Balarila ng Wikang Pambansa

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Bahagi ng edukasyon sa Pilipinas ang pag-aaral ng wikang Filipino. Nagsimula ito noong 19 Hunyo 1940 nang ipag-utos ni dating Pangulong Manuel L. Quezon na ituro sa mga paaralan sa buong bansa ang wikang pambansa (na noon ay Tagalog).

Pagsulong sa Isang Wika

Upang maging matagumpay ang pagtuturo, nailimbag noong 1940 ang Balarila ng Wikang Pambansa, aklat na isinulat ni Lope K. Santos. Ang Balarila ay naglalaman ng mga pamantayan o tuntunin sa maayos at wastong paggamit ng wikang Tagalog—pasulat o pasalita man. Sa wikang Tagalog kasi ibinatay ang wikang pambansa na ipinagtibay rin ni Quezon noong 1937.

Ang Balarila rin ang kauna-unahang aklat tungkol sa wikang Tagalog na isinulat ng isang makatang Tagalog. Ang salitang “balarila” ay katumbas na salita ng gramatika. Nagmula ito sa dalawang salita na “bala” at “dila” na binuo ni Santos.

Nilalaman

Bahagi ng Balarila ang palatitikan at palabigkasan gamit ang 20 titik ng Abakada. Bahagi rin nito ang mga sangkap ng pananalita batay sa kahulugan, anyo, at gamit sa pangungusap. Mababasa rin sa aklat ang mahahalagang tuntunin sa pag-uugnay ng mga salita sa pagbuo ng pangungusap.

Batayang Aklat sa Wika

Sangguniang aklat pangwika ang Balarila. Ginamit ito ng mga guro hanggang dekada 1970 bilang batayan sa pagtuturo ng wika. Ibinatay rin sa Balarila ang unang balangkas sa pagkakabuo ng pambansang ortograpiya noong 1971.

Sa kasalukuyan, ang Pambansang Ortograpiya ang ginagamit na sanggunian tungkol sa wikang Filipino na mayroong iba’t ibang edisyon.

Maikling Talambuhay

Si Lope K. Santos ay masugid na tagasulong ng wikang Tagalog. Isa siyang makata, nobelista, mamamahayag, pinuno ng mga manggagawa, at politiko na ipinanganak noong 25 Setyembre 1879. Namatay siya noong 1 Mayo 1963.

Sanggunian

Surian ng Wikang Pambansa. Mga Sanaysay sa Alaala ni Lope K. Santos sa Kanyang ika-100 Taon. Maynila: Surian ng Wikang Pambansa, 1980.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.