Basi

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Tapayan na naglalaman ng Basi.

Ang Basi ay isang lokal na alak na galing sa tubo. Ang isang malakas na basi ay tinatawag na basi lalaki at ang mas mahinang uri ay tinatawag na basi babae. Isang malaking parte sa buhay ng mga Ilokano ang basi, na ito ay nakapagsimula ng isang pag-aalsa sa Piddig, Ilocos Norte, noong sinubukan ng mga Espanyol na pigilin ang paggawa nila ng alak.

Paggawa ng Basi

Nagsisimula ang paggawa ng basi sa pagpapakulo ng katas ng tubo. Pagkatapos, ang balat ng puno ng samak, pati na rin ang ilang tuyo at pinulbos na dahon, ay ilalagay dito upang higit na tumingkad ang pulang kulay nito. Habang ito ay kumukulo, hinahalo ito paminsan-minsan gamit ang sanga ng samak. Matapos, ito ay ilalagay sa burnay (isang banga) at palalamigin.

Isang salup (sukat) ng perek ang ilalagay din sa banga na tatakpan ng dahon ng samak at ilalagay sa ilalim ng lupa, kung saan ito ay mananatili para sa proseso ng permentasyon.

Ilang gamit ng basi

  • Ang pag-inom ng basi ay pinaniniwalaang nakakapawi ng pagod at popular sa mga nagtatrabaho.
  • Ibinibigay ito minsan sa mga namamasko kapalit ng mga kendi.
  • Isang espesyal na basi ang ginagamit sa araw na pupunta ang pamilya ng lalaki sa bahay ng babae upang pag-usapan ang kanilang kasal
  • Isa rin itong pampalakas ng loob kapag bibigkas ng isang tula – dallot para sa pag-ibig o dung-aw para sa namatay
  • Isang espesyal na basi rin ang gagamitin tuwing may kasal. Ang bagong-kasal ang unang titikim sa basi, at susunod ang kanilang mga malapit na kamag-anak at mga ninong at ninang.
  • Ang araw matapos ang libing ng namatay, kasama ang basi sa lalaba o araw ng paghuhugas na isinasagawa sa ilog o batis. Ang lahat ng mga tela na ginamit sa bahay ay huhugasan o lalabhan ng mga kamag-anak at kaibigan nang namatay. Ang simbolismo nito ay ang paghuhugas sa mga masasakit na epekto ng kamatayan, ang kalungkutan at hinagpis.
  • Kung kinakailangan na aalalahanin ang mga ispiritu sa kanilang espesyal na araw, isang atang o pag-aalay ay isinasagawa. Ang pinaka-karaniwang atang para sa mga karamdaman ay ang kakanin na tinatawag na sinukat. Ito ay laging may kasama na basi.


Panlabas na Kawing

Sanggunian

  • Cordero-Fernando, Gilda. Philippine Food and Life. Pasig: Anvil Publishing Inc., 1992.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.