Awit

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Tinatawag na awit anomang komposisyong inaawit. Ito ay isang anyo ng panitikan na may musika.

Ang mga sinaunang Pilipino ay may mayamang awitin, na naabutan ng mga mananakop na Espanyol noong panahon ng kolonyalisasyon. Kabilang sa mga naunang naitalang awiting-bayan sa bansa ay ang diyona (awit sa kasal at iba pang okasyon), talingdaw (lumang awitin), indolonin (awit na may malungkot na himig), doloyanin (awit sa pagsasagwan), hila (awit sa pamamangka), soliranin (awit sa paglalakbay sa karagatan), at holohorlo (awit sa pagpapatulog ng sanggol). Masasalamin sa mga awiting ito ang paraan ng pamumuhay ng ating mga ninuno.

Sa pagpasok ng ika-19 dantaon, may dalawang tulang metriko romanse ang pinalaganap ng mga Espanyol—ang awit at korido. Ang dalawa ay parehong mahabang tulang nagsasalaysay ng mga kagila-gilalas na pakikipagsapalaran ng mga prinsipe, kabalyero, o banal na tao. Nagkakaiba ang dalawa sa sukat.

Ang awit ay nakasulat nang saknungan na binubuo ng tig-aapat na taludtod. Sinusunod nito ang sukat na lalabindalawahin at karaniwang may tugmaan. Karaniwang pinapaksa ng awit ang pag-iibigan ng magkasintahan o mag-asawa, pagmamahal sa pamilya, at pagibig sa sariling lugar na sinilangan. Marami ring awit ang ibinatay sa mga alamat, kuwentong-bayan, buhay ng mga santo, at mga kaganapan ayon sa Bibliya. Maituturing na pinakabantog na awit sa panitikang Pilipino ay ang Florante at Laura ni Francisco Balagtas.  

Sanggunian

Raul C. Navarro, ed. Galileo S. Zafra. “Awit.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.