Apolinario Mabini

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Apolinario Mabini
Kaarawan: 23 Hulyo 1864
Tanauan, Batangas
Kamatayan: 13 Mayo 1903
Maynila
Ibang pangalan: Dakilang Lumpo, Utak ng Rebolusyon
Propesyon: Punong Ministro at Kalihim Panlabas ng Unang Republika ng Pilipinas

Si Apolinario Mabini (23 Hulyo 1864–13 Mayo 1903) ay kinikilala bilang “Utak ng Himagsikang Pilipino” at “Dakilang Lumpo.” Tinatawag siyang “dakila” dahil sa kabila ng kaniyang kapansanan ay nagawa pa rin niyang maglingkod sa bayan. Hindi naging hadlang ang pisikal na limitasyon ni Mabini sa paglaban para sa kalayaan ng mga Pilipino.

Ang tubong Tanauan, Batangas na si Mabini ay ikalawa sa walong anak nina Inocencio Mabini at Dionisia Maranan. Ang kaniyang ama ay dating cabeza de barangay sa maliit na baryo ng Talaga. May sakahan ang pamilya na itinataguyod ng buong mag-anak.  

Edukasyon

Ang kaniyang ina ang unang guro ni Mabini. Nais ng kaniyang ina na siya ay magpari ngunit mas gusto ni Mabini na maging abogado. Iniaalay niya ang La Revolucion Filipino sa kaniyang ina at pinarangalan ang walang kapantay na pagsasakripisyo ng ina para sa kanilang pamilya.

“Sapagkat malubha ang iyong karalitaan at sa hangad mong matustusan ang aking pag-aaral, ibinuhos mo ang iyong sarili sa paghahanapbuhay, di-pansin ang araw ni ang ulan, hanggang sa dinapuan ka ng karamdamang naghatid sa iyo sa hukay.” - Sipi ng salin ni Michael G. Coroza, Ang Rebolusyong Filipino ni Apolinario Mabini

Noong hindi pa pumapasok sa paaralan, si Mabini ay malimit turuang magbasa at magsulat ng kaniyang lolo na si Juan Maranan, isang tanyag na guro sa Tanauan. Sa sentro ng bayan ng Tanauan nag-aral sa primaryang antas si Mabini.

Nang magsimula si Mabini na mag-aral sa sekundaryang antas, nakitaan siya ng kahusayan sa pagbabasa at pagsasaulo ng mga aralin. Sa kaniyang ikaapat na taon, lumipat siya sa Colegio de San Juan de Letran, sa Intramuros, upang tapusin ang pag-aaral. Doon niya ipinamalas ang angking husay sa matematika. Bunga ng kakapusan sa salapi, hindi agad nakapagpatuloy si Mabini sa kolehiyo.

Noong 1884, tumungo muli si Mabini sa Maynila upang mag-aral ng pilosopiya sa Unibersidad ng Santo Tomas. Habang nag-aaral, nagtrabaho siya bilang tutor para makabayad ng mga gastusin, tulad ng renta sa kaniyang tinutuluyan.

Noong Marso 1887, nagtapos siya ng Batsilyer ng Arte sa Pilosopiya sa markang sobresaliente. Gayundin ang pagkakaroon ng sertipiko sa pagtuturo na may titulong profesor de segunda enseñanza. Nang sumunod na taon, nag-aral si Mabini ng abogasya sa parehong unibersidad. Nagtapos siya ng pagaaral noong 1894, at sa sumunod na taon ay naging isang lisensiyadong abogado.

Noong 1895, matapos maipasa ang pagsusulit upang magkaroon ng lisensiya, si Mabini ay naging isang ganap na abogado at kasapi ng Colegio de Abogados sa Maynila.

La Liga Filipina

Si Mabini ay naging kasapi ng La Liga Filipina, na itinatag ni Jose Rizal noong 3 Hulyo 1892 sa Tondo. Naging aktibo siya sa kilusang propaganda. Kasapi rin dito si Andres Bonifacio.

Nang ipatapon sa Dapitan si Rizal noong 7 Hulyo 1892, itinatag din sa araw na iyon ang Katipunan sa pangunguna ni Bonifacio sa isang bahay sa Kalye Azcarraga (kasalukuyang C.M. Recto), Maynila. Ngunit sa pagkakataong iyon, hindi sumapi si Mabini sa Katipunan.

Sa kabilang banda, tinangka pa rin ng mga kasapi ng La Liga Filipina na panatilihin ang samahan at hinirang si Mabini bilang Kalihim ng Kataas-taasang Konseho. Gayunman, hindi pa rin nagtagal ang samahan at sinasabing nawalan ng gana sa pag-aambagan ang mga kasapi nito sa paniniwalang hindi naman pinapansin ng pamahalaan ang kanilang mga panawagan na nailalathala sa La Solidaridad.

Makaraan ang dalawang taon, si Mabini ay nagkasakit at nalumpo.  

Nang sumiklab ang Himagsikang Pilipino noong 1896, pinanghinalaan si Mabini na kasapi ng Katipunan kaya siya ay hinuli. Gayunman, hindi siya binilanggo dahil sa kaniyang sakit.

Politika, Paninindigan, at Kamatayan

Dahil sa talino at husay, hinirang siya ni Heneral Emilio Aguinaldo bilang tagapayo at punong ministro nang maitatag niya ang Unang Republika ng Pilipinas sa Konstitusyon ng Malolos noong 21 Enero 1899. Si Mabini ang nagsulat ng mga kautusan, pahayag pambansa, at iba pang kasulatan para kay Aguinaldo.

Nang sumiklab ang Digmaang Pilipino-Amerikano, hindi nagpatinag si Mabini kahit siya ay lumpo. Hindi rin siya napilit manumpa ng katapatan sa watawat ng Amerika. Nagpatuloy siya sa pagsusulat laban sa bagong mananakop. Dahil dito, siya ay dinakip at ipinatapon sa Guam, kung saan natapos niyang sulatin ang La Revolucion Filipina, na naglalaman ng mga pagsusuri niya sa pagsisimula ng Himagsikan.

Makalipas ang dalawang taon, pinabalik na siya sa Pilipinas at inalok na magtrabaho sa ilalim ng pamahalaang Amerikano. Nanindigan pa rin siya na hindi magpapasailalim sa mga Amerikano.

Si Mabini ay namatay noong 13 Mayo 1903 sa Maynila dahil sa kolera.  

Bilang Modelo

Isang magandang modelo si Mabini para sa mga taong may kapansanan (person with disability o PWD) kaya naman ipinangalan sa kaniya ang Apolinario Mabini Awards noong 1974. Ang mga pinapangaralan dito ay ang mga may kapansanan, pinuno o empleyado ng pamahalaan, o ahensiya ng pamahalaan na nakapagambag para sa kapakanan ng mga may kapansanan.

Kabilang ang sumusunod na kategorya sa Apolinario Mabini Awards: Disabled Filipino of the Year; Special Disabled Filipino of the Year; Disabled Group of the Year; Employer of the Year; Mabini Presidential Awardee; Special Mabini Presidential Award for PWD Rights-Based Advocacy; Rehabilitation Volunteer of the Year; at Media Advocate of the Year. Ang pangulo ng Pilipinas ang nangunguna sa pagpaparangal nito.

Noon ding 1974, ipinagtibay ang taunang Gawad Mabini na kumikilala sa mga natatanging Pilipino sa ibang bansa na nakapag-ambag sa promosyon at interes ng Pilipinas. Tumagal ang pagpaparangal na ito hanggang 2012.

Dagdag na Kaalaman

Habang nakapiit sa Guam, nakapagsulat si Mabini ng sariling bersiyon ng Florante at Laura ni Francisco Balagtas. Ayon sa mga tala, naisulat niya ito batay sa naisaulo niyang awit.

Mga Sanggunian

  • Dr. Robert L. Yoder. “Mabini: Wounded Hero.” August 24, 1998, https://www.univie.ac.at/ksa/apsis/aufi/history/mabini.htm. Accessed 29 Hunyo 2021.
  • Phillip Y. Kimpo Jr., ed. Virgilio S. Almario. “Apolinario Mabini.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.
  • Michael M. Coroza (salin). Ang Rebolusyong Filipino ni Apolinario Mabini. Quezon City: Komisyon sa Wikang Filipino, 2015.
  • Philippine Foundation for the Rehabilitation of the Disabled, Inc. “Apolinario Mabini Awards.” https://pfrd.org.ph/apolinario-mabini-awards. Accessed 22 Marso 2021.
  • Official Gazette of the Republic of the Philippines. “Gawad Mabini.” https://www.officialgazette.gov.ph/gawad-mabini/. Accessed 29 Hulyo 2021.
  • Balagtas, Francisco. Florante at Laura. editor, Almario, Virgilio S. Quezon City: Adarna House, Inc. 2003.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.