Artemio Ricarte

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Artemio G. Ricarte, kilala bilang Vibora, ay isang heneral noong panahon ng Rebolusyong Pilipino. Siya ay naging tapat na Katipunero at kasamahan ni Andres Bonifacio, at matapos mamatay ng huli, umanib naman si Ricarte kay Emilio Aguinaldo para sa kalayaan ng Pilipinas laban sa mga Espanyol at Amerikano.

Buhay at Edukasyon

Ipinanganak si Ricarte noong 20 Oktubre 1866 sa Batac, Ilocos Norte at pangalawa sa tatlong anak nina Faustino Ricarte at Bonifacia Garcia.

Matapos na makapag-aral ng elementarya at hayskul sa kanilang probinsiya, pumasok si Ricarte sa Colegio de San Juan de Letran at nagtapos ng Batsilyer sa Sining. Pumasok din siya sa Unibersidad ng Santo Tomas at sa Escuela Normal noong 1889. Nang sumunod na taon, nakuha ni Ricarte ang kaniyang titulo na Maestro de Instruccion Primaria (Teacher of Primary Instruction) at agad na pinadala sa kanilang bayan sa San Francisco de Malabon sa Cavite. Sa anim na taon ng kaniyang pagtuturo, siya ay pinuri at hinangaan ng lokal na awtoridad at maging ng mga opisyal.

Pakikipaglaban

Sa Cavite, sumali rin siya sa Katipunan at ginamit ang alyas na Vibora (Viper), isang ahas na hango sa ebanghelyo ni San Mateo. Dahil dito, naging kilala ang kaniyang pangalan sa lahat ng kampo ng mga rebolusyonista.

Noong 31 Agosto 1896, pinangunahan niya ang pag-atake sa kampo ng mga Espanyol sa San Francisco de Malabon. Matapos ang 19 oras ng pakikipaglaban, nagtagumpay ang grupo ni Ricarte. Siya ay nahalal bilang punong heneral sa hukbo ng Republika noong 1897, hinirang ni Emilio Aguinaldo bilang mayor heneral sa kaniyang hukbo, at naihalal bilang kapitan heneral sa Tejeros Convention.

Nang magsimula ang gyera sa pagitan ng mga Pilipino at Amerikano noong 1899, siya ay naging Pinuno ng Operasyon ng puwersa ng mga Pilipino. Noong Hulyo 1900, sinubukan niyang pasukin ang kampo ng mga kaaway sa Maynila ngunit siya ay nadakip ng mga Amerikano at ipinatapon siya, kasama si Apolinario Mabini, sa Guam.

Noong Pebrero 1903, habang pabalik sa Pilipinas, inudyok ng mga Amerikano na gawin nila ang panunumpa ng katapatan sa Amerika. Dahil sa maysakit na noon si Mabini, isinagawa niya ang panunumpa ngunit tumanggi pa rin si Ricarte. Dahil dito, dinala si Ricarte sa isa pang sasakyan at ipinatapon sa Hong Kong.

Palihim siyang bumiyahe pabalik ng Pilipinas noong Disyembre 1903 at pinaghandaan na buoin muli ang hukbo ng rebolusyon. Ngunit isinuplong siya ng isang Pilipino na nagngangalang Luis Baltazar para sa halagang 10,000 dolyar at dahil dito, siya ay nadakip sa isang sabungan sa Mariveles, Bataan. Noong 1904, siya ay pinaratangan ng subersiyo at nahatulan na makulong sa loob ng anim na taon sa Bilibid.

Pinalaya siya noong 26 Hunyo 1910 ngunit tumanggi pa rin siya na manumpa ng katapatan sa Amerika kaya muli siyang ipinatapon sa Hong Kong. Mula 1 Hulyo 1910 hanggang 1915, nanirahan si Ricarte sa Hong Kong. Mula sa Hong Kong, dinala siya ng kaniyang asawa sa Tokyo at pagkatapos ay sa Yokohama, Japan kung saan siya ay namuhay nang mag-isa.

Nilipad siya pabalik ng mga Hapon sa Pilipinas noong 1941, at sa pagtatapos ng giyera, iniutos ng gobyerno ng Japan na ilikas ang mga may ranggong opisyal sa Japan upang hindi sila mahulog sa kamay ng mga Amerikano. Kabilang dito si Ricarte ngunit siya ay tumanggi. Sinabi niya na na hindi niya maaaring iwan ang mga kapuwa niya Pilipino, lalo na’t nasa panahon sila ng kagipitan.

Si Ricarte ay namatay noong 31 Hulyo 1945 sa Nagpuraon, Kalinga, Mountain Province dahil sa disenteriya.

Mga Sanggunian

  • Filipinos in History. Vol III. Philippine Theater. Manila: National Historical Institute, 1996.
  • Gen. Artemio Vibora Ricarte. (Hinango noong 30 Abril 2008).

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.