Bam Aquino

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Bicam Final Reading Balik Scientist Act cropped.png

Si Paolo Benigno “Bam” Aguirre Aquino IV (isinilang noong 7 Mayo 1977) na kilala rin bilang Bam Aquino, ay isang Pilipinong politiko at negosyante. Siya ay nagsilbing senador ng Pilipinas noong 2013 hanggang 2019. Sa kaniyang panahon bilang senador, isinulong ni Aquino ang pagpasa ng mga batas tungkol sa negosyo, hanapbuhay, kultura, sining, edukasyon, agham, at teknolohiya.

Siya ay apo ni Benigno Aquino Sr. at tiyuhin niya Ninoy Aquino. Pinsan naman niya si dating Pangulong Benigno S. Aquino III.

Noong eleksiyon 2019, muling tumakbo si Aquino sa ilalim ng Liberal Party na kinilala bilang Otso Diretso. Gayunman, nabigo siya at nagtapos lamang sa ika-14 na puwesto.

Sa kasalukuyan, si Aquino ay host ng online show na Dong! Bam! Asenshow kasama ang aktor na si Dingdong Dantes.

Personal na buhay

Si Paolo Benigno “Bam” Aquino IV ay isinilang noong 7 Mayo 1977 sa Maynila. Siya ay anak nina Paul Aquino at Melanie Aguirre Aquino. Siya ay apo ni Benigno Sr. na nagsilbi namang kongresista ng Tarlac at ni Ninoy na nagsilbi naman bilang senador ng Pilipinas. Ang tiyuhin niyang si Butz Aquino at tiyang si Tessie Aquino-Oreta ay kapuwa naging mga senador din ng Pilipinas. Nagsilbi naman siyang senador sa kaniyang pinsan at dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Nag-aral si Aquino sa Ateneo de Manila University sa Lungsod Quezon ng elementarya hanggang kolehiyo kung saan siya ay laging nagtatapos na mayroong karangalan at nagunguna sa klase. Sa katunayan, valedictorian siya noong elementarya at haiskul. Naging bahagi rin si Aquino ng Ateneo Catechetical Instructional League kung saan tatlong taon siyang nagturo ng kastesismo sa mga pampublikong paaralan.

Nagtapos naman siyang summa cum laude sa kursong Management Engineering. Kumuha rin siya ng Executive Education Program on Leadership and Public Policy sa Kennedy School of Government sa Harvard Univeristy noong 2008.

Si Aquino rin ay naging isa sa mga nagtatag at kalaunan ay naging chairman ng National Union of Catholic Student Councils, ang samahan ng mga konseho ng mag-aaral mula sa mga Katolikong unibersidad at iba pang kolehiyo sa Pilipinas. Siya rin ay naging pangulo ng Student Council ng Ateneo.

Noong Setyembre 2012, ikinasal si Aquino kay Maria Fatima “Timi” Gomez sa Chapel on the Hill sa Lungsod Tagaytay. Mayroon silang dalawang anak na babaeng sina Consuela Victoria at Anna Aurora.

Trabaho

Matapos ang kolehiyo, lumahok si Aquino sa iba’t ibang proyekto kasama ang ABS-CBN Foundation. Kasama siya sa ilang gawain tulad ng pagtulong sa mga naabuso at pinabayaang bata, nasalanta ng mga bagyo at ilang kalamidad, at maging sa paghikayat ng mga bagong magboboluntaryo at kasapi ng foundation. Noong 2001, naitalaga siya bilang commissioner-at-large ng National Youth Commission (NYC) at nagsilbi hanggang 2003.

Telebsiyon at pelikula

Noong Abril 2001, naging host si Aquino ng Breakfast, isang youth-oriented morning show na ipinalabas sa Studio 23 ng ABS-CBN Broadcasting Network. Nang matapos ang programa noong 2006, agad itong nasundan ng isa pang programa sa Studio 23 na tinawag na Yspeak. Ito ay isang debate show ng mga kabataan.

Noong 2009 naman, lumabas si Aquino sa pelikulang dokumentaryong The Last Journey of Ninoy kung saan gumanap siya bilang ang tiyuhin niyang si Ninoy. Ipinalabas ang pelikula noong 21 Agosto 2009 bilang pagdiriwang ng ika-26 na anibersaryo ng pagkakapaslang kay Ninoy. Idinerehe ni Jun Reyes ang pelikula.

Nagkaroon din si Aquino ng programa sa GMA News TV na tinawag na SME Go! Powered by GoNegosyo noong 2012. Ito ay programa tungkol sa kuwento ng mga negosyanteng Pilipino na nagtagumpay sa kabila ng suliraning hinarap sa pagtataguyod ng kanilang negosyo.

Sa kasalukuyan, si Aquino ay host ng online show na Dong! Bam! Asenshow kasama ang aktor na si Dingdong Dantes kung saan nagbibigay sila ng tips at paraan upang maging matagumpay sa negosyo at nagbibigay rin ng papremyo sa pamamagitan ng isang segment sa programa na may tanungan.

Hapinoy Program

Naging pangulo si Aquino ng MicroVentures Incorporated na isang social enterprise na naglalayong mawaksi ang kahirapan sa pamamagitan ng pagpapalago ng negosyo ng mga Pilipino. Ang MircoVentures din ang nagpasimula ng Hapinoy Program na nagbibigay ng training, micro-financing, at tulong sa mga maliliit na negosyanteng Pilipino o micro-entrepreneurs.

Nakatulong ang Hapinoy sa higit 10,000 sari-sari store sa buong bansa na nagpagaan sa pamumuhay ng maraming pamilyang Pilipino. Dahil dito, naiuwi ng Hapinoy program ang UN Project Inspire Award noong 2011 at tinalo ang higit 400 katulad na proyekto sa buong mundo.

Dahil sa magandang layunin at kinalabasan ng mga programa ni Aquino, pinarangalan siya bilang isa sa Ten Outstanding Young Men of the Philippines sa kategoryang Social Enterprise and Community Development noong 2010. Isa rin siya sa Ten Outstanding Young Persons of the World noong 2012.

Politika

Tumakbong senador si Aquino noong 2013 sa ilalim ng Team PNoy Coalition ng kaniyang pinsang si Pangulong Noynoy Aquino. Hindi naging madali ang pagsabak ni Aquino sa politika lalo na sa pagkuha ng isang posisyon sa nasyonal na pamahalaan dahil binabatikos ang pagiging “political dynasty” ng mga Aquino. Gayunman, ayon kay Aquino, hindi dapat nila bigyan ng masamang kulay ang pagtakbo ng isa na namang Aquino sa senado dahil handa siyang ipagpatuloy ang nasimulan ng kaniyang mga kaanak sa senado at gumawa ng sariling pangalan. Nanalo si Aquino at nagtapos sa ika-7 puwesto matapos makakuha ng 15,388,992 boto.  Siya ang ikaanim na Aquino na umupo sa senado.

Bilang senador, ang kauna-unahang naipasang batas ni Aquino ay ang Go Negosyo Act na isang malaking tulong para sa mga Pilipinong nais magnegosyo. Sa bisa rin ng batas na ito, naitayo ang Negosyo Centers sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

Si Aquino rin ang naging principal sponsor ng Universal Access to Quality Tertiary Eduation Act na nagpababa sa bayarin sa mga state university and college, local university, at sa mga TESDA-accredited na institusyon.

Naging chairman din si Aquino ng Senate Committee on Science and Technology mula 2016 hanggang 2019. Siya rin ang chairman ng Committee on Education, Culture, and Arts mula Hulyo 2016 hanggang Pebrero 2017.

Noong Oktubre 2017, sa isang pagdinig sa Senado tungkol sa pagkakalat ng pekeng balita ni dating Communications Assistant Secretary Mocha Uson, nagkainitan sina Uson at Aquino tungkol sa paghingi ng panig bago akusahan at isulat online. Ayon kay Aquino, hinihingi raw ni Uson sa mga mamamahayag na hingin muna ang panig niya bago siya isulat sa mga pahayagan at online website, gayong si Uson mismo ay hindi ito ginagawa bago mag-post sa kaniyang personal na blog at bilang bahagi ng Communications team ng administrasyon. Giit ni Uson, hindi siya mamamahayag kaya hindi niya obligasyong manghingi ng panig ng sinuman.

“So fairness ang hinihingi mo Asec Mocha. You’re asking that these organizations be fair to you so ang sinasabi ko lang hinihingi mo yung fairness pwedeng bang bigyan mo rin kami ng fairness?”

Otso Diretso

Tumakbong muli si Aquino sa pagkasenador noong 2019 kung saan kabilang siya Otso Diretso, ang walong kandidato ng Liberal Party sa senado. Gayunman, nabigo si Aquino na makapasok sa top 12 matapos magkamit ng 14,144,923 na boto at magtapos sa ika-14 puwesto. Ayon kay Aquino, bagaman nalulungkot siya sa hindi pagkakahalal sa kaniyang muli, ang makakuha raw ng higit na 14 milyong boto sa panahon ng administrasyong Duterte ay isang malaking karanagalan sa kaniya. Bumalik si Aquino sa kaniyang mga gawain at negosyong nakatutulong sa kapuwa Pilipino matapos ang termino noong 30 Hunyo 2019. Sa isang pahayag din, sinabi ni Aquino na ang mga black propaganda at fake news tungkol sa kaniya ay labis na nakaapekto sa kaniyang kandidatura.

Nadawit rin si Aquino sa lumabas na pahayag ng isang Alyas Bikoy noong 2019 na ang mga taga-Liberal Party at mga kontra kay Rodrigo Duterte ay nagpaplano ng isang pag-aaklas laban sa pangulo. Idinawit kasama ni Aquino sina Bise Presidente Leni Robredo, Antonio Trillanes IV, Risa Hontiveros-Baraquel, Leila de Lima, Gary Alejano, Erin Tañada, Chel Diokno, at Florin Hilbay. Dahil dito, naharap sa mga kasong sedisyon, cyber libel, libel, estafa, at obstruction of justice si Aquino at iba pa niyang di umano’y kasabwat sa pagpapabagsak kay Duterte.

Noong Pebrero 2020, ibinasura ng Department of Justice ang mga reklamong ito kina Aquino at iba pang kasama sa Liberal Party habang nanatili ang reklamo para kay Trillanes.

Halalan 2022

Sa isang panayam noong Hulyo 2021, sinabi ni Aquino na hindi pa siya sigurado kung tatakbo pa siya sa eleksiyon 2022 o ipagpapatuloy ang kaniyang papel bilang haligi ng koalisyon at tulungan ang Liberal Party sa kampanya sa darating na halalan.

Hindi pa raw niya iniisip ang pagtakbo niya at mas gusto niyang palakasin muna ang koalisyon na nakaranas ng pagkatalo noong 2019 matapos walang manalo sa kanilang walong kandidato ng oposisyon.

Gayunman, noong Agosto 2021, isa si Aquino sa mga inilabas na pangalan ng Liberal Party na maaaring maging pambato nila sa senado sa halalan 2022.

Mga karangalan at pagkilala

  • Panelist, “Changing the Game: Innovating Smartly in Organizations and Systems”; Panelist, “Cracking the Emerging Market Code” World Economic Forum, Davos, Switzerland (2014)
  • Manila 40 Under 40 Global Development Leader, Awarded by Devex (2013
  • Ten Outstanding Young Persons of the World (2012)
  • Asian Social Entrepreneur of the Year with Mark Ruiz (World Economic Forum, 2011)
  • United Nations Project Inspire Grand Prize (The Hapinoy Program, 2011)
  • Awarded by MasterCard and The Singapore National Committee for UN Women
  • Ten Outstanding Young Men of the Philippines (Community Development and Social Enterprise, 2010)
  • GoNegosyo Inspiring Young Entrepreneur (2010)
  • Co-Finalist, Ernst & Young (Entrepreneur of the Year 2010)
  • PLDT Bossing Co-Awardee (Retail Financing Category, 2010)

Mga sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.