Araw ng Republikang Filipino, 1899

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Historical marker na matatagpuan sa Malolos, Bulacan

Ang Araw ng Republikang Filipino, 1899 ay taunang paggunita sa pagpapasinaya ng Unang Republika ng Pilipinas, kilala ring Republikang Malolos, noong 23 Enero 1899. Ang paggunita sa makasaysayang pangyayaring ito ay nagsimula noong 2013 nang lagdaan ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III ang Proklamasyon Bilang 533 noong 9 Enero sa taon ding iyon. Sa bisa ng proklamasyong ito, ginunita noon ang ika-114 Anibersaryo ng Unang Republika ng Pilipinas.

Ang Katipunan

Maaaring maugat ang Unang Republika sa Unang Sigaw sa Pugadlawin ng Katipunan na pinangunahan ni Andres Bonifacio noong 26 Agosto 1896. Gayunman, dahil sa mga hindi pagkakaunawaan at mga politikal at personal na adyenda, nagkaroon ng mga paksiyon ang samahan. Upang pagkaisahin ang mga ito, idinaos noong 22 Marso 1897 ang Kumbensiyong Tejeros, ang pagpupulong ng Magdiwang (partido ni Bonifacio) at Magdalo (partido ni Emilio Aguinaldo). Isinagawa rito ang unang botohan sa pagpili ng pangulo ng KKK upang magkaroon ng bagong gobyerno.Dito pinagtaksilan ng ilang miyembro si Bonifacio sapagkat ang botohan ay ginanap sa Cavite, na sakop ng partido ni Aguinaldo.

Isang Republika

Ang Republikang Malolos ang umiral na pamahalaan matapos mapagtibay ng Kongreso ng Malolos ang Konstitusyon noong 29 Nobyembre 1898, na pormal na ipinakilala sa publiko noong 23 Enero 1899 sa Simbahan ng Barasoain sa Malolos, Bulacan. Sa ilalim ng republika, ang Pamahalaan ng Pilipinas ay nahahati sa tatlong sangay na may pantay-pantay na kapangyarihan—ang ehekutibo, lehislatura, at hudikatura.

Ito ang unang republikang itinatag sa buong Asya.

Sa 2022, nakatakdang gunitain ang ika-123 anibersaryo ng Araw ng Republikang Filipino.

Mga Sanggunian

  • “Araw ng Republikang Filipino, 1899.” Official Gazzette. https://www.officialgazette.gov.ph/araw-ng-republikang-filipino-1899-2/. Accessed 20 Disyembre 2021.
  • Marco B. Lagman, ed. Galileo S. Zafra. “Republikang Malolos.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  • Lolito Nunag, ed. Virgilio S. Almario. “Kumbensiyong Malolos.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.