Artsidiyosesis ng Maynila

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Romano Katolikong Arsobispado ng Maynila, (Roman Catholic Archdiocese of Manila sa English) ay ang simbahan o diyosesis ng Simbahang Katoliko sa Pilipinas. Ito rin ang kinikilalang pangunahing tanggapan ng Obispo sa bansa.

Kasaysayan

Ang orihinal na Artsidiyosesis ng Maynila[1] ay itinayo noong 6 Pebrero 1579, at sumasaklaw sa mga bansang sakop ng Espanya sa Asya at nakapailalim sa Mexico. Ang diyosesis (distritong sakop ng isang Obispo) ay itinaas sa pagiging artsidiyosesis o arsobispado (tanggapan o distrito ng isang arsobispo) noong 14 Agosto 1595. Dahil sa mabilis na paglago ng Katolisismo sa rehiyon ay lumikha ang Artsidiyosesis ng Maynila ng mga bagong diyosesis mula sa teritoryo nito.

Kabilang sa mga bagong diyosesis na nalikha ay ang Nueva Caceres, Nueva Segovia, at Cebu. Dahil sa pagkakalikha ng mga ito, ang teritoryo ng Artsidiyosesis ng Maynila ay lumiit. Ang nasasakupan na lamang nito ay ang Maynila at ang 10 lalawigan na malapit dito. Kabilang sa mga ito ay ang Rizal, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Batangas, Laguna, Cavite, Bataan, Zambales, at Mindoro.

Noong 10 Abril 1910, ang lalawigan ng Mindoro ay itinatag bilang nagsasariling diyosesis sa bisa ng Decretum Consistoriale na ipinatupad ni Papa Pius XI. Isinagawa rin ang Papal Bull “Quae Mari Sinico” ni Papa Leo XIII. Sa petsa ring iyon ay nilikha ang Diyosesis ng Lipa, na may saklaw sa lalawigan ng Batangas, Quezon, at iba pang bahagi ng Masbate.

Noong 19 Mayo 1928 ay itinatag ang Diyosesis ng Lingayen, na may 26 parokya.

Noong 11 Disyembre 1948, ang Apostolikong Konstitusyon ay hinati muli ang Artsidiyosesis ng Maynila. Ang hilagang bahagi nito ay ginawang Diyosesis ng San Fernando.

Noong 25 Nobyembre 1961, ang Artsidiyosesis ng Maynila ay muling hinati. Ang lalawigan ng Bulacan sa Hilaga at ang Cavite sa timog ay inihiwalay. Ang Bulacan ay naging Diyosesis ng Malolos at ang Cavite ay naging Diyosesis ng Imus.

Ang silangang bahagi ng lalawigan ng Rizal ay tinanggal mula sa Artsidiyosesis ng Maynila noong 24 Enero 1983. May 15 bayan at dalawang barangay ang tinanggal sa Maynila upang mabuo ang Diyosesis ng Antipolo.

Noong 2002, dalawa pang diyosesis ang nilikha mula sa Artsidiyosesis ng Maynila. Ang mga ito ay ang Diyosesis ng Novaliches sa hilaga at ang Diyosesis ng Parañaque sa timog na binubuo ng Lungsod Las Piñas at Lungsod Muntinlupa.

Sa rekomendasyon ng yumaong si Kardinal Jaime Sin at sa dekreto ng Papa na si Juan Pablo II, ang Artsidiyosesis ng Maynila ay muling hinati upang makabuo ng tatlo pang bagong diyosesis. Ang mga ito ay ang Diyosesis ng Cubao, Diyosesis ng Calookan, at Diyosesis ng Pasig.

Sinasaklawang Teritoryo

Ang Artsidiyosesis ng Maynila ay kasalukuyang binubuo ng 11 lungsod at isang munisipalidad. Kabilang sa mga lungsod ay ang Maynila, Makati, Pasay, Mandaluyong, Pasig, (maliban sa Santolan at Rosario], Quezon (maliban sa Tandang Sora at Mactan), Calookan, San Juan, Taguig, Malabon, at Navotas. Pateros ang nag-iisang munisipalidad na kabilang dito. Binubuo ng 315.26 kilometro kuwadrado ang Artsidiyosesis ng Maynila. Ito ay nasa hanggahan ng Diyosesis ng Malolos sa hilaga; Diyosesis ng Antipolo sa silangan; Diyosesis ng Imus at Diyosesis ng San Pablo sa timog; at Look Maynila sa kanluran.[1]

Arsobispo ng Maynila

Ang Arsobispo ng Maynila[2] ay matatagpuan sa Katedral ng Maynila, sa ilalim ng patnubay ng Mahal na Ina ng Inmaculada Concepcion. Ang Arsobispo ng Maynila ay pangunahing obispo ng ilang mga nakabababang artsidiyosesis at diyosesis at siya rin ang may pinakamataas na ranggo ng obispo sa buong bansa.

Pagkatapos pagsilbihan ng nag-iisang residenteng obispo, 19 arsobispo ng Maynila pa ang hinirang ng Espanya upang magsilbi sa Artsidiyosesis. Noong 1903, ang Artsidiyosesis ng Maynila ay nakatanggap ng kauna-unahang arsobispo na nagmula sa Estados Unidos, na hinirang ng Vatican. Kasunod ng pamumuno ng arsobispo na si Jeremiah James Harty ng St. Louis, Missouri, isang obispo na nagmula sa Ireland ang hinirang na kapalit. Noong 6 Setyembre 1916 ay tinanggap ng mga Pilipino si Michael J. O'Doherty bilang bagong obispo.

Ang Arsobispo na si Jaime Sin ang naging pinakakilalang Arsobispo ng Maynila sa buong mundo nang manawagan siya sa Aklasang Bayan sa EDSA laban sa diktatura ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Si Sin ang naging ikatlong Pilipinong Kardinal na nilikha ng tribunal. [3]

Habang sinusulat ang lathalaing ito, hinihintay pa ang itatakdang Arsobispo ng Maynila na papalit kay Luis Antonio G. Tagle, na tumayong arsobispo mula 2011 hanggang 2020. [4]

Yaman

Ang Arsodiyosesis ng Maynila ay kinikilalang isa sa mayayamang arsodiyosesis sa buong mundo. May mga pag-aari itong lupain sa Kalakhang Maynila at pinansiyal na interes sa ilang institusyon sa bansa. Ang nasabing artsidiyosesis ay nagmamay-ari ng ilang porsiyento sa Bank of the Philippine Islands, na pangalawa sa malalaking bangko sa Pilipinas. May sapi ito sa San Miguel Corporation, at nagmamay-ari rin ng mga paaralan, ahensiya sa paglalakbay, institusyon sa pagkakawanggawa, at hotel. [5]

Tanggapan ng Sugo ng Papa

Ang opisyal na tahanan ng sugo ng Papa sa Pilipinas ay matatagpuan sa loob ng Arsodiyosesis, bagaman ang naturang sugo ng Papa ay hindi kinakailangang sumailalim sa kapangyarihan ng arsobispo. Ang kasalukuyang sugo ng Papa ay ang arsobispong si Charles John Brown.[6]

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 “About the Archdiocese.” The Roman Catholic Archbishop of Manila. https://rcam.org/history/.Accessed 9 Marso 2021.
  2. The Manila Cathedral. “History.” http://manilacathedral.com.ph/history. Accesed 9 Marso 2021.
  3. Severino Samonte. “The late Cardinal Sin: A benevolent and unselfish church leader.” Philippine News Agency, 21 Hunyo 2018. https://www.pna.gov.ph/articles/1038948. Accessed 9 Marso 2021.
  4. Joseph Peter Calleja. “Wait for new Manila archbishop 'will soon be over.'” Union of Catholic Asian News, 26 Pebrero 2021.https://www.ucanews.com/news/wait-for-new-manila-archbishop-will-soon-be-over/91565. Accessed 9 Marso 2021.
  5. Chito Lozada. “Pulpit falls silent.” Daily Tribune, 5 Marso 2020.  https://tribune.net.ph/index.php/2020/03/05/pulpit-falls-silent/. Accessed 9 Marso 2021.
  6. Ferdinand Patinio. “New Papal Nuncio to present credentials to PH gov't in December.” Philippine News Agency, 30 Nobyembre 2020. https://www.pna.gov.ph/articles/1123380. Accessed 9 Marso 2021. 

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.