Balagtasan

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang balagtasan ay isang pagtatalo sa pamamagitan ng pagbigkas ng tula. Naimbento ito noong panahon na ang Pilipinas ay nasa ilalim ng pamamahala ng mga Amerikano. Ito ay ipinangalan kay Francisco Balagtas sapagkat binuo ito ng mga makatang Tagalog para sa pagdiwang ng anibersaryo ng kaniyang kapanganakan.

Kasaysayan

Ang kasaysayan ng balagtasan ay maaaring matunghayan sa aklat na Balagtasan: Kasaysayan at Antolohiya (1999) ni Galileo S. Zafra.[1] Masinop na sinaliksik ni Zafra ang tungkol sa tinawag niyang “Gintong Panahon ng Balagtasan (1924–1941).”

Nabuo ang konsepto ng balagtasan sa pagpupulong ng Kapulungang Balagtas, isang samahan ng mga makatang Tagalog, noong 28 Marso 28, 1924, Linggo, sa tanggapan ni Rosa Sevilla sa Instituto de Mujeres (Women’s Institute), Tondo, Maynila. Ang pagpupulong na ito ay may layuning makapagdaos ng isang programa para sa pagdiriwang ng kaarawan ng dakilang makatang si Francisco Balagtas.[1]

Sa pagpupulong na iyon, iminungkahi ni Lope K. Santos na magdaos ng makabagong duplo. Ang duplo, sa panahon ng mga Espanyol, ay isang popular na pagtatanghal sa lamayan na kinatatampukan ng mga makatang nagpapaligsahan bilang tagapagsakdal o bilang tagapagtanggol sa isang dula ng paglilitis. Iminungkahi ni Patricio A. Dionisio na hanguin ito sa pangalan ni Balagtas. Dahil dito, naisilang ang salitang “balagtasan,” ayon sa iminungkahi ni Jose N. Sevilla. Ito ang pagsisimula ng isang natatanging tradisyon ng mga makatang Pilipino.[1]

Tagisan ng mga Makata

Ang unang balagtasan ay naganap noong 6 Abril 1924. Tatlong pares ng makata ang lumahok dito na gumamit ng iskrip: Rafael Olay at Tomas L. de Jesus; Amado V. Hernandez at Guillermo A. Holandez; at Jose Corazon de Jesus at Florentino T. Collantes.[1]

Nagpakitang-gilas ang lahat ng kalahok ngunit natatangi ang ipinakitang kahusayan nina De Jesus (Paruparo) at Collantes (Bubuyog) na nagtalo sa paksang “Bulaklak ng Lahing Kalinis-linisan.” Si Lope K. Santol ang kanilang lakandiwa. Nasundan pa ang mga pagtatanghal ng balagtasan ng dalawang makata na nagbunga rin ng tampuhan nila sa isa’t isa.[1]

Isang malaking balagtasan ang idinaos sa Olympic Stadium sa Maynila noong 18 Oktubre 1925 kung saan isa kina De Jesus at Collantes ang dapat hiranging “Hari ng Balagtasan.” Pinagtalunan ng dalawa ang paksang “Ang Dalagang Filipino: Noon at Ngayon.” Si De Jesus para sa Dalaga Noon at si Collantes para sa Dalaga Ngayon. Ang kanilang lakandiwa ay si Francisco Varona.[1]

Sa malakas na palakpakan at hatol ng tinatayang 8,000 hanggang 15,000 manonood, itinanghal si De Jesus bilang unang “Hari ng Balagtasan.”[1]

Si De Jesus ay kilala rin sa kaniyang sagisag-panulat na Huseng Batute. Mahusay siyang bumigkas ng tula. Kabilang sa kaniyang mga tula ang “Ang Manok Kong Bulik” (1919), “Ang Pagbabalik” (1924), “Ang Pamana” (1925), “Pag-ibig” (1926), “Manggagawa” (1929), at “Isang Punongkahoy” (1932). [2]

Ang balagtasan ay naging paboritong aliwan ng mga Tagalog. May mga balagtasan din na nasa wikang Spanish, English, at iba pang katutubong wika sa Pilipinas.

Nagkaroon din ng sarili bersiyon ng balagtasan ang mga Kapampangan at Ilokano. Tinawag itong crissotan ng mga Kapampangan na ipinangalan nila sa makata at Kapampangang si Juan Crisostomo Soto, may sagisag-panulat na Crissot. Tinawag namang bukanegan ng mga Ilokano ang kanilang balagtasan na ipinangalan kay Pedro Bukaneg. [2]

Kasalukuyang Balagtasan

Lumipas man ang halos sampung dekada, ang balagtasan ay isa pa ring buhay na tradisyon. Itinatanghal pa rin ito sa mga paaralan sa Pilipinas lalo na tuwing Buwan ng Wikang Pambansa.

May isang pangkat ng kabataang manunula rin ang nagtataguyod nito sa kasalukuyan—ang The Makatàs na bahagi ng performance poetry group ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA). Sila ay nagtatanghal ng balagtasan at nagbabahagi ng mga kaalaman tungkol sa tradisyonal na sining na ito.[3]

Samantala, may ilan naman na nagtuturing sa rap battle bilang makabagong anyo ng balagtasan. Tulad kasi ng tradisyonal na balagtasan, dalawang rapper ang magpapalitan ng katwiran sa saliw ng rap music, isang mabilis at maritmong paraan ng pagbigkas. Naiuugnay ito sa balagtasan dahil nangingibabaw rito ang palitan ng tugmaan at katwiran. Gayunman, nilinaw ng makata at propesor na si Michael M. Coroza na hindi katumbas ng rap battle ang balagtasan. Sa isang lathalain ng The Varsitarian, iginiit ni Coroza na ang dalawang sining ay nagtataglay ng “magkaibang ideolohiya, anyo, tema, kultura, at lugar na pinagtatanghalan.”[4]

Ang balagtasan ay ginagamit din ng mga manunulat upang maipahiwatig ang kanilang palagay sa aspektong politika at mga napapanahong pangyayari o isyu sa bansa. 

Sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 1.5 1.6 Zafra, Galileo S. Balagtasan: Kasaysayan at Antolohiya. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1999.
  2. 2.0 2.1 Galileo S. Zafra. “Jose Corazon de Jesus.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  3. The Makatas Facebook Page. https://www.facebook.com/The.Makatas.LIRA, accessed 22 Enero 2021.
  4. Online Editor. “Rap battle, hindi modernisasyon ngbalagtasan.” The Varsitarian, 10 Disyembre 2018. https://varsitarian.net/filipino/20181210/rap-battle-hindi-modernisasiyon-ng-balagtasan-makata. Accessed 22 Enero 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.