Batas Militar sa Panahon ni Ferdinand Marcos

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Marcos Declares Martial Law.jpg

Ang Batas Militar sa panahon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos ay idineklara noong 21 Setyembre 1972 sa bisa ng Proklamasyon Blg. 1081. Ayon kay Marcos, idineklara niya ang pagpapatupad ng Batas Militar sa dalawang kadahilanan. Una ay upang iligtas ang Pilipinas sa kamay ng mga kaaway nito. Pangalawa ay upang magtatag ng isang bagong lipunan na makapagdudulot ng ibayong kaunlaran, kapayapaan, at seguridad sa sambayanang Pilipino.

Ipinaliwanag pa ni Marcos na kinailangan ang Batas Militar upang proteksiyonan ang demokrasya ng bansa sa mga kaaway nito tulad ng mga komunistang CCP-NPA at PKP-HMB; Moro National Liberation Front na naghahangad na makapagtatag ng sariling bansa sa Mindanao sa pamamagitan ng armadong pagkilos; mga maka-kanan na grupong radikal sa simbahan; mga grupong oligarkiko; at mga dayuhang nanghihimasok sa panloob na kalagayan ng bansa. Ayon sa kaniya, kinakailangan ng Pilipinas ng malakas na puwersa upang matugunan ang hamon ng mga kaaway at maprotektahan ito.

Kabilang sa mga layunin ng pagdedeklara ng Batas Militar ay ang pagtatatag ng isang bagong lipunang makatao, maka-Diyos, at makabayan at may pitong haligi. Ito ay ang (1) pambansang pagkakaisa, (2) pambansang pagkakakilanlan, (3) kaunlaran at kasaganaan, (4) demokrasyang batay sa maraming paglahok ng tao, (5) katarungang panlipunan, (6) internasyonalismo at pakikiisa sa sanlibutan, at (7) kalayaan sa paniniwala. Pitong aspekto naman ang binibigyang-diin ng mga programang pangreporma: (1) ang katahimikan at katiwasayan, (2) lupa at sakahan, (3) kabuhayan, (4) edukasyon, (5) reorganisasyon ng pamahalaan, (6) paggawa, at (7) serbisyong panlipunan.

Binalewala ng mga kritiko ni Marcos ang mga binanggit niyang kadahilanan. Ayon sa kanilang paniniwala, ang pagdeklara ng Batas Militar ay isa lamang daan upang mapahaba ang pananatili ni Marcos sa posisyon. Dagdag pa ng mga kritiko, malaki ang takot ni Marcos sa hahalili sa kaniya sa Malacañang. Isa na rito si dating Senador Benigno Aquino Jr., ang kaniyang pangunahing kalaban sa politika, at tinatayang siyang may malaking pag-asa sa posisyon ng pagkapangulo. Tiyak na niya ang pagpapasiyasat nito sa malaking katiwaliang nagaganap sa kaniyang administrasyon.

Mga Pagbabago

Marami ang naging pagbabago sa pagpapatupad ng Batas Militar sa Pilipinas. May mga daglian lamang, may mga pagbabagong politikal, pangkabuhayan, panlipunan, at diplomatiko.

Marami rin ang mga mabilisang pagbabago na naganap sa mga unang buwan ng panahon ng pagpapatupad ng Batas militar. Nabuwag ang kongreso at ipnagbawal ang pagkilos ng mga lapiang pampolitika. Humina ang kapangyarihan ng Mataas na Hukuman dahil sa pagkakatatag ng mga military tribunal at military commission. Ang lahat ng kapangyarihan ng pamahalaan ay naipon sa kamay ni Marcos at ng militar.

Maraming gawain ang ipinagbawal ni Marcos tulad ng pagtuligsa sa pamahalaan sa mga pahayagan, radyo, at telebisyon. Ipinagbawal din ang mga pampublikong pagtitipon na may temang politikal. Maliban sa maigting na pagsesensor, mahigpit na ipinapatupad ang curfew. Dinarakip ang sinomang nasa labas ng bahay mula hatinggabi hanggang ikaapat ng umaga. Ang mga piitan sa iba’t ibang kampo ng militar, lalo na ang Camp Aguinaldo at Camp Crame, ay napuno ng mga taong ipiniit dahil sa iba’t iba umanong paglabag sa batas ng curfew. Kabilang na rito ang mga kalaban sa politika ni Marcos na sina dating Senador Benigno Aquino Jr., Senador Jovito Salonga, at Senador Jose Diokno.

Dahil sa krisis sa langis noong 1973, sinikap ng pamahalaan na tumuklas ng langis at pasiglahin ang paghahanap ng alternatibong enerhiya. Nagtayo ang pamahalaan ng mga plantang geothermal at hydro-electric. Gumawa rin ito ng plantang nukleyar sa Bataan. Upang magkaroon ng sapat na pagkain at masaganang pamumuhay, itinaguyod ng pamahalaan ang iba’t ibang programa tulad ng Green Revolution (gulayan), Blue Revolution (isda at pagkaing dagat), Palayan ng Bayan, Masagana 99 (magkaroon ng ani na 99 kaban bawat ektarya), Masaganang Maisan, Kilusang Kabuhayan at Kaunlaran (KKK), at Sariling Sikap.

Marami rin ang naipatupad na mga makabuluhang gawain ng mga panahong ito tulad ng pang-aakit sa mga dayuhang mamumuhunan, pagpapasigla ng turismo sa bansa, pagtatayo ng makasaysayang Cultural Center of the Philippines, Folk Arts Theater, San Juanico Bridge, Philcite, at iba pa. Nagkaroon na rin ng LRT na hanggang sa ngayon ay napakikinabangan ng sambayanang Pilipino at ipinagpatuloy pa ang pagpapagawa sa ibang lugar ng Kamaynilaan.

Mga Sanggunian

  • Dagdag, Edgardo and Antonio L. Santos. Kasaysayan at Pamahalaan ng Pilipinas. Quezon City: Trinitas Publishing, Inc., 1997. (p. 153)
  • Sa Panahon ng pamamahala ni Marcos (hinango noong Hulyo 21, 2009)
  • Pagdeklara ng Batas Militar (hinango noong Hulyo 21, 2009)
  • Pamamahala ni Marcos at ang Batas Militar (hinango noong Hulyo 21, 2009)
  • Batas Militar (hinango noong Hulyo 21, 2009)

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.