Arthur Tugade

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Arthur Tugade - 2018 (cropped).jpg

Si Arthur “Art” Planta Tugade (isinilang noong 9 Enero 1946) na kilala rin bilang Arthur Tugade, ay isang Pilipinong negosyante, abogado, at kawani ng pamahalaan. Siya ay ang kasalukuyang kalihim ng Department of Transportation (DOTr) na itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte kapalit ni Joseph Emilio “Jun” Abaya. Siya rin ay dating president at chief executive officer ng Clark Development Corporation, isang kaugnay na ahensiyang pagmamay-ari ng pamahalaan na Bases Conversion and Development Authority sa ilalim ni Pangulong Benigno S. Aquino III.

Si Tugade rin ay opisyal na kasama sa nominasyong inilabas ng PDP-Laban para sa pagkasenador sa taong 2022.

Personal na buhay

Si Arthur Tugade ay isinilang noong 9 Enero 1946 sa Claveria, Cagayan. Anak siya nina Francisco Tugade at Lucefina Planta na parehong kawani ng Public Works Department. Si Tugade ay mula sa mahirap na pamilya.

Nasa elementarya siya nang lumipat sila sa Maynila. Si Tugade ay naging iskolar mula elementarya hanggang Law School sa San Beda College. Nagtapos siyang cum laude sa kursong Liberal Arts at Magna Cum Laude naman sa Law School noong 1971. Naging kaklase niya sa San Beda si Pangulong Rodrigo Duterte. Mayroon din siyang post-graduate digri mula sa National Univeristy of Singapores sa ilalim ng NUS-Stanford Executive Program noong 1985.

Trabaho

Bago naging isang negosyante, humawak muna ng iba’t ibang posisyon si Tugade sa pribadong kompanya. Naging Executive Assistant siya ng Transnational Diversified Group, Inc. noong 1973 na pagmamay-ari ng Delgado family. Kalaunan, siya ay naging President at Chief Operating Officer ng kompanya. Naging bahagi rin siya ng mga kompanyang nasa iba’t ibang industriya tulad Yusen Air and Sea Services, TDG Asia Corporation, Harmony Organic Farms, and Easycall Communications.

Naging abogado rin siya ng ilang pribadong kompanya bago pumasok sa pamahalaan. Naging bahagi siya ng Bengzon, Verano, Tugade and Escolin Law Office.

Binuo rin ni Tugade ang kaniyang sariling negosyong tinawag na Perry’s Realty. Ipinangalan niya ito sa kaniyang yumaong anak dahil sa hika noong 12 anyos ito. Lumago ang kompanya at kalaunan ay naging Perry’s Holding Corporation. Lumago nang lumago ang negosyo hanggang sa naitayo nila ang Perry Group of Companies na binubuo ng mga kompanyang Transglobal Equipment Leasing, Perry's Technology, ATP Travel, Perryome, Transglobal Trucking and Transglobal Consolidators, Inc. Nang buksan nila ang kompanya noong 2003, ang kanilang naging gusali ay dating imbakan ng isang dating kompanya ng mga kompiyuter.

Clark Development Corporation

Noong 2012, itinalaga si Tugade bilang President at Chief Executive Officer ng Clark Development Corporation (CDC), isang korporasyong pagmamay-ari ng pamahalaan na nakaatang na mamahala sa Clark Freeport at Clark Special Economic Zone. Sa pamamahala ni Tugade, sinimulan niyang makilala ang Clark bilang logistics hub sa pamamagitan ng pagpapalago ng mga negosyo sa lugar upang makita ng mga negosyante at mga mamamayan na ang lugar ay maaaring maging lugar ng turismo at ekonomiya.

Noong 2013, binigyang papuri ng Clark Investors and Locators Association (CILA) si Tugade dahil sa pagpapalawig ng Certificate of Registration at tax exemption sa tatlong taon mula sa isang taong pagiging balido ng mga ito. Ayon sa CILA, malaking tulong ang naging pagkilos ni Tugade sa pagpapaunlad ng serbisyo ng CDC. Binigyang papuri din si Tugade dahil sa mga pagbabagong isinagawa nito kabilang ang “no receiving of gift policy.”

Sa loob din ng unang walong buwang pamumuno ni Tugade sa CDC, nagkaroon sila ng higit sa $200 milyong investment kabilang ang mga kompanyang Aderans Inc., Pishon Corporation, L&T garments, MSK Corp. Preferred and Proven Therapies Inc., Wind Tunnel International, Mt. Carmel Medical Center, at Stotsenberg Medical Center, Inc.

Nakapagbahagi rin ang CDC ng nasa ₱2.4 milyon para sa mga naging biktima ng Bagyong Yolanda noong 2013. Ang isang milyong piso ay naitabi nila mula sa pagkakansela ng taunang Christmas party ng korporasyon. Ang iba pang salapi ay nalikom nila sa pamamagitan ng pagsasagawa ng “Bangon Bayan” donation drive. Maliban sa pera nagbahagi rin ang CDC ng tone-toneladang suplay para sa mga biktima.

Kalihim ng DOTr

Nang manalo si Duterte bilang pangulo ng Pilipinas, isa si Tugade sa mga agad niyang binigyan ng posisyon at itinalaga bilang kalihim ng Department of Transportation (DOTr). Naging magkaeskwela ang dalawa sa San Beda College noong 1971.

Gayunman, noong Oktubre 2016, naharap si Tugade sa kontrobersiya matapos magprotesta ang Road Users Protection Advocates (RUPA) na huwag aprubahan ng Commission on Appointments ang pagkakatalaga kay Tugade sa puwesto matapos nitong hindi masolusyunan ang problema sa trapiko sa loob ng unang 100 araw niya bilang kalihim ng DOTr na kaniyang ipinangako. Sinabi kasi ni Tugade sa isang pahayag na kung hindi niya magagawang maisaayos ang sitwasyon ng trapiko sa Pilipinas ay dapat tanggalin siya ni Duterte sa puwesto. Ayon sa RUPA, maliban sa walang nagawang solusyon si Tugade, naging katawa-tawa rin umano ang mga ipinatupad nito sa kaniyang unang 100 araw sa DOTr. Mas marami umano ang karapat-dapat kaysa kay Tugade.

Noong 13 Disyembre 2016, matapos ang ilang tanong kay Tugade kabilang ang ilang representante ng RUPA, naaprubahan na ang pagtatalaga sa kaniya bilang kalihim ng DOTr. Ayon sa kaniyang naging pahayag sa komisyon, hindi raw magiging madali para sa departamentong ayusin ang lumalalang suliranin ng trapiko sa Pilipinas ngunit pagkatiwalaan lamang siya ng mga ito at hindi niya bibiguin ang mga ito.

Sa panahon ni Tugade, pinangunahan niya ang pagsasagawa ng LRT-1 Cavite Extension project. Natapos din ang iba’t ibang proyekto ng pagsasaayos at pagpapaganda ng mga paliparan sa Pilipinas tulad ng bagong terminal building ng Puerto Princesa International Airport na natapos noong Abril 2017, Mactan-Cebu  International Airport na natapos noong Hunyo 2018, Bohol-Panglao International Airport na binuksan noong Nobyembre 2018.

Ayon din sa ulat ng DOTr, nakatapos sila ng 243 proyekto sa mga pantalan sa bansa sa pakikipagtulungan ng Philippine Ports Authority. Ipinagmalaki rin ni Tugade ang pagbubukas ng Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).

Nagkainitan din noon sina Senador Franklin Drilon at Tugade matapos sabihin ni Drilon na palpak ang proyektong “Build Build Build” ng pamahalaan. Ayon kay Tugade, nasa 75 proyekto na ang natapos ng DOTr sa ilalim ng Build Build Build project. Dagdag pa ni Tugade, nahigitan pa nila ang mga inaasahang resulta ng kanilang mga proyekto kaya hindi makatuwiran at walang basehan ang akusasyon ni Drilon na pumapalpak sila.

Sa panahon ng pananalasa ng COVID-19 sa Pilipinas, pinangunahan ng DOTr at ng ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ag paglulunsad ng programang “Free Ride for Health Workers and APORs”. Inilunsad ito sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas. Ayon kay Tugade, malaking tulong ito sa mga manggagawa sa panahon ng pandemya dahil maliban sa libre na, mas nagiging madali ang paghahanap nila ng masasakyan at mas organisado umano ang sistema sa kanilang mga libre sakay.

Ipinagmalaki rin ni Tugade sa isang episode ng #TheVirtualPresser ng Presidential Communications Operations Office noong Hunyo 2021 ang mga malalaking pagbabago sa mga paliparan sa bansa. Ayon kay Tugade, nawala na raw ang mga insidente ng “Laglag Bala” at “Bukas Bagahe”. Ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na noon ay kinilala bilang “world’s worst airport” ay ngayo’y kinikilala na bilang isa sa mga paliparang kinakikitaan ng malaking pag-unlad.

Maliban dito, patuloy din ang pagtatrabaho ng DOTr upang matapos na ang inaabangang MRT-3 Extension project na magpapadali sa biyahe ng mga komyuter mula Kalakhang Maynila patungong Bulacan. Inaasahang mabubuksan ang bagong railway system sa Disyembre 2022.

Halalan 2022

Noong Hulyo 2021 sa isang Panayam sa Bayan ni Duterte, hinikayat niya si Tugade na tumakbong senador sa halalan 2022. Ayon kay Duterte, isa si Tugade sa mga nagpakita ng husay at pagiging bihasa sa kaniyang gabinete. Ang mga nagawa raw ni Tugade bilang kalihim ng DOTr sa loob ng limang taon ay hindi matatawaran. Malaking kawalan daw sa Pilipinas at sa ating gobyerno kung mawawala ang tulad ni Tugade. Alam daw niyang sa mga susunod at nalalabing buwan nito bilang kalihim ng DOTr ay mas marami pa itong magagawa.

Noong Agosto 2021 naman, sinabi ni Tugade na hindi pa siya desidido sa kaniyang pagtakbo sa 2022. Ayon sa isang panayam niya, hintayin na lamang daw ang kaniyang opisyal na pahayag tungkol sa kaniyang mga plano.

Inilabas naman ng PDP-Laban ang mga pangalang opisyal nilang ininonomina sa pagtakbo sa senado noong Setyembre 2021. Kabilang si Tugade sa mga pangalang inilabas ng partido. Wala pang opisyal na pahayag si Tugade kung tatanggapin niya ang nominasyon at tatakbo sa senado sa 2022.

Mga sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.