Bayani

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang salitang “bayani” ay tumutukoy sa taong may kahanga-hangang katapangan, abilidad, at may mahalagang naiambag sa lipunan. Sa kasalukuyan, hindi na lamang sina Jose Rizal, Apolinario Mabini, Emilio Jacinto, at iba pang nakipaglaban para sa ating kalayaan ang maituturing na bayani. Bayani rin ang magigiting na sundalo, pulis, at iba pang lingkod-bayan na tapat sa kanilang tungkulin. Maging ang mga guro at iba pang nagsisikap itaguyod ang edukasyon, higit sa mga liblib na lugar, ay maituturing na bayani. Bayani ang mga magulang na itinataguyod ang pamilya tungo sa maunlad na pamumuhay. Bayani ang mga taong gumagawa ng mga bagay na makatao, makatarungan, at makabayan. Samakatwid, bawat isa sa atin ay may kabayanihang tinataglay sa kaibuturan ng ating puso.

Mababasa sa isang kolum ni Joselito D. delos Reyes, isang propesor sa panitikan at kultura, ang mga salitang maiuugnay sa salitang “bayani.” Nariyan ang sinasabing pinag-ugatan ng salitang ito—ang bayan, tumutukoy sa ating tinubuang lupa o ang ating Inang Bayan. Mula sa salitang bayan ay mabubuo ang mga salitang “kababayan,” sambayanan,” “makabayan,” at marami pang iba. Pawang maiuugnay sa bayani o kabayanihan ang mga salitang binanggit.

Sa madaling salita, ang tao at ang bayan ay pinag-uugnay ng buhay at karanasan. Ang paggawa ng mabuti, pagsasaalang-alang sa kapakanan ng ating kapuwa, at pagtataguyod ng ating bansa ay gawain ng mga bayani.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.