya, haiskul, at kolehiyo sa Ateneo de Manila University. Natapos niya ang kursong Bachelor of Arts in Economics noong 1981. Naging propesor niya si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Noong Setyembre 1972, inaresto ang ama ni Aquino na si noon ay senador Ninoy Aquino matapos kasuhan ng subersiyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Dahil sa problema sa puso ni Ninoy, napayagan siya at kaniyang pamilya na manalagi sa America. Matapos ang pagtatapos ni Aquino noong 1981, sinamahan niya ang kaniyang pamilya sa America. Noong 1983, pinayagan nang makabalik sa Pilipinas ang pamilya Aquino na nagbunsod naman ng pagkakapatay ni Ninoy.

Nagtrabaho si Aquino bilang assistant of the executive ng Philippine Business for Social Progress (PBSP). Nagtrabaho rin siya bilang assistant retail sales supervisor at assistant promotions manager ng Nike Philippines.

Noong naging pangulo naman ang kaniyang inang si Cory, nagtrabaho naman siya bilang vice president ng Intra-Strata Assurance Corporation na pagmamay-ari ng kaniyang tiyuhing si Antolin Oreta Jr.

Noong Agosto 28, 1987, nadamay si Aquino sa ginawang tangkang kudeta ng mga rebeldeng sundalo sa pangunguna ni Gregorio Honasan. Tinangka nilang pasukin ang Malacañang kung saan nagka-engkuwentro ang mga sundalo at security escort ng mga Aquino kung saan lima ang nasawi at nagtamo naman ng mga tama ng bala si Aquino partikular sa kaniyang leeg.

Nagtrabaho rin si Aquino sa Centra Azucarera de Tarlac bilang executive assistant mula 1993 hanggang 1996 at naging manager of field services noong 1996 hanggang 1998.

Bilang kongresista at senador

Taong 1998 nang pasukin ni Aquino ang politika. Nahalal siya bilang representative ng ikalawang distrito ng Tarlac. Nanalo pa siya ng dalawang sunod na termino noong 2001 at 2004. Naging deputy speaker of the House of Representatives din si Aquino noong Nobyembre 2004 ngunit umalis sa posisyon noong Pebrero 21, 2006 nang lumipat si Aquino sa Liberal Party matapos masangkot sa Hello Garci scandal si noon ay pangulong Arroyo.

Nang matapos ang termino niya bilang representative, tumakbo bilang senador si Aquino at nanalo noong 2007 elections sa ilalim ng Genuine Opposition (GO) na isang koalisyon ng mga partidong kontra kay Arroyo. Sa kaniyang kampanya, nakatanggap ng suporta si Aquino mula sa kaniyang ina at kapatid na si Kris at lumabas din sa political ads nito. Sinuportahan din si Aquino ng Jesus is Lord Church. Nagkamit si Aquino ng 14.3 milyong boto at ikaanim na pinakamataas na botong nakuha ng senador noong halalan 2007.

Natuon ang mga panukalang batas na inihain ni Aquino kontra sa korupsiyon. Isa sa mga naging solusyon ni Aquino ay ang paghahain ng Senate Bill 2035 na tinawag na Preservation of Public Infrastructures bill na naglalayong itaas ang antas ng mga itinatayong impraestruktura sa Pilipinas at pananagutin ang mga contractor sa mga magagawang may mababang kalidad.

Isinulong din ni Aquino ang pag-amyenda sa Government Procurement Act (SB 2160) upang mas maging bukas sa publiko ang ginagawang paggasta ng pamahalaan sa pagkuha ng serbisyo at mga produkto. Ito ay kaugnay ng pagputok ng isyu ng NBN-ZTE deal sa ilalim ng pamamahala ni Arroyo.

Bilang pangulo ng Pilipinas

Opisyal na pagtakabo at kampanya

Si Mar Roxas, presidente ng Liberal Party, sana ang pambato ng oposiyon para sa eleksiyon 2010. Gayunman, marami ang nag-udyok kay Aquino na tumakbo bilang pangulo nang yumao si dating Pangulong Corazon Aquino dahil sa colon cancer.

Noong Setyembre 1, 2009, sa Club Filipino, inanunsiyo ni noon ay Senador Roxas ang kaniyang pag-atras bilang kandidato sa pagkapangulo sa darating na 2010 elections. Sinabi ni Roxas na na buo ang suporta niya kay Aquino sa pagtakabo bagaman wala itong inanunsiyong anuman noong araw na iyon kahit kasama siya sa proklamasyong pag-atras ni Roxas.

Kinabukasan, inanunsiyo ni Aquino na siya magmumuni-muni muna sa kaniyang gagawing desisyon at binista ang Carmelite Sisters sa Zamboanga City katulad ng ginawa ng knaiyang ina noong 1985. Noong Setyembre 9, 2009, pormal nang inanunsiyo ni Aquino ang kaniyang pagkandidato sa pagkapangulo. Dalawang linggo matapos ang anunsiyo, pormal nang naghain ng kandidatura si Aquino kasama ang kaniyang running mate na si Roxas noong Nobyembre 28, 2009.

Nang mag-umpisa ang kampanya, marami ring kumalat na balita tungkol sa umano’y problema sa pag-iisip ni Aquino. Naglabas ang National Power Corporation (NAPOCOR) president na si Guido Delgado ng isang psychiatric report na may lagda ng isang propesor sa sikolohiya at isang clinical psychologist mula sa Ateneo de Manila University. Ayon sa report, noong nag-aaral pa umano si Aquino sa Ateneo ng economics noong 1979, nakaranas daw ito ng depression at melancholia ngunit pinabulaanan ito ni Father Jaime C. Bulatao, ang isa sa mga nakalagda raw sa report. May lumabas ding malisyosong ulat tungkol sa umano’y pagkakaroon ni Aquino ng major depressive disorder ngunit pinabulaanan naman ng mga taong sinasabing lumagda sa report.

Ikinampanya naman ni Senador Francis Escudero ang tambalang Aquino at Jejomar Binay ng PDP-Laban na kalaunan ay mga nagwagi sa eleksiyon.

Noong Hunyo 10, 2010, sa Batasang Pambansa, Lungsod Quezon, pormal na ipinroklamang panalo si Aquino bilang bagong pangulo ng Pilipinas matapos magtala ng 15,208,678 na boto habang si Binay naman ang pangalawang pangulo.

Pagkapangulo

Noong Hunyo 30, 2010, pormal na nanumpa si Aquino bilang ika-15 pangulo ng Pilipinas. Tinawag din siyang PNoy ng media at kaniyang mga taga-sunod. Isa sa mga unang ipinatupad ni Aquino ay ang pagbuo ng ‘truth commission’ na mangunguna sa imbestigasyon sa naganap na korupsiyon sa pamumuno ni Arroyo. Ginawa ni Aquino ang kaniyang unang State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 26, 2010 sa Batasang Pambansa, Lungsod Quezon.

Sa unang SONA ni Aquino, naging matunog ang kaniyang “walang wang-wang” na polisiya o hindi paggamit ng mga sirena ng mga sasakyan ng pamahalaan, pulis, at militar. Inumpisahan din ni Aquino ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at nakipagpulong sa grupo sa Tokyo, Japan noong Agosto 2011 na nagresulta sa pagkakalikha ng Framework Agreement on the Bangsamoro. Nag-umpisa ang proseso ng pagkakaisa sa pamamagitan ng pagpapalit ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM). Noong 2014, nilagdaan ang Comprehensive Agreement on the Bangsamoro (CAB) sa pagitan ng Pilipinas at MILF na sinasabing huling kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng dalawang partido. Dahil sa CAB, nabuo ang Bangsamoro Basic Law (BBL).

Sa panahon din ni Aquino nagkaroon ng reporma sa sistema ng edukasyon sa bansa nang maisabatas ang Enhanced Basic Education Act noong 2013. Sa ilalim nito, naipatupad ang K-12 Curriculum o ang pagdadagdag ng dalawang taon sa haiskul na tinatawag na Senior High School. Binago ang kurikulum sa bansa dahil ang Pilipinas na lamang ang isa sa tatlong mga bansa sa mundo na mayroong 10 taon lamang sa basic education.

Nakilala rin ang administrasyong Aquino dahil sa mga hakbang nito laban sa China na kumakamkam sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea. Naghain ng kaso ang Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration (PCA) laban sa China dahil sa hindi pagkilala nito sa nine-dash line at sinasabing pag-aari nila ang buong karagatan.

Mga kritisismo at iskandalo

Manila Hostage Crisis

Noong Agosto 23, 2010, naganap ang malagim na Manila hostage crisis sa Quirino Grandstand, Maynila. Isang lalaki ang nang-hostage ng isang bus na naglalaman ng mga turista mula sa Hong Kong. Nabatikos ang pulisya dahil sa mga ginawang aksiyon ngunit nagresulta pa rin sa pagkamatay ng walong Hong Kong national noong araw na iyon. Iniutos ni Aquino ang isang masinsinang imbestigasyon ukol sa pangyayari at sinabing dapat munang matapos ang imbestigasyon bago siya may alisin sa puwesto. Pinuna rin ni Aquino ang media dahil sa ginawa nitong ulat na nagbigay umano sa hostage taker ng ideya sa kung ano ang sitwasyon sa labas dahil mas telebisyon sa loob ng bus. Napuna rin si Aquino dahil sa nakuhanan siyang ngumingiti sa isang panayam ilang oras matapos ang nangyaring hostage taking ngunit humingi rin ng paumanhin sa naging kilos niya at sinabing wala siyang anumang intensiyon sa kaniyang pagngiti.

Noong Agosto 25, 2010 ay nilagdaan ni Aquino ang Proclamation No. 23 bilang national day of mourning dahil sa insidente. Gayunman, walang pormal na paghingi ng tawad sa administrasyon ni Aquino tungkol sa malagim na pagkasawi ng walong Hong Kong national hanggangsa termino ni Pangulong Rodrigo Duterte. Humingi ng tawad si Duterte noong 2018 sa nangyari bilang kinatawan ng bansang Pilipinas.

Bagyong Yolanda

Kinaharap din ng administrasyong Aquino ang isa sa pinakamalakas na bagyong tumama sa Pilipinas, ang Bagyong Yolanda. Marami ang pumuna sa kabagalan ng pamahalaan sa pagtulong sa mga biktima ng bagyo noong Nobyembre 2013. Pinuna rin ang kakulangan sa paghahanda ng administrasyon dahil umabot sa higit 6,000 katao ang nasawi sa bagyo. Naging bunga ang mga kritisismo sa kabagalan ng pamahalaan sa pagdagsa ng tulong mula sa iba’t ibang bansa.

K to 12 Program

Marami rin ang nagkaroon ng agam-agam sa K to 12 program na sinimulan sa pamumuno ni Aquino. Ayon sa ilang mga guro, magulang, at estudyante, magiging dagdag sa pasanin nila ang karagdagang dalawang taon sa haiskul. Laganap na rin umano ang kakulangan sa klasrum, guro, aklat, at iba pang pasilidad at pangangailangan ng bansa na mas palalalain ng pagpapatupad ng K to 12 program.

Mamasapano Clash

Isa sa pinakamalaking iskandalong kinaharap ng administrasyong Aquino ay ang Mamasapano clash. Noong Enero 25, 2015, nagkaroon ng sagupaan ang Special Action Force (SAF) at ang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) nang magkaroon ng operasyong tinatawag na “Oplan Exodus” ang pamahalaan.

Plano sana ng SAF na magbigay ng warrant of arrest sa mga miyembro ng BIFF at mahuli ang kilalang teroristang Malaysian na si Zulkifli Abdhir ngunit nauwi ito sa engkuwentro na ikinamatay ng 44 na SAF na tinawag na SAF 44. Naging kontrobersiyal ang pasya ni Aquino na ipagkatiwala ang operasyon sa noon ay suspendidong hepe ng pulisya na si Alan Purisima. Dahil dito, nasampahan ng kaso si Aquino noong Hulyo 2017.

Pagkatapos ng pagkapangulo

Pagkatapos ng termino ni Aquino at nang maupo na si Duterte sa Malacañang bilang kapalit niya, bumalik si Aquino sa bahay ng kaniyang mga magulang sa Times Street, Lungsod Quezon. Sa pamumuno ni Duterte, nanatiling tahimik si Aquino at nagkaroon ng bibihirang paglabas sa publiko. Noong 2016, lumahok si Aquino sa isang kilos protesta bilang pagtutol sa paglilibing kay Ferdinand Marcos.

Personal na buhay

Hindi ikinasal si Aquino kaya siya ang kauna-unahang binatang pangulo ng Pilipinas. Gayunman, nagkaroon din siya ng ilang karelasyon. Naging nobya niya ang isang konsehal ng Valenzuela at TV personality na si Shalani Soledad ngunit naghiwalay sila noong Nobyembre 2010. Nagkaroon din sila ng relasyon ng host na si Grace Lee. Naugnay din si Aquino kina Liz Uy, Korina Sanchez, at Bernadette Sembrano.

Kilala si Aquino dahil sa kaniyang paninigarilyo. Wala siyang ibang bisyo kung hindi ang manigarilyo. Nang manalo siya bilang pangulo ng Pilipinas noong 2010, nakatanggap siya ng tawag mula kay US President Barack Obama at sinabihang tutulungan upang ihinto na niya ang kaniyang paninigarilyo.

Sakit at pagkamatay

Umugong ang mga balitang may problema sa kalusugan si Aquino nang hindi siya makadalo sa ika-36 anibersaryo ng kamatayan ng kaniyang ama noong Agosto 2019. Ngunit sinabi ng tagapagsalita ni Aquino na si Abigail Valte na maayos naman si Aquino at hindi dapat ipag-alala ang kalusugan nito.

Noong Nobyembre 2019, napaulat na nagkaroon ng pulmonya si Aquino at isinugod sa Makati Medical Center. Naka-confine si Aquino at iniligay sa intensive care unit. Sinabi ni Senador Kiko Pangilinan na isinugod si Aquino sa ospital dahil sa problema sa kidney.

Noong Hunyo 24, 2021, natagpuan ng kasambahay ni Aquino ang dating pangulo na wala nang buhay sa kaniyang recliner sa kaniyang bahay sa West Triangle, Lungsod Quezon. Dinala siya sa Capitol Medical Center at idineklarang patay 6:30 n.u. Ang naging dahilan ng kaniyang pagkamatay ay renal disease, secondary to diabetes.

Ayon sa isang tauhan ni Aquino, nakatakda sana siyang sumailalim sa dialysis noong Hunyo 21 ngunit tumanggi na ito dahil nanghihina raw siya. Sumailalim din si Aquino sa angioplasty upang paghandaan ang kaniyang kidney transplant.

Na-cremate si Aquino at ang mga abo niya ay inilagak sa Manila Memorial Park. Si Aquino ang kauna-unahang pangulo ng Pilipinas na nai-cremate. Ilang oras nang yumao si Aquino, idineklara ni Pangulong Duterte ang sampung araw ng pambansang pagluluksa mula Hunyo 24 hanggang Hulyo 3.

Mga Sanggunian