Aurora Aragon Quezon

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Aurora Aragon Quezon ang asawa ni dating pangulong Manuel Quezon at ang ikalawang First Lady ng Republika ng Pilipinas. Kilala siya sa kaniyang mga gawaing may kaugnayan sa kapakanang pantao, at naging unang tagapangulo ng Philippine Red Cross.

Talambuhay

Ipinangangak si Aurora noong ika-19 ng Pebrero, 1888 sa Tayabas kina Pedro Aragon at Zeneida Molina. Siya ang bunso sa magkakapatid. Noong siya ay siyam na taong gulang, nakulong ang kaniyang ama sa Fort Santiago matapos mapagbintangang kasapi siya ng Katipunan. Matapos ang Himagsikan, nakalaya ang kaniyang ama at muling nabuo ang kaniyang pamilya.

Noong 1911, nag-aral siya sa Philippine Normal College sa Maynila ngunit hindi niya natapos ang kaniyang pag-aaral dahil sa kaniyang kalusugan.

Nagpakasal siya kay Manuel Luis Quezon noong 1918 sa Hong Kong. Magkapatid ang kanilang mga ina, at sila ay magpinsan. Nagkaroon sila ng apat na anak, sina Maria Aurora, Maria Zeneida, Luisa Corazon Paz at si Manuel, Jr.

Sa kabila ng kaniyang posisyon bilang Unang Ginang ng Pilipinas, pinili ni Aurora ang simpleng buhay. Naging bahagi rin siya ng iba't ibang grupo ng kababaihan tulad ng National Federation of Women's Clubs of the Philippines (NFWCP). Naging bahagi din siya ng kampanya para sa karapatan ng kababaihan sa pagboto, na naipatupad sa ilalim ng administrasyon ni Quezon noong 1937.

Ikalawang Digmaang Pandaigdig

Nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kasama siyang inilikas sa Corregidor. Noong 1942, inilikas ang buong pamilyang Quezon papuntang Estados Unidos.

Matapos ang dalawang taon, namatay si Quezon dahil sa tuberkulosis. Lumipat ang pamilya sa California at nagboluntir para sa Red Cross habang hinihintay ang kanilang pagbabalik sa Pilipinas.

Pagbalik sa Pilipinas

Bumalik ang pamilya Quezon sa Pilipinas noong 1945. Sa kabila ng mga alok na pumasok sa pulitika, tumanggi si Aurora at pinili ang mga aktibidad na pang-sibiko. Siya ang unang naging tagapangulo ng Philippine Red Cross hanggang sa kaniyang pagkamatay.

Namatay si Aurora noong ika-28 ng Abril, 1949 nang tambangan ang kanilang sasakyan sa Nueva Ecija. Papunta sana sila sa Baler para sa inagurasyon ng Quezon Memorial Hospital kasama ang kaniyang anak na babae at iba pa.

Pagdating sa Bongabong, Nueva Ecija, pinaulanan ng bala ang kanilang mga sasakyan na naging sanhi ng kanilang pagkamatay.

Noong 1951, ipinangalan sa kaniya ang sub-province ng Aurora, na kinalaunan ay naging hiwalay na lalawigan.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.