BenCab Museum

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
BenCab Museum

Ang BenCab Museum ay isang proyekto ng BenCab Art Foundation kung saan makikita ang mga koleksyon ng Pambansang Alagad ng Sining na si Benedicto R. Cabrera o BenCab. Mayroon itong iba't ibang galeriya, maging ng mga lugar kung saan maaaring magtanghal at magkaroon ng eksibit.

Binuksan noong 15 Pebrero 2009, matatagpuan din dito ang mga guhit ni BenCab, kanyang mga kuleksyon ng katutubong sining ng Cordillera at mga obra ng mga Pilipinong manlilikha.

Lokasyon

Matatagpuan ang BenCab Museum sa Km. 6 Asin Road, labinlimang-minutong biyahe mula sa sentro ng Lungsod Baguio. Makikita rito ang mga tanawin ng hardin, bukid, burol at isang maliit na gubat, mga nakapaligid na kabundukan, at ang Dagat Timog Tsina sa malayong kanluran.

Mga Kuleksyon at Proyekto

Sa layong ilapit ang sining sa mga tao, nakalagay sa museo ang mga kuleksyon ni BenCab ng kanyang sariling mga obra at ng mga kilalang manlilikhang Pilipino noon at ngayon. Masisilayan dito ang dambana ng mga diyos, sisidlang porselana, sinaunang kasangkapan, armas, at iba pang katutubong sining at likha ng Cordillera.

Permanenteng eksibisyon

  • BenCab Gellery – Dito matatagpuan ang mga sariling akda ni BenCab mula pa noong dekada sitenta sa Lungsod Maynila, nagbunga sa London, Inglatera at iba pang lugar sa Europa, at nagpatuloy sa kanyang pagbabalik noong dekada otsenta sa Baguio at Cordillera.
  • Maestro Gallery – Matatagpuan dito ang mga pilng likha nina Aguinaldo, Chabet, Edades, Joya, Legaspi, Luz, Magsaysay-Ho, Sanso, Zobel at iba pang tinaguriang maestro ng Pilipinong sining.
  • Cordillera Gallery – Lagakan ng kuleksyon ng mga katutubong bagay at likha ng mga nasa mataas na bahaging hilaga ng Pilipinas gaya ng bulol, mga inukit na bagay gaya ng kutsara, puswelo, kasangkapan, at iba pang magagamit na bagay gaya ng sisidlan, maging mga armas ng iba't ibang tribu na nakilala noon sa kanilang ritwal sa pangangaso.
  • Patio Salvador – Isang bukas na balkonahe na dumurugtong sa Indigo Gallery, at ginagamit sa pagtatanghal ng ikultura at tanggapan.
  • Erotica Gallery – Matatagpuan dito ang mga larawang ginuhit, ipininta, hinulma o sa iba pang paraang sining ng iba't ibang mga manlilikha na may temang erotika.
  • Larawan Hall – Dito isinasagawa ang mga palihang sining, pagpupulong, seminaryo, pagpapalabas ng pelikula at iba pang gawain.
  • Philippine Art Contemporary 1
  • Philippine Art Contemporary 1
  • Print Gallery – Dito makikita ang mga lumang mapa, imprenta, litrato at mga postcard ng Pilipinas kasama ang ibang kontemporaryong imprenta at larawan.
  • Sepia Gallery – Isa pang lugar ng mga eksibit.

Bukid at Hardin

Matatagpuan naman sa ibaba ng museo ang Bukid at Hardin na nagtatampok sa mga produktong kabukiran na katutubo rito at mga karaniwang sinaunang arkitektura ng Ifugao, Kalinga, at Bontoc. Dumadaloy ang isang ilog sa kahabaan na may talon sa dulo. Nasa kabila naman ang burol at maliit na gubat na nagtatampok sa isang eco trail na pinagmumulan naman ng sariwang tubig na ginagamit sa museo at sa bukid. Nagtatanim si BenCab, kasama ng mga katutubong manggagawa, ng mga gulay, halaman, strawberry, kamote, kape at iba pang ornamental. May kulungan din ng mga pabo real at iba pang mga ibon, at ng mga hayop sa bukid kabilang ang bibe, gansa at iba pang lokal na hayop.

Café Sabel

Mayroon ding kapehan sa museo, ang Café Sabel, kung saan mula rito ay makikita ang gubat at lawa ng mga bibe. Maaaring makakain dito ng sariwa at natural na pagkain gaya ng gulay, halaman at iba pa. Mula naman sa mga tanim na puno ng kape ang maiinom dito.

Panlabas na kawing

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.