Bagyong Odette

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Bagyong Odette (may pandaigdigang pangalang Bagyong Rai) ay ang ika-15 bagyong tumama sa Pilipinas sa taong 2021. Ito rin ang sinasabing pinakamapaminsalang bagyo ng taong iyon. Unang pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Odette noong 14 Disyembre 2021 at unang nag-landfall sa isla ng Siargao, Surigao del Norte noong 16 Disyembre 2021. Bago tumama sa lupa, ito ay nilagay na sa Category 5.

Ayon sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at Philippine National Police (PNP), umabot na sa 375 ang nasawi, 56 ang nawawala, 500 ang sugatan, at humigit-kumulang na 400,000 pamilya ang kinailangang lumikas. Tinatayang nasa ₱176.4 milyon naman ang inisyal na tala sa naging pinsala sa agrikultura sa Visayas at Mindanao ayon sa Department of Agriculture (DA) at NDRRMC.

Paggalaw

Pumasok sa Pilipinas ang Bagyong Rai sa (PAR) noong 14 Disyembre 2021 at pinangalanang Bagyong Odette, ang ika-15 bagyong pumasok sa bansa. Ito ay nasa kategoryang severe tropical storm at mayroong lakas ng hangin na 100 km/hr at pagbugso ng hangin na 125 km/h. Agad na itinaas ang tropical cyclone warning signal (TCWS) No. 1 sa Eastern Samar, Dinagat Islands, silangang bahagi ng Surigao del Norte kasama ang Siargao at Bucas Grande Islands, at ang hilagang bahagi ng Surigao del Sur.

Kinabukasan, 15 Disyembre, lalo pang lumakas ang Bagyong Odette at nasa kategoryang Typhoon na ito. Nasa 110 km/hr ang dalang hangin at may pagbugsong umaabot sa 135km/hr. May ilang lalawigan na rin ang itinaas sa TWCS No. 2. Umabot hanggang TWCS No. 4 ang itinaas ng PAGASA noong 16 Disyembre, 11 ng umaga. Kasama sa mga nasa TWCS No. 4 ay ang Southern Leyte, silangang bahagi ng Bohol, Dinagat Islands, Surigao del Norte, Siargao, at Bucas Grande Islands.

Noong 16 Disyembre 2021, ganap na 1:30 ng hapon, unang nag-landfall ang Bagyong Odette sa Siargao Island sa Surigao del Norte. Muli itong tumama sa lupa 3:10 ng hapon sa Cagdianao, Dinagat Islands; 4:50 ng hapon sa Liloan, Southern Leyte; 5:40 ng hapon sa Padre Burgos, Southern Leyte; 6:30 ng gabi sa Pres. Carlos Garcia, Bohol; 7:30 ng gabi sa Bien Unido, Bohol; at 10:00 ng gabi sa Carcar, Cebu.

Patuloy na naminsala ang bagyo hanggang kinabukasan, 17 Disyembre 2021. Nag-landfall ito sa ganap na 12:00 ng umaga sa La Libertad, Negros Oriental at 5:00 ng hapon sa Roxas, Palawan. Sa kabuoan, siyam na beses na nag-landfall ang bagyo at lahat ng dinaanan nito at kalapit na mga lalawigan ay nakaranas ng matinding pinsala.

Ayon sa PAGASA, noong 18 Disyembre 2021, 12:40 ng tanghali, ay lumabas na sa PAR ang Bagyong Odette at muling lumakas habang nasa West Philippine Sea (WPS).

Pinsala

Batay sa ulat ng Philippine National Police (PNP), noong 20 Disyembre 2021, nasa 375 na ang naitalang nasawi nang dahil sa Bagyong Odette habang 56 pa ang nawawala. Nasa higit 500 rin ang nasugatan at halos 400,000 na pamilya ang nananatili pa rin sa mga evacuation center.

Ang Visayas ang nakapagtala nang pinakamataas na bilang ng mga nasawi na nasa 170 na, 20 Disyembre. Sinusundan ito ng Caraga na 167 na kataong nasawi, 24 sa Kanlurang Visayas, anim sa Silangang Visayas, at isa sa Zamboanga Peninsula.

Mayroon namang 47 pang nawawala sa Central Visayas, walo sa Caraga, at isa sa Eastern Visayas. Nasa 364 naman ang sugatan sa Central Visayas, 118 sa Caraga, 15 sa Silangang Visayas, at tatlo sa Hilagang Mindanao.

Isa ang Bohol sa mga pinakanapinsalang lalawigan at nakapagtala ng 94 na kataong nasawi. Idiniklara din ang state of calamity sa bayan ng Ubay kung saan maraming bahay sa tabing dagat ang nawasak ng bagyo, maging ang mga bangkang pangisda ng mga residente.

Sa pananalasa ng bagyo, marami ang napinsala partikular ang mga impraestruktura, kabilang ang ilang paaralan at covered court na ginawang evacuation center. Maraming bahay din ang tinangay ng malakas na hangin lalo na ang mga tahanan malapit sa tabing dagat. Maraming puno rin ang nagtumbahan na nagpahirap sa mga rescuers at opisyal ng pamahalaan upang marating ang mga apektadong residente. Nawala rin ang suplay ng koryente at malinis na tubig. Maging ang cellphone at internet signal ay hindi pa rin naibabalik sa malaking bahagi ng Visayas at Mindanao matapos bumagsak ang nasa 30 transmission tower.

Ayon naman sa inisyal na ulat ng DA at NDRRMC, nasa ₱176.4 milyon na ang naging pinsala sa agrikultura ng Bagyong Odette, kabilang ang mga pananim na palay, mais, at niyog. Nasa halos 4,000 mangingisda at magsasaka rin mula sa Calabarzon, Bicol, Western Visayas, at Caraga ang naapektuhan ang kabuhayan. Dagdag pa ng DA, nasa 10,830 ektaryang lupaing agrikultural ang nawasak at hindi mapakinabangan sa ngayon. Magbibigay naman ang DA ng ₱852.47 milyon na tulong para sa mga naapektuhang magsasaka at mangingisda.

Mga tulong para sa mga biktima

Maraming nakaligtas mula sa mapaminsalang bagyo ang nananawagan ng tulong. Kailangan nila ang maayos na damit, kumot, higaan, at hygiene kit lalo na’t mayroon pa ring pandemyang dulot naman ng COVID-19. Higit sa lahat, nananawagan sila ng malinis na suplay ng tubig at pagkain.

Tumugon naman agad ang mga opisyal ng pamahalaan sa panawagang ito. Isa sa mga unang kumilos ay si Vice President Leni Robredo na tumungo agad sa Bohol noong 18 Disyembre 2021. Bago ito ay ginawa na ring tanggapan ng relief goods ang volunteer headquarters ni Robredo sa Katipunan, Lungsod Quezon.

Nanawagan din si Senador Manny Pacquiao sa kapuwa niya preisential candidates na magkaisa upang makapagbigay ng tulong at sandaling kalimutan ang kanilang estado bilang magkakatunggali sa pinakamataas na posisyon sa bansa. Tumugon rito si Robredo. Nagsagawa rin ng kani-kanilang relief operations sina Bongbong Marcos, Panfilo "Ping" Lacson, Leody de Guzman, at mga tumatakbo bilang bise presidente tulad nina Davao City Mayor Sara Duterte, Francis "Kiko" Pangilinan, at Tito Sotto.

Ayon kay Presidential Spokesperson Karlo Nograles, inutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbigay ng ₱2 bilyong tulong sa mga nasalanta ng bagyo sa Visayas at Mindanao. Inihayag din ni Nograles na nakahanda na ang nasa ₱1 bilyong tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). Utos rin umano ng pangulo na gamitin ang lahat ng posibleng mapagkukuhanan ng badyet para sa bilyong pisong tulong para sa mga naging biktima ng Bagyong Odette.

Nagsagawa rin si Duterte, kasama si Senador Bong Go, ng aerial inspection noong 18 Disyembre sa mga lugar na tinamaan ng bagyo kabilang ang Siargao, Dinagat Islands, at Leyte. Binisita niya rin ang mga lalawigan ng Bohol at Cebu at nangako ng agarang tulong sa mga nakaligtas sa bagyo.

Ayon kay Robredo na nag-ikot sa iba’t ibang lugar sa Visayas at Caraga region, lubos na nakaapekto sa mga residente ang kakulangan sa impormasyon sa Bagyong Odette dahil sa kawalan ng ABS-CBN. Ang ABS-CBN ay kilalang malakas na istasyon ng telebisyon sa Visayas at Mindanao na limitado ang operasyon ngayon matapos ibasura ng Kongreso ang pagsasabatas ng kanilang prangkisa noong 2020.

Maliban sa tulong mula sa mga kawani ng pamahalaan, maraming pribadong sektor, akademya, at samahang pang-relihiyon din ang gumagawa ng kani-kanilang donation drive upang makakalap ng pondo at makatulong sa mga naapektuhan ng Bagyong Odette. Kabilang sa mga ito ay ang Philippine Red Cross, Ateneo de Manila University, Caritas Manila, Ayala Foundation, Laban ng Masa, Lingap Gabriela, PAWS, at Junior Chamber International-Bacolod.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.