Bayanihan

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang bayanihan ay isang katagang Pilipino na nagmula sa salitang “bayan” na maaaring tumukoy sa isang komunidad. Ang salitang bayanihan ay tumutukoy naman sa pagkakaisa ng isang komunidad para sa isang layunin.

Maituturing itong tradisyonal na gawaing pampamayanan kung saan ang layunin ng mga mamamayan ay mapagaan ang isang mabigat na gawain. Iniuugnay din ito sa pagbubuhat ng bahay-kubo ng mga taga-nayon upang ilipat sa ibang pook. Kusang dumarating ang kalalakihan upang tumulong sa pagbubuhat nito.

Kasaysayan

Nagmula ang salitang bayanihan nang gamitin ito ng mga Pilipino sa pamamagitan ng pagtutulong-tulong sa pagbubuhat at paglilipat ng mga gamit ng isang pamilya o taong maninirahan sa ibang lugar. Kasama sa proseso ng bayanihan ang pagbubuhat ng bahay patungo sa bago nitong lokasyon. Ginagawa ito sa pamamagitan ng paglalagay ng mga kawayan sa gilid ng bahay hanggang sa maiangat ito at madala sa ibang lugar. Isang likha ng National Artist na si Carlos “Botong” Francisco ang nagpapakita ng tradisyon ng bayanihan. Bahagi na rin ng tradisyong ito ang pagkakaroon ng isang maliit na pista bilang pasasalamat ng naglipat na pamilya sa mga tumulong sa kanila.

Paggamit ng salita

Naging popular ang paggamit sa salitang bayanihan bilang pagtukoy sa mga hakbang na ginagawa ng mga mamamayan upang maresolba ang mga isyu at problema sa sosyedad. Ang kauna-unahang grupo na gumamit ng salitang ito para sa kanilang pagkakakilanlan ay ang Bayanihan Dance Company. Nagtatanghal ang naturang grupo sa iba’t ibang lugar sa buong mundo at ipinapamalas ang kanilang husay sa pagsasayaw ng tradisyunal na sayaw ng mga Pilipino, gayon din ang pagpapakita ng mayamang kultura ng ating lahi.

Mga Sanggunian

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.