Bawal ang Wang-wang

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ang Prohibition of the Use of "wang-wang".

Ang bawal ang wang-wang ay isa sa mga opisyal na utos ni Pangulong Benigno S. Aquino III nang maupo siya bilang pangulo ng Pilipinas noong 2010. Ang "wang-wang" ay nangangahulugang paggamit ng anomang maingay na instrumento tulad ng sirena, batingaw, pito, o anumang katulad na bagay na gumagawa ng malakas na ingay upang agad na padaanin sa mga kalsada na karaniwang ginagamit ng mga politiko at sasakyan ng pamahalaan.

Sa kaniyang unang talumpati bilang bagong pangulo ng Pilipinas noong 30 Hunyo 2010, iniutos niya ang hindi paggamit ng wang-wang kasabay nang pagwaksi rin sa counterflow at pag-alis ng tong.  Ang pag-uutos ni Aquino na ipagbawal muli ang wang-wang ay pagsasabuhay ng pagiging patas at makatao ng kaniyang administrasyon. Nais rin niyang siguruhin sa pagpapatupad nito na hindi magiging suliranin ang palakasan sa kaniyang gabinete. Ang pagbabawal sa wang-wang ay isa ring paraan ng administrasyon ni Aquino upang sugpuin ang problema sa trapiko ng bansa.

Dating Pangulong Benigno “Noynoy” S. Aquino III

Ang pagbabawal sa wang-wang ay pagsasabuhay ng Presidential Decree No. 96 ni dating Pangulong Ferdinand Marcos kung saan ipinagbabawal ang pagkabit ng mga sirena o anumang maingay na bagay sa mga sasakyan upang mas mabilis na makadaan sa mga kalye lalo na kung mabigat ang daloy ng trapiko.

Pagsisimula

Sa kaniyang paunang talumpati noong 30 Hunyo 2010 bilang pangulo ng Pilipinas, sinabi ni Aquino na nauunawaan niya ang mga Pilipinong nagtitiis sa trapiko ngunit nasisingitan ng mga sasakyang de-wang-wang. Bilang bahagi ng kaniyang adbokasiyang “kayo ang boss ko,” agad na iniutos ni Aquino na walang gagamit ng wang-wang, kahit ang kaniyang mga sasakyan, at lahat ay susunod sa batas pantrapiko. Gagamitin lamang daw ito kung kinakailangan.

“Kayo ba ay nagtiis na sa trapiko para lang masingitan ng isang naghahari-hariang de-wang-wang sa kalsada? Ako rin… Walang wang-wang, walang counterflow, walang tong. Panahon na upang tayo ay muling magkawang-gawa.”

Ang utos na ito ni Aquino ay naisabatas na noong panunungkulan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos sa bisa ng Presidential Decree No. 96 kung saan ipinagbabawal ang hindi makatarungang paggamit ng wang-wang o anumang paingay o pailaw upang makalusot sa trapiko. Tanging ang mga awtorisadong sasakyan lamang ng Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation (NBI), Land Transportation Office (LTO), departamento ng pulisya, fire, at mga ambulansiya ang maaaring gumamit nito.

Makalipas ang ilang pamunuan, si Aquino ang muling nasabuhay ng pagpapatupad nito at ginawang mas mahigpit dahil lahat ay hinihikayat na huwag gumamit nito, kahit ang mga awtorisadong sasakyan ng pamahalaan.

Dahil dito, agad na ipinatupad sa buong bansa ang pagsasaalis ng mga wang-wang ng mga sasakyan ng pamahalaan at mga pribadong sasakyan. Boluntaryo ring inilas ng Office of the Press Secretary ang lahat ng wang-wang at blinkers sa mga sasakyan ng ahensiya bilang pagsunod sa utos ni Aquino.  

Kahit si Aquino at mga sasakyang nakasunod sa kaniyang sasakyan ay hindi na gumamit ng wang-wang. Nagresulta ito sa araw-araw na paggising ng maaga ni Aquino upang makarating sa kaniyang mga opisyal na lakad. Kung kinakailangan si Aquino sa Malacañang ng alas-9 ng umaga, kinakailangan niyang gumising ng alas-6 o alas-7 para sa kaniyang pagbiyahe.

May mga pagkakataon ding nahuhuli si Aquino sa kaniyang mga opisyal na lakad dahil sa hindi paggamit ng wang-wang, paghinto kung nakapula ang ilaw pantrapiko, at paghihintay na mapadaan sa mga intersection.

Pangamba sa Pagbabawal sa Wang-wang

Sa isang pahayag, sinabi ni Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Albert Suansing, ang ginagawa raw ng pangulo na pagsunod sa batas-trapiko at hindi paggamit ng wang-wang ay isang bangungot sa seguridad ni Aquino at kaniyang mga kasama sa pagbiyahe. Sa tuwing hihinto raw kasi ang sasakyan ng pangulo, bababa rin ang kaniyang mga security team at binabantayan ang mga sasakyang kapalit ng sasakyan ng pangulo.

Gayunman, nanindigan si Aquino na ipatutupad nang mahigpit ang pagbabawal sa wang-wang. Gagamitin lamang daw ito kung kinakailangang makarating agad ang pangulo sa lugar na nakararanas ng sakuna o anumang suliraning dapat masolusyunan agad.

Mananatili ang Bawal ang Wang-wang

Nakarating kay Pangulong Rodrigo Duterte na muling lumalaganap ang paggamit ng wang-wang sa pagpasok ng kaniyang administrasyon. Noong 3 Mayo 2018, sa isang panayam, sinabi ni Duterte na nananatili ang bawal ang wang-wang lalo na para sa mga taga-pamahalaan.

“Ngayon sabi nila na ano bumabalik na daw ‘yung siren, there is an order ... kay Aquino pa ‘yan, and I’d like to maintain that policy. Lalo na taga-gobyerno kayo.”

Gayunman, patuloy ang paglabas ng mga ulat na sa panahon ni Duterte, patuloy na gumagamit ng wang-wang lalo na ang mga kawani ng Highway Patrol Group (HPG) ng Philippine National Police (PNP). Sa isang artikulong isinulat ni Alya B. Honasan para sa Inquirer, sinabi nitong nakaranas siya ng ilang ulit na pagtaboy sa kaniya ng HPG upang makadaan ang sasakyan ng isang opisyal.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.