Baybayin

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang baybayin ay itinuturing na sinaunang pamamaraan ng pagsulat ng mga katutubong Tagalog. Binubuo ito ng 17 simbolo na kumakatawan sa mga titik: 14 katinig at 3 patinig. [1]

Marami ang namamali sa pagtawag sa baybayin bilang “alibata.” Ayon sa isang pahayag ni Regalado Trora Jose, propesor sa University of Santo Tomas, ang alibata ay naimbentong salita lamang umano noong 1914 kaya hindi ito maituturing na katutubong salita. Ang alibata ay ginamit lamang na pantukoy sa baybayin. [2]

Ang baybayin sa wikang Tagalog ay nangangahulugang “lupain sa gilid ng dagat.” Tumutukoy rin ito sa pag-ispeling o pagbasa sa nakasulat na mga titik ng isang salita.

Baybayin sa Kapuluan

Ang sistema ng pagsulat ng baybayin ay nadatnan ng mga misyoneryong Espanyol noong panahon ng kolonyalismo. Naitala ito ng misyoneryong Heswita na si Pedro Chirino. Patunay ito na hindi salat sa kaalaman ang ating mga ninuno.

May bahagi rin sa Doctrina Christiana, ang kauna-unahang aklat na nailimbag sa Pilipinas noong 1593, na nakalimbag sa baybayin. Ginawa ito upang higit na maunawaan ng mga katutubo ang mga aral ng Simbahan.

Isa ang baybayin sa mga aspekto ng sinaunang kulturang Pilipino na matagumpay na napalitan ng dayuhang sistema ng panulat. Sa kabutihang-palad, may ilang pangkat sa kapuluan ang napanatili ang kasanayan sa katutubong pagsulat. Pangunahin dito ang mga Mangyan sa Mindoro at ang mga Tagbanwa sa Palawan na hanggang sa kasalukuyan ay ginagamit ang kani-kanilang baybayin.[1] [1]

Ang mga Titik

Ang baybayin ay isang alpha-syllabic script na binubuo ng 3 patinig (A, E/I, at O/U) at 14 kombinasyon ng katinig-patinig (B, C/K, D/R, G, H, L, M, N, NG, P, S, T, W, at Y). Ang alpha-syllabic ay nangangahulugan na ang mga titik ay kumakatawan sa buong pantig. Ang bantas na kudlit ay idinadagdag upang mabago ang patinig. Nagbabago ang tunog ng patinig mula A patungong E/I kung ang kudlit ay nasa ibabaw ng titik; O/U naman ang tunog kung ang kudlit ay nasa ilalim. [3]

Ang antas ng literasiya sa baybayin ay nag-iiba sa iba’t ibang bahagi ng bansa noong ika-16 at bungad ng ika-17 dantaon. Ayon sa tala ng tagapagsalaysay ni Ferdinand Magellan na si Antonio Pigafetta, ang mga Bisaya ay hindi marunong sa baybayin habang ang mga katutubo mula Luzon ay mahusay na nakapagsusulat gamit ang katutubong iskrip.[3]

Masinop na Pag-aaral

Noong 2012, inilunsad ang booklet na Baybayin Atbp.: Mga Pag-aaral at Pagpapayaman ng Kulturang Pilipino. Binuo nina Dr. Teresita B. Obusan, Raymond M. Cosare, at Minifred P. Gavino ang booklet na may sampung taon din ang itinagal bago nailathala.[4]

Ayon sa isang panayamn kay Dr. Obusan, “Kinakailangan ng ganitong panahon upang pagyamanin at palalimin ang pag-unawa namin sa baybayin. Maihahalintulad ito sa isang pagdadalantao, kung saan kailangan ang siyam na buwan upang mabuo ang isang nilalang.” [4]

Binubuo ng 80 pahina, mababasa sa booklet ang mahahalagang impormasyon tungkol sa baybayin. Pangunahin na rito ang pagpapakahulugan sa baybayin, pagpapaliwanag sa kaibahan ng baybayin sa alibata, kailan nagsimula, sino-sino ang unang gumamit, at alituntunin ng mga unang Pilipino sa pagsulat nito.[4]

May mga sangay rin ng pamahalaan, tulad ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), at mga non-government organization, na masikap na pinangangalagaan ang baybayin. Ang mga tagapagtaguyod nito ay naglulunsad ng iba’t ibang pagsasanay upang mahikayat ang mga Pilipino na matutuhan ang katutubong paraan ng pagsulat.

Mga Pinagbatayan

  1. 1.0 1.1 1.2 Eilene G. Narvaez, ed. Virgilio S. Almario. “Baybayin.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  2. Sembrano, Edgar Allan M. “UST Documents in Ancient ‘Baybayin’ Script Declared a National Cultural Treasure.” Inquirer.net, 25 Agosto 2014. http://lifestyle.inquirer.net/169646/ustdocuments-in-ancient-baybayin-script-declared-a-national-cultural-treasure. Accessed 19 Pebrero 2021.
  3. 3.0 3.1 Tan, Nigel. “Evolution of the Filipino alphabet.” Rappler, 22 August 2014. http://www.rappler.com/newsbreak/iq/66819-evolution-filipino-alphabet. Accessed 19 Pebrero 2021.
  4. 4.0 4.1 4.2 Ime Morales. “Book review: Why is baybayin relevant today?” GMA News Online, 19 Oktubre 2012. http://www.gmanetwork.com/news/lifestyle/content/278915/book-review-why-is-baybayin-relevant-today/story. Accessed 19 Pebrero 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.