Benigno Aquino Jr.

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Ninoy Aquino 3.jpg

Si Benigno Simeon Aquino, Jr. (Nobyembre 27, 1932 – Agosto 21, 1983), kilala rin bilang Ninoy Aquino, ay isang Pilipinong senador na naging pangunahing kritiko ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Pinatay siya sa Paliparang Pandaigdig ng Maynila (kalaunan ay pinangalanang Paliparang Pandaigdig ng Ninoy Aquino bilang parangal sa kaniya) pagkauwi niya mula USA, kung saan siya pinadala kasama ang kaniyang pamilya upang magpagamot.

Nang ideklara ang Batas Militar, isa si Aquino sa mga dinakip at nakulong ng maraming taon. Nagkaroon siya ng sakit sa puso at pinahintulutan namang maoperahan sa USA. Dahil sa pagnanasang maglingkod sa bayan at sambayanang Pilipino, bumalik si Aquino sa Pilipinas. Subalit sa kaniyang pagbabalik ay hindi na niya naisakatuparan ang kaniyang mga adhikain sapagkat pagtuntong pa lang niya sa paliparan ng MIA ay binaril siya nang hindi pa natutukoy na indibidwal. Ang kaniyang pagkamatay noong Agosto 21, 1983 ang naging sanhi ng pagkakaisa ng mga Pilipino laban sa diktaduryang Marcos at naging daan rin sa pagkapangulo ng kaniyang maybahay na si Corazon Aquino. Ayon sa mga testigo, ang mga sundalong naghatid sa kaniya pababa ng eroplano ay may mga kinalaman sa kaniyang pagkamatay. May mahigit dalawang milyon ang sumama sa prusisyon upang ihatid si Aquino sa kaniyang huling hantungan.

Personal na buhay

Isinilang si Benigno “Ninoy” Aquino Jr., sa Concepcion, Tarlac noong Nobyembre 27, 1932. Sina Benigno Aquino Sr. at Aurora Lampa Aquino ang kaniyang mga magulang na mula sa mayamang pamilya ng mga hasyendero sa kanilang lugar at mga orihinal na may-ari ng Hacienda Luisita. Ang kaniyang lolo na si Sevillano Aquino ay isang heneral sa pamahalaan ni Emilio Aguinaldo.

Nag-aral siya noong elementarya sa De La Salle College at Saint Joseph’s College of Quezon City. Nagtapos naman siya ng haiskul sa San Beda College. Sa Ateneo de Manila University naman nagkolehiyo si Aquino at kumuha ng Bachelor of Arts ngunit hindi natapos. Ayon sa isang mga biograpiya ni Aquino, hindi raw siya matalinong estudyante. Hindi raw siya nakakukuha ng mga markang nasa 90s ngunit wala rin namang 70s.

Sa edad na 17, siya ang naging pinakabatang korespondent ng digmaan sa Korea para sa The Manila Times ni Don Joaquin “Chino” Roces. Dahil sa kaniyang husay bilang isang mamamahayag, nakatanggap siya ng parangal na Philippine Legion of Honor mula kay dating Pangulong Elpidio Quirino noong siya ay 18 anyos.

Noong siya ay 21, naging isa siya sa mga malapit na tagapayo nang noo’y Defense Secretary na si Ramon Magsaysay. Sumali rin siya sa Upsilon Sigma Phi kung saan kasama niya sa fraternity na ito si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ikinasal si Aquino noong 1953 kay Corazon Cojuangco sa Our Lady of Sorrows Church sa Lungsod Pasay. Isa sa mga naging isponsor ng kasal ay si Magsaysay. Nagkaroon sila ng limang anak: sina Maria Elena "Balsy", Aurora Corazon "Pinky", Benigno Simeon III "Noynoy" (na kalaunan ay naging pangulo rin ng Pilipinas), Victoria Elisa "Viel", at Kristina Bernadette "Kris Aquino".

Noong 1954, inatasan ni Magsaysay si Aquino na pamunuan ni Aquino ang pakikipag-usap sa lider ng Hukbalahap na si Luis Taruc. Matapos ang apat na taong negosasyon, sumuko si Taruc. Dahil dito, muling nabigyan si Aquino ng kaniyang ikalawang Philippine Legion of Honor na may digring komander noong Oktubre 14, 1954.

Politika

Namulat sa mundo ng politika si Aquino dahil ang kaniyang angkan ay mga politiko rin. Ang kaniyang lolo ay isa sa mga katuwang ni dating Pangulong Aguinaldo sa panahon ng rebolusyon. Noong 23 anyos si Aquino, nahalal siya bilang alkalde ng Concepcion, Tarlac. Limang taon ang lumipas, nahalal naman siya bilang bise-gobernador sa edad na 27. Noong 1961 naman, naging gobernador na si Aquino ng lalawigan ng Tarlac at naging secretary-general ng Liberal Party noong 1966.

Noong 1967, tumakbo at nanalo bilang senador si Aquino. Sa kaniyang unang taon bilang senador, ibinunyag ni Aquino na si Marcos ay pinalalaki ang badyet ng Sandatahang Lakas para sa mga personal nitong adhikain. Nagpatuloy ang pagiging kritiko ni Aquino sa pamumuno ni Marcos kabilang ang pagtatayo ng Cultural Center sa pangunguna ni First Lady Imelda Marcos na isang proyektong magastos.

Sa panahon ng Batas Militar

Si Aquino ang pinaniniwalaang pinakamalaks na kandidato laban kay Marcos. Gayunman, noong Setyembre 21, 1972, sa pamamagitan ng Proclamation No. 1081, idiniklara ni Marcos ang Batas Militar sa buong Pilipinas. Si Aquino ang isa sa mga inaresto dahil sa patong-patong na reklamong ipataw sa kaniya ni Marcos kabilang ang subersiyon.

Noong Abril 4, 1975, inanunsiyo ni Aquino na siya ay nagsasagawa ng hunger strike bilang protesta sa kawalan ng hustisya sa kaniyang mga paglilitis. Dahil sa ginawang protesta, tuluyang nanghina si Aquino. Nagsagawa ang kaniyang mga tagasuporta ng isang prayer rally sa Greenhills, Lungsod San Juan para sa kaniyang paggaling. Sa pagsapit ng ika-40 araw ng kaniyang ayuno, nakumbinsi si Aquino na ihinto na ang kaniyang protesta ng kaniyang pamilya at mga kaibigan.

Kahit nasa piitan noon si Aquino, napahintulutan pa rin siyang tumakbo sa 1978 elections. Binuo nila ang partidong Lakas ng Bayan na mayroong 21 kandidato ngunit lahat sila ay hindi nagwagi. Noong Marso 1980, inatake sa puso si Aquino at dinala sa Philippine Heart Center. Lumabas sa mga pagsusuri na may nagbarang arterya sa kaniyang puso. Walang doktor na nais mag-opera kay Aquino dahil umiiwas sila sa maaaring kontrobersiyang kasangkutan nila. Ayaw rin ni Aquino na magpa-opera sa Pilipinas bagkus nais niyang maoperahan sa United States.

Napayagan ang pagpunta ni Aquino at kaniyang pamilya sa United States para magpaopera sa ilalim ng ilang kondisyon. Una, babalik siya sa Pilipinas; at hindi siya magsasalita ng anumang bagay laban kay Marcos habang nasa Amerika.

Naging matagumpay ang operasyong ginawa kay Aquino ng Filipino-American na doktor na si Rolando M. Solis na nakabase sa Dallas, Texas. Matapos ang operasyon, bumuti ang lagay ni Aquino. Nagsimula ng bagong buhay sa Massachusetts si Aquino at kaniyang pamilya. Dito ay nagsulat siya ng dalawang aklat at nagbigay ng ilang lektura sa mga kapuwa niya iskolar ng Harvard University at Massachusetts Institute of Technology. Dahil hindi na kinikilala ni Aquino ang kasunduang ipinangako sa mga Marcos, nagpatuloy ang pagbibigay niya ng pahayag laban sa pangulo ng Pilipinas. Kahit na may maayos na pamumuhay sa Amerika, batid ni Aquino na kakailanganin din niyang bumalik sa Pilipinas.

Pagbabalik sa Pilipinas at pagpatay

Noong 1983, natanggap ni Aquino ang balitang may suliranin na sa kalusugan si Marcos dahil sa lupus. Naisip niyang kailangan na niyang makausap si Marcos upang maibalik ang kalayaan ng Pilipinas bago magkaroon pa ng hindi inaasahang mga pangyayari. Kahit na alam niyang may banta sa kaniyang buhay sa pagbabalik sa Pilipinas, nagpasiya si Aquino na lisanin ang Amerika at bumalik sa kaniyang sariling bansa. Gayunman, nagkaroon ng suliranin ang pamilya Aquino dahil hindi sila pinayagang makakuha ng pasaporte dahil utos ito ng Ministry of Foreign Affaiirs. Nakakuha si Aquino at pamilya ng pasaporte sa tulong ni Rashid Lucman, naglunsad ng Bangsamoro Liberation Front at sa tulong na rin ni Roque R. Ablan, Jr., isang kongresista noong mga panahong iyon.

Umalis sila sa Boston patungong Singapore. Mula sa Singapore, pumunta sila sa Johor, Malaysia upang makipagkita sa mga pinuno ng Malaysia. Pumunta naman siya sa Hong Kong at sumunod sa Taipei. Mula sa Taipei, sumakay si Aquino sa China Airlines Flight 811 papuntang Maynila.

Kahit na alam ni Aquino na may banta sa kaniyang buhay at ayaw ni Marcos na makisangkot pa siya sa politika ng Pilipinas, sinabi niyang handa siyang mamatay para sa mga Pilipino: “The Filipino is worth dying for.”

Nakasuot ng bulletproof vest si Aquino. Sinabi rin nito na kung sa ulo siya babarilin, wala siyang magagawa para proteksiyunan ito. Noong Agosto 21, 1983, binaril si Aquino pagbaba niya sa eroplano sa kabila ng nasa 1,000 tauhang inatasan ni Marcos na magbantay kay Aquino. Nabaril din si Rolando Galman at napatay. Ayon sa mga Marcos, si Galman daw ang utak sa pagpatay kay Aquino.

Nagkaroon ng imbestigasyon at nasa 26 na indibidwal ang nakasuhan. Noong 1990, nasintensiyahan ng habambuhay na pagkakakulong ang 16 na sundalo. Matapos ang asisanasyon kay Aquino, tumakbo ang oposisyon sa 1984 Parliamentary Elections at 61 kinatawan nila ang nanalo.

Paglilibing

Walong araw na hindi ginalaw o pinalitan ng damit ang bangkay ni Aquino. Ayon sa ina niyang si Aurora, pinili nilang hindi iembalsamo o ayusan ang anak upang makita ng mga tao kung ano ang ginawa kay Aquino. Dumagsa ang libo-libong tagasuporta ni Aquino sa kanilang bahay sa Times Street. Dumating ang buong pamilya ni Aquino kasama si Corazon isang araw matapos ang asasinasyon. Nagkaroon ng misa sa Sto. Domingo Church, Lungsod Quezon at inilibing si Aquino sa Manila Memorial Park. Nasa tinatayang dalawang milyon ang mga Pilipinong sumama sa prosisyon bilang pagbibigay pugay kay Aquino. Ayon kay Jovito Salonga, ang pinuno ng Liberal Party, si Aquino raw ang pinakamahusay na pangulong hindi natin nailuklok.

Pagbibigay pugay at legasiya

Pinalitan ang pangalan ng Paliparang Pandaigdig ng Maynila bilang Paliparang Pandaigdig ng Ninoy Aquino bilang pag-alala sa asasinasyon kay Aquino. Inilagay din ang kaniyang mukha sa limangdaang piso kasama ang kaniyang asawang si Corazon.

Noong Pebrero 25, 2004, sa ika-21 taong anibersaryo ng asasinasyon kay Aquino, nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Republic Act 9256  o batas na ginagawang isang special non-working holiday ang Agosto 21 sa Pilipinas.

May mga rebulto ring itinayo para kay Aquino kabilang ang tansong rebultong makikita malapit sa Philippine Stock Exchange sa Lungsod Makati. Ito rin ay naging tanyag na lugar kung saan ginagawa ang ilang kilos-protesta at pagtitipon laban sa pamahalaan. Itinayo rin ang isa pang tansong rebulto sa tapat ng munisipyo ng Concepcion, Tarlac.

Ipinangalan din kay Aquino ang aklatan ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) na tinatawag na Ninoy Aquino Library and Learning Resources Center.

Mga Sanggunian