Automatic Fare Collection System (Beep Card)

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Ang automatic fare collection system (AFCS), na kilala rin bilang Beep card, ay isang sistema ng pagbabayad na gumagamit ng contactless smartcard sa iba’t ibang transportasyon sa Pilipinas partikular sa Light Rail Transit (LRT) Lines 1 at 2, Metro Rail Transit (MRT) 3 at maging sa mga bus at electronic jeepney (e-jeep).

Unang binigyan ng pahintulot ang pagsasabago ng sistema ng pagbabayad sa LRT at MRT noong Pebrero 2014 kung saan ipinagkaloob ni noon ay Pangulong Benigno S. Aquino III ang multi-year obligatory authority (MYOA) sa Department of Transportation and Communications (DOTC) upang gawing moderno at gumamit na ng smartcards sa pagbabayad sa MRT at LRT sa lalong madaling panahon. Ipinagamit sa publiko ang Beep card noong Hulyo 2015 bilang bahagi ng trial at naging pormal na bahagi ng railway systems noong Disyembre 2015.

Ang proyektong ito ay bahagi ng programang public-private partnership (PPP) ni Aquino. Ang AF Payments Inc. (consortium ng Ayala and Metro Pacific Groups) ang nanguna sa paglikha ng sistema ng pagbabayad gamit ang smartcards.

Detalye

Ang paggamit ng automatic fare collection system (AFCS) ay isa sa mga naging tugon ng pamahalaan upang mapagaan ang pagbiyahe ng mga komyuter lalo na ang mga gumagamit ng train system sa bansa tulad ng MRT at LRT. Madalas na mahaba ang pila sa pagbili ng token o card na ginagamit upang makabiyahe sa MRT at LRT. Sa pamamagitan ng contactless cards ay mas napabibilis ang pagsakay ng mga pasahero. Ito ay batay sa sistema ng pagbabayad sa mga pampublikong sasakyan sa mga bansang Singapore, Hong Kong, at Taiwan.

Ayon din sa pamahalaan, ang pagbabago mula sa magnetic stripe tickets patungong smartcards ay malaking tulong sa pagbawas ng gastos sa pagpapatakbo at pagpapanatili ng MRT at LRT. Mas madali kasi ito dahil isang mas mabilis na sistema na lamang sa pagbabayad ang ginagamit kung saan itatapat na lamang ang card sa sensor. Hindi tulad noon na kailangan pang ipasok ang card sa terminal na madalas na pagmulan ng mga aberya.

Sa pamamagitan din ng AFCS, mas sistematiko na rin ang paghawak ng kita at pera ang LRT at MRT dahil maging ang mga ito ay mas awtomatiko na rin.

Ang proyekto ay bahagi ng programang public-private partnership (PPP) sa pamamagitan ng Build/Rehabilitate-Transfer-Operate (BTO/TRO) at mayroong badyet na ₱3.16 bilyon hanggang sa taong 2025.

Pagpapatupad

Unang isinagawa ang limitadong public trial ng tap-and load card na Beep card na bahagi ng AFCS noong 21 Hulyo 2015. Isinagawa ang pagsubok sa bagong sistema ng pagbabayad sa pangunguna ng DOTC sa Legarda Station ng LRT-2.

Ayon kay noon DOTC Secretary Joseph Emilio Abaya na bagaman ay nagkaroon ng ilang problema sa sistema, masasabi pa rin nilang matagumpay ang naging inisyal na paglulunsad ng programa. Unti-unting tinrabaho ng DOTC ang paglalagay ng bagong ticketing system sa buong LRT-2.

Unang naging target ng DOTC na ilagay ang bagong sistema ng pagbabayad noong Mayo 2014 para sa LRT-2, Hunyo 2014 para naman sa MRT-3 at LRT-1 ngunit nagkaroon ng ilang pagkaantala dahil sa ilang isyung teknikal at limitadong suplay ng mga gagamiting teknolohiya.

Nang mag-umpisa ang ilang trial noong Hulyo at Agosto 2014, sinabi ng DOTC na sa Setyembre ay magagamit na ang Beep card ng lahat ng sasakay na pasahero ng LRT at MRT. Gayunman, inabot pa ng Disyembre 2014 bago tuluyang magamit ang AFCS sa lahat ng tren sa bansa.

Paggamit ng Beep Card

Kalaunan, ang mga Beep card ay hindi na lamang nagagamit sa LRT at MRT. Nagagamit na rin ito sa iba’t ibang bus line kabilang BGC Bus, Citylink buses, at iba pang P2P Buses. Sa pagdami rin ng electronic jeepney (e-jeep), nagagamit na rin ang Beep card sa mga ito. Maaari din itong magamit sa pagbayad ng toll sa NLEX at CAVITEX, e-trike sa Intramuros, pagpasok sa mga atraksiyon sa Intramuros, pagbili sa ilang partner convenience store, pagbili ng ticket sa mga sinehan, at maging sa pagbibigay ng donasyon.

Ang isang Beep card ay mabibili sa halagang ₱30 na maaaring lagyan ng load sa iba’t ibang paraan tulad ng mobile banking app, teller booth ng LRT at MRT, e-load stations, at online payment channels. Mabibili rin ang Beep card sa teller booth ng LRT at MRT, FamilyMart, online shopping stores, at ilang terminal ng bus at e-jeep.

Mayroon ding mga lumalabas na limited edition ng Beep card na mayroong iba’t ibang disenyo. Mas mahal ang mga ito kaysa sa ordinaryong Beep card dahil sa kakaiba at mas maganda nitong disenyo.

Ang Beep card ay maaaring ipahiram at magamit ninuman basta mayroon itong load. Mayroon ding mga personalized Beep cards tulad ng concessionary cards para sa mga senior citizen at PWD at ilang co-issued card na mayroong pangalan ng may-ari na eksklusibo niya lamang na magagamit.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.