Araw ni Balagtas

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Araw ni Balagtas ay taunang ipinagdiriwang sa Pilipinas tuwing Abril 2 bilang paggunita sa araw ng pagkasilang ng dakilang makatang Pilipino na si Francisco Balagtas. Sa ilalim ng Proklamasyon Blg. 1249 na nilagdaan noong 1974, ang Araw ni Balagtas ay kinilala bilang taunang pambansang pagdiriwang. [1]

Tatlong lugar ang may iniuugnay sa pagdiriwang ng Araw ng Balagtas: sa Balagtas, Bulacan; Pandacan, Maynila; at Orion, Bataan. Si Balagtas ay isinilang sa Bigaan (ngayon ay Balagtas); nanirahan at nagtrabaho sa Pandacan; at kalaunan ay nanirahan at namatay sa Orion. Sa Orion siya bumuo ng sariling pamilya at sumulat ng maraming akda. Dahilan ito upang gawing sentro ang Bataan sa pagdiriwang ng Araw ni Balagtas. [2]

Mga Natatanging Programa

Bahagi ng Araw ng Balagtas ang paglulunsad ng Pambansang Kampong Balagtas, pagkilala sa Makata ng Taon, at pagpaparangal sa mga natatanging Dangal ni Balagtas. Ang mga programang ito ay pinangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino.

  • Ang Pambansang Kampong Balagtas ay kumprehensiya ng kabataang manunulat ng tula at sanaysay. Bukas ito sa mga mag-aaral na nasa Baitang 7–11 na kasapi at nagsusulat para sa kani-kanilang pahayagang pampaaralan. Ginaganap ang kumprehensiya sa Orion Elementary School sa Orion, Bataan. [3]
  • Ang Talaang Ginto: Makata ng Taon ay taunang patimpalak na layuning patuloy na pagyamanin ang sining ng pagsulat ng tula. Layunin nitong pasiglahin at pataasin ang uri ng panulaang Filipino sa pamamagitan ng pagkilala sa mga batikan at mga bagong manunulat sa bansa. Ang Makata ng Taon ay unang idinaos noong 1963. Kinilala rin ito noon bilang Talaang Ginto: Gawad Surian sa Tula Gantimpalang Tamayo dahil sa suporta ng Tamayo Foundation. Napalitan ang titulo nito bilang Gantimpalang Collantes noong 1984 dahil naman sa tulong ng Jorge Collantes Foundation. Ilan sa mga kinilalang Makata ng Taon ay sina Joselito Delos Reyes (2013), Ezzard R. Gilbang (2014), Christian Ray P. Pilares (2015), Mark Anthony S. Angeles (2016), Aldrin P. Pentero (2017), Christian Jil R. Benitez (2018), Michael Jude C. Tumamac (2019), at Karl Ivan Dan V. Orit (2020).[4] [5]
  • Ang Gawad Dangal ni Balagtas ay naglalayong parangalan ang mga Pilipinong may natatanging kontribusyon sa ating panitikan. Ang mga nakatanggap na ng parangal ay sina Lamberto E. Antonio (2013), Teodoro T. Antonio (2014),  Rogelio G. Mangahas (2015), Jose F. Lacaba (2016), Lualhati Bautista at Ruth Elynia Mabanglo (2017), Ricardo Lee (2018), Rey Valera at Rody Vera (2019). [6]

Mga Sanggunian

  1. “Proclamation No. 1249, s. 1974.” Official Gazette.https://www.officialgazette.gov.ph/1974/04/01/proclamation-no-1249-s-1974/. Accessed 31 Marso 2021.
  2. “Memorandum Pangkagawaran Blg 13, s. 2014.” Department of Education. https://www.deped.gov.ph/wp-content/uploads/2014/02/DM_s2014_013.pdf. Accessed 31 Marso 2021.
  3. “Pambansang Kampong Balagtas 2019.” Komisyon sa Wikang Filipino. https://kwf.gov.ph/pambansang-kampong-balagtas-2019/. Accessed 31 Marso 2021.
  4. “Hihiranging Makata ng Taon 2020, gagawaran ng P30,000.” Rappler, 27 Disyembre 2019. https://www.rappler.com/bulletin-board/talaang-ginto-makata-ng-taon-2020. Accessed 31 Marso 2021.
  5. Caitlin Dayne A. Contreras, Bea Angeline P. Domingo. “Tomasino, hinirang na Makata ng Taon sa Talaang Ginto 2020 ng KWF.” Varsitarian, 18 Mayo 2020. https://varsitarian.net/filipino/20200518/tomasino-hinirang-na-makata-ng-taon-sa-talaang-ginto-2020-ng-kwf
  6. Catherine Teves. “2 showbiz writing masters to receive KWF award.” Philippine News Agency, 30 Marso 2019. https://www.pna.gov.ph/articles/1065995. Accessed 31 Marso 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.