Bataan Nuclear Power Plant

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Bataan Nuclear Power Plant ay isang nuclear power plant sa lalawigan ng Bataan sa Pilipinas. Matatagpuan ito sa Barangay Nagbalayong sa bayan ng Morong. Ito ang nag-iisang pagtatangka ng Pilipinas sa pagpapatayo ng pantang nuklear. Sinimulan itong ipatayo noong 1976 at natapos noong 1984, ngunit hindi ito kailan man ginamit matapos ang pangamba sa kaligtasan nito bunsod ng nangyaring pagsabog sa Chernobyl sa dating USSR noong 1986.

Nakatanggap ang Pilipinas ng isang nuclear fission reactor noong dekada 50 mula sa Estados Unidos. Noong 1958, itinatag ang Philippine Atomic Energy Commission (PAEC) sa bisa ng Batas Republika Blg.2067. Layunin niyong mailatag ang programang nuklear ng bansa. Nagkaroon ng panukalang pagtatag ng Bataan Nuclear Power Plant noong 1960, at pinahintulutan ito ni Pangulong Ferdinand E. Marcos noong Hulyo 1973. Isang pampanguluhang lupon ang binuo upang makakuha ng pondo para sa dalawang 620 megawatt na nuclear reactor para sa pangangailangan sa enerhiya ng Luzon.

Ang pagtatayo ng planta ang naging tugon pamahalaan sa krisis sa langis noong 1973, matapos ang embargo ng Gitnang Silangan sa langis na nagpahirap sa ekonomiya. Para kay Marcos, ang enerhiyang nuklear ang magiging solusyon para matugunan ng bansa ang pangangailangan nito sa enerhiya at nang mabawasan ang pag-aangkat nito ng langis.

Kontrobersya

Dalawang panukala ang inihain ng mga respetadong kompanya ng enerhiya—ang General Electric at Westinghouse Electric. Naghain ng panukalang naglalaman ng detalyadong ispesipikasyon ng plantang nuklear ang General Electric na tinatayang magkakahalaga ng US$700 milyon. Samantala, naghain ang Westinghouse ng higit na mababang halaga na tinatayang US$500 milyon, ngunit hindi ito naglalaman ng kahit anong detalye o ispesipikasyon. Pinili ng lupong inatasang mamahala sa proyekto ang panukala ng General Electric, ngunit binaligtad ito ni Marcos noong Hulyo 1974 nang lagdaan niya ang letter of intent na naggagawad ng proyekto sa Westinghouse. Pagdating ng Marso 1975, lumobo ang tinatayang halaga ng proyekto sa US$1.2 bilyon nang wala man lang paliwanag. Kinalaunan, naitayo ng National Power Corporation ang isang nuclear reactor plant sa halagang US$2.3 bilyon.

Isa pang kontrobersiya ang pagkakuha ng Westinghouse sa kontrata ng Bataan Nuclear Power Plant. Dokumentado ang pakikipagnegosasyon ng National Power Corporation sa General Electric bago pa sumulpot ang Westinghouse. Ngunit nang mamagitan para sa Westinghouse si Herminio Disini, isang malapít na kaibigan ni Marcos, napaniwala pa ng mga ito na may laban pa ang General Electric para sa kontrata. May dokumentasyong makapagsasabi na may nangyayari nang negosasyon bago pa makapaghain ng detalyadong panukala ang General Electric.

Pagpapatayo

Sinimulang ipatayo ang Bataan Nuclear Power Plant noong 1976. Ngunit pansamantala itong nahinto noong 1979, kasunod ang naganap na aksidente sa Three Mile Island sa Estados Unidos, kung saan nagkaroon ng aksidente sa isang plantang nuklear. Bunsod nito, nagkaroon ng pagsusuri sa kaligtasan ng planta kung saan nakitaan ito ng 4,000 depekto. Ilan sa mga ito ay ang sinasabing malapit na fault line at ang noo'y natutúlog na Bulkang Pinatubo.

Pumalò ang halaga ng pagpapatayo nito sa US$2.3 bilyon na natapos naman noong 1984. Taglay ang light water reactor mula sa Westinghouse, dinesenyo ito upang makalikha ng 621 megawatts ng elektrisidad.

Kinahinatnan

Nang mapatalsik sa kapangyarihan si Ferdinand Marcos noong Pebrero 1986 at pagkaraang maganap ang aksidenteng nuklear sa Chernobyl sa Unyong Sobyet, pinagpasyahan ng sumunod na administrasyon ni Corazon Aquino na hindi paganahin ang planta. Isang hakbang na may halo na ring motibo dahil sa pagkakaugnay ng naturang planta kay Marcos.

Noong Disyembre 1988, kinasuhan ng pamahalaan ng Pilipinas ang Westinghouse sa alegasyong panunuhol at pakikipagsabwatan nito kay Marcos, at sa labis na patong nito sa halaga ng pagpapatayo ng planta. Bagay na ibinasura ng mga hukuman sa Estados Unidos noong Mayo 1993 at Switzerland noong Oktubre 1993. Ito'y sa kabila ng “huling alok” ng Westinghouse sa pamahalaan sa ilalim ni Fidel V. Ramos noong Disyembre 1992 na makipag-ayos na lamang at magbabayad ang Westinghouse ng US$100 milyong halaga ng salapi at kredito, pag-upgrade nito sa planta, at pagpapatakbo ng planta sa halagang US$40 milyon taon-taon kapalit ng pag-uurong ng pamahalaan ng mga kasong isinampa nito. Noong 2012, ipinag-utos ng Sandiganbayan na magbayad sa pamahalaan ng Pilipinas ang negosyante at crony ni Marcos na si Herminio Disini ng halagang aabot sa US$50 milyong dahil sa kaniyang naging papel sa panunuhol at pandurugas sa pamahalaan upang maipatayo ang Bataan Nuclear Power Plant.

Ang pagbabayad utang ng bansa para sa naturang planta ang naging nag-iisang pinakamalaking obligasyon nito. Mula 1986, aabot sa ₱64.7 bilyon—₱43.5 bilyon para sa principal amortization at ₱21.2 bilyon sa interes—ang ginugol ng pamahalaan bilang kabayaran sa Bataan Nuclear Power Plant. Natapos lang ito mabayaran noong 2007.

Noong 2017, may mga eksperto mula Russia at Slovenia na nagpunta sa Pilipinas para suriin ang planta para sa posibleng paggamit dito. Nagsumite rin ng panukala ang Korea Hydro & Nuclear Power Co Ltd at Rosatom ng Russia para i-rehabilitate ang planta.

Noong 2020, sinabi ng Philippine Nuclear Research Institure na maari pang gamitin ang Bataan Nuclear Power Plant.

Mga Sanggunian


Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.