Bapor Tabo

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Bapor Tabo ay ang tagpuan ng una at ikalawang kabanata ng El Filibusterismo ni Jose Rizal. Tinatayang ibinatay ang Bapor Tabo sa sasakyang pantubig na ginagamit noon sa Laguna na tinatawag na “batea.”

Ginamit ni Rizal bilang simbolo ang Bapor Tabo upang ipakita ang situwasyon ng mga Pilipino at ng Pilipinas sa pamamahala ng mga Espanyol. Ang ibabaw at ilalim ng kubyerta ay naglalarawan sa pagkakaiba at pagkakahati ng ating lipunan—ang mayayaman sa mahihirap at ang mga Espanyol sa mga Pilipino.

Bukod sa usaping panlipunan, maraming katutubong bagay, lugar, at pangyayari ang binanggit sa Kabanata 1 na pinamagatang “Sa Kubyerta” at Kabanata 2 na pinamagatang “Ibabang Kubyeta” na nagbigay-kulay sa paglalayag ng bapor.

Tanawin sa Ilog Pasig

Malaki ang naitutulong ng Ilog Pasig sa transportasyon noong panahon ni Rizal. Sa paglalayag ng bapor, inilarawan ni Rizal ang kapaligirang matatanaw ng mga sakay nito kabilang na ang mga halaman at bulaklak sa baybayin ng ilog. Binanggit din ni Rizal ang mga nanghuhuli ng isda sakay ng salambaw, balsa, at bangka, maging ang mga naglalaba at nagtatampisaw sa ilog.

Balut at Itik sa Pateros

Nagmula ang pangalang Pateros sa mga salitang “pato” at “sapatero.” Ang dalawang produkto ay pangunahing kabuhayan ng mga taga-Pateros. Binanggit sa huling bahagi ng Kabanata 1 ang plano ni Don Custodio na himukin ang mga bayan sa paligid ng ilog na mag-alaga ng pato na pinagmumulan ng itlog na ginagawang balut. Ang Pateros ay tinatawag ding “Balut Capital of the Philippines.”

Sinaunang Sisidlan

Sa Kabanata 2, maraming bagay ang itinampok ni Rizal na sumisimbolo sa karaniwang Pilipino at bahagi ng ating kultura. Kabilang na rito ang mga sinaunang sisidlan o lalagyan ng gamit ng mga manlalakbay tulad ng bayong at tampipi.

Talasalitaan

  • Kubyerta – plataporma o palapag ng barko na sumasakop sa buong bahagi o lawak nito
  • Salambaw – malaking lambat sa panghuli ng isda at nakasakay sa balsang kawayan. Sa Obando, may isang santo roon na tinatawag na Nuestra Señora de Salambao na nalambat ng salambaw sa ilog ng Malabon. Ayon sa kuwento, tinangkang dalhin ang santo sa Malabon ngunit biglang bumigat ang bangka. Nang tahakin ng mga mangingisda ang direksiyon papuntang Obando biglang umusad ang bangka.
  • Tampipi – Maituturing itong maleta ng mga manlalakbay na tila pinagtaklob na kahon na gawa sa nililang kawayan o yantok. Malimit itong nilalagyan ngdamit at mahahalagang gamit para sa mahaba o matagal na paglalakbay noon.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.