Apo

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang apò, binibigkas nang malumi o malumanay ngunit may impit sa huling pantig, ay tumutukoy sa pinakamatandang lalaki na kasapi ng isang pamilya. Sa isang angkan, itinuturing na mayaman sa kaalaman at karanasan ang kanilang apò. Itinuturing ding apò ang pinakamatatandang kasapi ng pamayanan. Siya ay ginagalang at pinakapupuri sa kanilang lugar.

May mga lugar rin sa Pilipinas na ang pangalan ay mauugat sa salitang “apò.” Halimbawa nito ang Lungsod Olongapo na pinaniniwalaang nagmula sa salitang “ulo ng apò.” Matatagpuan sa lungsod ang malaking rebulto na tinatawag na “Ulo ng Apo” na nagsisilbing sagisag mga nagkakaisang mamamayan nito.

Isa ring bantog na lugar ang Bundok Apò na sinasabing ipinangalan kay Apò Sandawa, pangunahing diyos at pinaniniwalaang pinagmulan ng dakilang lahi ng mga Bagobo.

Isa pang bantog na tao na binigyan ng ganitongf titulo ay ang dating Pangulong Ferdinand E. Marcos. Siya ay tinatawag na Apo Marcos ng mga taong naniniwala sa kaniya, lalo na ng mga Ilokano, dulot ng mga naitulong niya sa mga kapuwa Ilokano noong siya ay pangulo pa ng bansa.

Sanggunian

“Apò.” Sagisag Kultura. https://philippineculturaleducation.com.ph/apo/. accessed 31 Mayo 2022.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.