Bangui Windmills

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
KIRKAMON BANGUI WINDMILLS.jpg

Ang Mga Molino ng Bangui o higit na kilala bilang Bangui Windmills ay bahagi ng NorthWind Bangui Bay Project ng NorthWind Power Development Corporation, isang independent power producer o IPP.

Ang molino o windmill ay isang gusaling nagsisilbing makina na tumatakbo sa pamamagitan ng hangin. Maaaring magsilbi itong kiskisan ng mga butil na ani sa bukid, tagabomba ng tubig o maaari rin namang baguhin nito ang katangiang kinetiko ng lakas ng hangin at gawin itong elektrisidad sa tulong ng generator. Ang huli ang uri ng mga molino na itinayo sa Munisipyo Bangui, Hilagang Ilokos, Filipinas. Isang pinanggagalingan ng renewable energy ang mga molino at bukod dito ay nakatutulong sa pagbabawas ng greenhouse gases sa atmospera dahil sa hindi paggamit ng mga ito ng fossil fuel at nakatitipid din ang NorthWind sa natipid na fossil fuel kung kaya’t mas mababa ang singil nito sa kuryente kaysa sa ibang IPP.

Tulong sa Pagpapatupad ng Kyoto Protocol

“Carbon dioxide” ang gas na ginagamit na basehan upang sukatin ang iba pang “greenhouse gases” sa atmospera. Carbon trading ang tawag sa pagbebenta ng CER o certificate of emission reductions na iniisyu ng CDM board na nakabase sa Bonn, Alemanya. Pinagtibay ang CDM o Clean Development Mechanism sa Kyoto Protocol bilang pagkakasundo ng mga bansa ukol sa nagbabagong klima. Sa bisa ng CDM, ang isang kumpanya ay pinagkakalooban ng CER na katumbas ng isang toneladang carbon dioxide na nabawas sa atmospera. Ibinebenta ang CER sa mga progresibong bansa upang makatupad sila sa “greenhouse gas emission commitments” sa ilalim ng Kyoto Protocol. Ang NorthWind lamang ang tanging kumpanyang nakabase sa Pilipinas na kumikita sa pagkabawas ng “greenhouse gases”. Pumasok ito sa Emission Reduction Purchase Agreement kasama ng World Bank, ang “trustee” na naatasang bumili ng CER. Binibili ng World Bank ang katumbas ng isang toneladang “carbon dioxide” sa halagang 4.25 na dolyar. Magbebenta ang NorthWind ng 35, 800 na CER sa World Bank kada taon sa loob ng sampung taon. Ang sobrang CER ay maaaring ibenta ng NorthWind sa iba pang interesadong bumili nito na nag-aalok ng halagang mas mataas pa sa ibinabayad ng

Heograpiya

Ang Mga Molino ng Bangui na kauna-unahang “wind farm” sa Pilipinas at maging sa buong Asya ay matatagpuan sa baybayin ng Bangui na nasa hanggahan ng Timog Dagat Tsina. Nakaharap ang mga ito sa dagat kung saan galing ang hanging umiihip sa direksyong palupa. Dahil malapit ang Pilipinas sa Asia-Pacific “monsoon belt”, perpektong lugar ito upang pagtayuan ng mga turbina ng hangin. Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration, may “mean average” na 31 “watts” sa bawa’t metro kuwadrado ng densidad ng lakas ng hangin ang Pilipinas Ang sama-samang lakas mula sa mga molino ay kayang magdala ng 25mw na kuryente sa Hilagang Ilokos.

Ang labinlimang turbina ay bahagi ng unang yugto ng proyekto ng NorthWind. Nakaarko ang linya ng mga molino sa dalampasigan ng siyam na barangay at tinatayang siyam na kilometro ang haba ng arko samantalang ang lapad nito ay nasa 100 metro. Itinuturing ang mga kulay-puting molino na pinakamalaki sa Timog Silangang Asya. May taas ang molino na 70 metro mula sa lupa at 41 metro ang haba ng bawa’t isa sa tatlong talim ng elise nito. Matatanaw ang Mga Molino ng Bangui mula sa daan patungong Pagudpud (dating bahagi ng Bangui).

Kasaysayan

Noong unang bahagi ng 1990 ay isinusulong na ng noon ay kongresista sa Hilagang Ilokos na si Ferdinand Marcos, Jr. ang pagtatayo ng isang “power plant” sa kanyang lalawigan dahil sa madaling mawalan ng kuryente sa bahaging iyon ng Ilokos na malayo sa “power grid” na mula sa Bauang, La Union. Hindi makaengganyo ng mga negosyanteng mamumuhunan sa lalawigan dahil sa ganoong kalagayan nito.

Taong 1996 nang magsagawa ng pag-aaral para sa Pilipinas ang National Renewable Energy Laboratory ng Kagawaran ng Enerhiya ng Estados Unidos. Sa pamamagitan ng “Philippine wind atlas” na ginawa nito ay natukoy na isa ang hilaga-kanlurang dulo ng Luzon sa mga pook ng Pilipinas na may maganda hanggang sa pinakamagandang “wind resource”.

Nang mabuo ang NorthWind noong 1999, sa ilalim ng “chairman of the board” nito na isang abogado, si Ferdinand Dumlao at ng presidenteng si Niels Jacobsen ay sinimulan nito ang proyekto sa Bangui. Nagtayo ito ng “meteorological towers” doon at nangolekta ng datos tungkol sa galaw ng hangin sa lugar. Isang “wind study” naman ang unang ginawa ng Danish “consulting firm” na COWI-Tripod noong Mayo 2000 para sa NorthWind. COWI-Tripod din ang pinagawa ng “feasibility study” ng proyekto sa hiling ng DANIDA o Danish International Development Agency na isang ahensya ng pamahalaan ng Denmark. Noong Abril 2003, base sa appraisal ng COWI ay inaprobahan ng DANIDA ang pagpapautang sa NorthWind ng 29.5 milyong dolyar nang walang tubo. Ang balanse naman ng puhunang 48 milyong dolyar ay pinunuan mula sa utang at “equity” ng mga kasosyo ng kumpanya. Ang seremonya ng “groundbreaking” ay ginanap noong Abril 24, 2004 at nagsimula ang paggawa noong Mayo 17, 2004. Noong Mayo 2005 sa ilalim ng isang “ probationary agreement” ay nakapagbenta na ng kuryente at nakakolekta ng bayad ang NorthWind para rito mula sa Ilocos Norte Electric Cooperative o INEC. Ang kuryente ay nakararating sa konsumerista sa pamamagitan ng power grid ng INEC “distribution point” ng TransCo Laoag Substation.

Pinasinayaan ang Bangui Windmills noong Hunyo 18, 2005. Dinaluhan ito ng mga opisyal ng pamahalaan mula sa Kagawaran ng Enerhiya, ng gobernador ng Hilagang Ilokos noon na si Ferdinand Marcos, Jr. at ng kanyang ina na si Gng. Imelda Marcos. Pebrero 2006 nang pormal na maaprubahan ang komersyal na pagpapatakbo sa Mga Molino ng Bangui. Noong 2008 ay pinatakbo na ang lima pang turbina na bahagi ng ikalawang yugto ng proyekto at noong Enero 2009 ay pinayagan na ang NorthWind na magbenta ng kuryente mula sa limang ito. Umabot na sa 33 mw ang kuryente na kaya nitong ihatid sa 50 porsiyentong kabahayan ng Hilagang Ilokos. Ito’y sampung porsiyentong higit kaysa sa dati.

Turismo

Malaking bilang ng tao mula sa iba’t ibang dako ang dumagsa sa may paanan ng wind farm o sa “view deck” kung saan may “panoramic view” ng ilan sa mga molino. Libong larawan ng molino na ang kinunan ng mga turistang lokal man o dayuhan. Marami rito ay nai-“upload” na sa mga blog. Sa pamamagitan ng larawan ay makikita kung gaano kalaki ang isang molino kung iuugnay ito sa tao o sasakyan na nasa may paanan nito. Nakakatulong ang “open-door policy” ng NorthWind para sa mga turista na may maraming tanong tungkol sa mga molino. Dahil tanaw ito mula sa malayo ay isinasama na rin ito sa itineraryo ng kuryosong manlalakbay. May mga araw na hanggang tatlong grupo ng mga turista ang dumadalaw sa Bangui. Destinasyon din ang pook ng mga “field trip” at dinadalaw ng mga kalahok sa mga kumbensyon na idinaraos malapit sa Bangui.

Ang tagapamahala ng planta at ang kanyang mga tauhan ay nagtuturo ng Windmills 101 at maaari silang sadyain sa mga oras na bukas ang kanilang tanggapan sa “substation”. Dahil walang kurso na “windmill technology” sa Pilipinas ay kinailangang dumayo pa sa Denmark ang mga inhinyero ng wind farm para sa ilang linggong pagsasanay sa pagpapanatili ng mga molino.

Payong Panlakbay

Mula sa Lungsod Laoag, dumaan sa Laoag-Cagayan na ruta. Mga limang minuto paglampas sa pinakabayan ng Burgos, isang pananda sa kaliwang bahagi ng daan ang sundan patungong Dagat ng Bangui. Tuntunin ito hanggang sa daan pababa na patungong dalampasigan. Sa pagpasok doon ay kumanan. Kung hindi nakita ang unang pananda, tumungo sa Bangui Bay observation deck na nasa kaliwang bahagi rin ng daan. Mula sa deck ay tuntunin muli ang daang pinanggalingan at bago dumating sa Tulay Baruyen ay may pananda na sa daan na pag tinunton ay mararating na ang mga molino. Ang biyahe mula Laoag ay humigit-kumulang isang oras at labinlimang minuto.

Makakabili sa lugar ng mga t-shirt na may imahen ng Mga Molino bilang pasalubong.

Pinaaalalahanan ang mga bisita na hindi kukuha ng kahit ano maliban sa mga larawan at/o kuha ng “video”, walang iiwan kung di bakas ng paa at walang pananatilihin kung di alaala.

Sanggunian


Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.