Arturo Tolentino

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Arturo "Ka Turing" Modesto Tolentino (19 Setyembre 1910-2 Agosto 2004) ay isang Pilipinong politiko at diplomat na nagsilbi bilang Senate President at ministro ng ugnayang panlabas. Kilala rin siya bilang ama ng Philippine "archipelagic doctrine" at isang eksperto sa larangan ng law of the sea.

Kabataan

Ipinanganak si Tolentino sa Maynila. Bilang estudyante, kilala siya sa kaniyang galing at talino. Nagtapos siyang valedictorian noong high school, at cum laude sa College of Law sa Unibersidad ng Pilipinas. Isa rin siyang bar topnotcher. Nagtapos rin siyang cum laude para sa Bachelor of Philosophy, at nakakuha ng masterado sa law at doctor of civil law mula sa University of Santo Tomas.

Kilala rin si Tolentino sa larangan ng debate at pananalumpati, kung saan nakakuha siya ng mga medalya sa iba't ibang patimpalak. Naging editor-in-chief rin siya ng Philippine Collegian habang nag-aaral sa UP.

Matapos makapasa sa bar exams, nagtrabaho siya bilang abogado. Nagturo rin siya sa UP, UST, sa University of the East, University of Manila, Arellano University, Far Eastern University, Manila Law College, Philippine Law School, San Beda College at Quezon College.

Karera sa Politika

Unang nahalal si Tolentino bilang kinatawan ng Maynila noong 1949. Muli siyang nahalal sa parehong puwesto noong 1953, at naitalaga bilang majority floor leader. Noong 1957, nahalal si Tolentino bilang senador, at muli siyang nahalal noong 1963 at 1969. Noong 1966, nahalal siya bilang Senate President, ngunit naalis siya sa puwesto.

Nagsilbi rin siya bilang Minister of Foreign Affairs mula 1984 hanggang 1986. Noong 1986, napili ni Pangulong Ferdinand E. Marcos si Tolentino bilang kaniyang bise presidente sa 1986 Snap Presidential Election.

Matapos ang panahon ni Pangulong Marcos, muling nahalal si Tolentino sa Senado noong 1992.

Kamatayan

Pumanaw si Tolentino noong ika-2 ng Agosto 2004 sa edad na 93 dahil sa atake sa puso. Nakalagak ang kaniyang mga labi sa Libingan ng mga Bayani.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.