Assumption Day

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Assumption Day, ayon sa paniniwala ng mga Katoliko, ay isang pagdiriwang na gumugunita sa makasaysayang araw nang pagtanggap kay Birheng Maria, kasama ng kaniyang katawan at kaluluwa, sa langit. Ipinagdiriwang ito tuwing ika-15 ng Agosto ng mga Katoliko Romano. Sa ibang parte ng mundo, ito ay pampublikong pista opisyal. Samantalang sa ibang bansa, ito ay isang araw nang pagbubulay-bulay at pananalangin.

Assumption

Sa paniniwala ng mga Katoliko, wala pang katiyakan tungkol sa eksaktong araw, taon at paraan ng kamatayan ng Birheng Maria. Ang kauna-unahang sangguniang panitikan sa Assumption ay matatagpuan sa gawang Griyego na pinamagatang “De Obitu S. Dominae. Ngunit nahahango ang paniniwala ng mga Katoliko sa misteryo mula sa tradisyon ng mga apostol. Dalawang siyudad ang umaangkin ng pinagmulan ng Kaniyang pag-alis. Ito ay ang Jerusalem at ang Ephesus.

Ang paniniwala sa “corporeal assumption” ng Birheng Maria ay sinimulan sa kathang-isip na lathalain sa De Obitu S. Dominae sa pangalan ni St. John. Ito ay matatagpuan din sa librong De Transitu Virginis na hindi makatotohanang hinango kay St. Melito of Sardis. Matatagpuan din ito sa pekeng liham na ipinangalan kay St. Denis the Areopagite. Kung isasangguni naman ito sa mga panulat sa Silangan, nabanggit ang corporeal assumption sa mga sermon ni St. Andrew of Crete, St. John Damascene, St. Modestus of Jerusalem at iba pa. Sa mga bansa sa kanluran, nauna itong binanggit ni St. Gregory of Tours. Ngunit si St. John of Damascus ang naunang bumuo ng tradisyon sa pagdiriwang nito sa simbahan ng Jerusalem.

Kasaysayan ng Pagdiriwang

Ang pag-akyat ni Birheng Maria sa langit pagtapos ng kaniyang buhay dito sa mundo ay isa sa mga paniniwala ng simbahang Katoliko. Ang Pista ng Assumption ay ipinagdiriwang sa buong mundo anim na siglo na ang nakararaan. Pinaniniwalaang bago pa man masira ang patay na katawan ni Birheng Maria ay nasaksihan na siya ay umakyat sa langit. Dahil ito ay sumisimbolo sa pagtungo sa buhay na walang hanggan, itinuturing itong pinakamahalaga sa lahat ng mga Pista ng Birhen at banal na araw na nararapat lamang bigyan ng pagpapahalaga. Unang isinagawa ang pagdiriwang na ito sa Silangan kung saan kinilala bilang Feast of the Dormition na ang ibig sabihin ay “the falling asleep”.

Selebrasyon sa Pilipinas

Ipinagdiriwang ang Assumption Day sa lahat ng mga Katolikong simbahan at paaralan sa pamamagitan ng pag-aalay ng dasal, partikular na ang pagrorosaryo, at pag-aalay ng mga bulaklak. Karaniwang nagkakaroon ng misa sa parokya, simbahan at mga paaralan. Matapos ang misa, minsan ay nagkakaroon din ng mga palatuntunan at salu-salo sa tahanan ng mga deboto.

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.

Assumption Day Assumption Day