Antonio Trillanes IV

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Sonny Trillanes.jpg

Si Antonio Fuentes Trillanes IV (isinilang noong 6 August 1971), kilala rin bilang Sonny Trillanes,  ay isang retiradong opisyal ng Philippine Navy at nagsilbing senador ng Pilipinas noong 2007 hanggang 2019.

Naging matunog ang pangalan ni Trillanes dahil sa pagkakasangkot niya sa Oakwood mutiny noong 2003 at sa Manila Peninsula siege noong 2007 bilang protesta sa pamumuno ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Kumandidato si Trillanes sa pagka-bise presidente noong 2016 ngunit nabigo.

Sa kasalukuyan, kilalang malaking kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte si Trillanes. Isa rin siya sa mga unang nagpahayag ng suporta kung tatakbo si Bise Presidente Leni Robredo sa halalan 2022. Isa rin si Trillanes sa pinagpipilian ng 1Sambayanan na maaaring maging pambato nila sa halalan 2022.

Personal na buhay

Ipinanganak si Antonio “Sonny” Trillanes IV noong 6 Agosto 1971. Siya ay anak nina Capt. Antonio F. Trillanes Sr. mula sa Ligao City, Albay at Estelita Dia Fuentes mula sa Capiz. Lumaki si Trillanes sa Lungsod Caloocan. Siya ay mayroong apat na kapatid.

Unang pumasok si Trillanes sa De La Salle University at kumuha ng digri sa Electronics and Communications Engineering noong 1987. Noong 1991 ay pumasok siya sa Philippine Military Academy (PMA). Nagtapos siya bilang cum laude noong 1995 sa digring Naval Systems Engineering.

Noong 2002, pumasok si Trillanes sa University of the Philippines at kumuha ng masters degree sa Public Administration major in Public Policy and Program Management. Nakatanggap si Trillanes ng dalawang University Scholar Awards dahil sa pagtatala ng GPA na 1.0 hanggang 1.25 at isang College Scholar Award dahil sa pagkakamit ng GPA na 1.25 hanggang 1.50.

Si Trillanes ay ikinasal kay Arlene G. Orejana, isang graduate din ng PMA, at nagkaroon sila ng tatlong anak na sina Francis Seth, Thea Estelle, at Alan Andrew. Gayunman, binawian ng buhay si Alan Andrew 20 araw matapos itong ipanganak dahil sa isang sakit.

Noong Pebrero 2020, inilabas ni Trillanes ang kaniyang vlog na TRx: Trillanes Explains upang sagutin ang mga isyung ibinabato sa kaniya at magpatuloy sa pagbibigay ng mga kritisismo sa pamahalaan. Dito rin niya inanunsiyong siya ay nagpositibo sa COVID-19 noong Agosto 2020 at gumaling din kalaunan.

Karera bilang militar

Pagkatapos ng kaniyang pag-aaral sa PMA, pumasok si Trillanes sa iba’t ibang trabaho sa barko tulad ng mess and supply officer, deck and gunnery officer, engineering and damage control officer, executive officer, at naging acting commanding officer ng patrol gunboat.

Sa kaniyang limang taong pagtatrabaho sa barko, nakahuli si Trillanes at kaniyang mga kasama ng smuggler, illegal loggers, iligal na mangingisda, at iba pang lumalabag sa batas sa mga karagatan ng Batanes, Ilocos, Zambales, Quezon, Cebu, Zamboanga Peninsula, Basilan, Tawi-tawi, at iba pang bahagi ng Pilipinas.

Isa sa mga pinakamalaking kaganapan sa kaniyang karera bilang militar ay ang mapanganib na search and rescue operation para sa mga pasehero ng M/V Princess of the Orient sa kalagitnaan ng super typhoon Vicki noong 1998. Nakapagligtas si Trillanes at mga kasamahan ng 32 indibidwal. Kasama rin si Trillanes sa ilang operasyon sa pagtugis sa mga teroristang grupo tulad ng Abu Sayyaf.

Oakwood mutiny

Noong 2003, si Trillanes bilang lieutenant sergeant, kasama ang kapitan ng Army na si Gerardo Gambala at 321 na junior at enlisted na tauhan ng Army, ay nagsagawa ng pag-aalsa laban sa administrasyong Arroyo. Tinawag nila ang kanilang mga sarili na mga “Bagong Katipunero” o mas kilala rin bilang Magdalo group. Sinakop nila ang Oakwood Premier Ayala Center (na ngayon ay Ascott Makati). Hindi nagtagal ang pag-aaklas at nagwakas matapos ang 18 oras. Naaresto sina Trillanes at nakulong sa loob ng halos pitong taon.

Manila Peninsula siege

Noong 29 Nobyembre 2007, sina Trillanes, Brigadier General Danilo Lim, at 25 pang ibang akusado dahil sa Oakwood mutiny ay umalis bigla sa kanilang paglilitis at nagpunta sa Manila Peninsula Hotel. Sinakop nila ang hotel bilang protesta at panawagan kay Arroyo na magbitiw na sa puwesto. Sinamahan sila ni dating bise presidente Teofisto Guingona Jr. at tinawag ang pangyayaring ito bilang “bago EDSA”.

Tumagal lamang ang pag-aaklas ng anim na oras dahil napasok ng mga sundalo at pulis ng pamahalaan ang hotel. Sumuko sina Trillanes upang wala umanong buhay na mabuwis. Dinakip din ang ilang mamamahayag ngunit pinalaya rin kalaunan matapos mapatunayang walang kinalaman sa pag-aaklas.

Karera bilang politiko

Naghain ng kandidatura si Trillanes para sa halalan 2007 bilang isang kandidatong independent. Gayunman, tinanggap niya ang imbitasyon mula sa Genuine Opposition bilang isang guest candidate laban sa mga pambato ng administrasyong Arroyo. Nanalo si Trillanes at ipinroklama ng COMELEC bilang bagong senador ng Pilipinas kahit nasa piitan.

Noong 23 Hulyo 2007, umapela si Trillanes sa Makati Regional Trial Court (RTC) na payagan siyang gampanan ang kaniyang trabaho bilang senador kahit nasa kulungan at payagan siyang dumalo sa SONA ngunit hindi napagbigyan.

Noong 17 Oktubre 2007 naman, inutusan ng Korte Suprema ang hurado mula sa Makati RTC na si Oscar Pimentel na magbigay ng komento sa petisyong ito ni Trillanes ngunit natabunan dahil sa ginawang Manila Peninsula siege.

Noong Disyembre 20, 2010, pinalaya si Trillanes at kalaunan ay binigyan ng amnestiya ni Pangulong Benigno S. Aquino III.

Muling tumakbo bilang senador si Trillanes noong halalan 2013 sa ilalim ng Nacionalista Party at nanalong muli. Sa ika-17 Kongreso, si Trillanes ang naging pinakamasipag na senador at nakapaghain ng 232 panukalang batas noong 2018.

Noong halalan 2016, tumakbo si Trillanes bilang bise presidente ng Pilipinas. Tumakbo siya bilang kandidatong independent ngunit inendorso si senadora Grace Poe.

Nabalot ng kontrobersiya ang pagtakbo ni Trillanes nang iugnay sa mga campaign ad na lumabas kontra kay pangulong Duterte. Sinabi ng kampo ni Duterte na ito ay ‘black propaganda.’ Naghain ng petisyon ang running mate ni Duterte na si Alan Peter Cayetano sa Taguig RTC upang ihinto ang pag-ere ng mga ad na ito at napagbigyan naman sa bisa ng isang TRO.

Nabigo si Trillanes na manalo bilang bise presidente matapos makatanggap ng higit 800,000 na boto.

Nagpaabot din si Trillanes ng interes sa pagtakbo sa halalan 2022 kung mapipili siya ni Robredo bilang kayang bise presidente. Sina Robredo at Trillanes kasi ang napipisil ng 1Sambayanan na pambato sa halalan. Hindi raw handa si Trillanes na tumakbo ngunit kung mapipili siya ni Robredo bilang katambal sa pagtakbo, maghahanda raw siya.

Bilang kritiko ni Duterte

Isa si Trillanes sa mga naging pinakamalaking kritiko ni Duterte. Isa sa mga naging akusasyon ni Trillanes ay ang pagkakaroon ng lihim na bank account ni Duterte sa BPI Julia Vargas branch na naglalaman di umano ng ₱211 milyon. Hinamon ni Trillanes si Duterte na ipakita ang laman ng account na ito at sumang-ayon naman si Duterte kung may maipakikita raw na dokumento si Trillanes tungkol sa kaniyang mga alegasyon.

Dumating sa BPI Julia Vargas branch si Salvador Panelo, abogado ni Duterte, at si Trillanes. Gayunman, walang naipakitang record ang magkabilang panig kahit na may dalang special power of attorney si Panelo para ipakita ang balance ng account ni Duterte.

Nagpatuloy ang pagpuna ni Trillanes kay Duterte kabilang ang usapin sa giyera kontra droga, agawan ng teritoryo laban sa China, at maging sa panahon ng pandemya. Dahil dito, sinubukan ni Duterte na buhayin ang mga dating kaso at magsampa ng ibang kaso kay Trillanes kabilang ang sedisyon, libelo, estafa, at obstruction of justice. Noong 10 Pebrero 2020, isa si Trillanes sa mga idinawit ni Duterte sa isa umanong planong pag-aaklas laban sa kaniya.

Noong 31 Agosto 2018, nilagdaan ni Duterte ang Proclamation No. 572 na pinapawalang bisa ang amnestiya ni Trillanes. Sinabi ni Duterte na dapat pag-aralan muli ng Department of Justice at ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na pag-aralan ang mga kasong nakahain kay Trillanes dahil sa Oakwood mutiny at Manila Peninsula siege. Inihayag naman ni Trillanes na hindi siya natatakot kay Duterte.

Noong Setyembre 2018, naglabas ang DOJ ng hold departure order laban kay Trillanes. Sinabi ng mga nasa opisiyon at mga tagasuporta ni Trillanes na malinaw na ang pagbawi ng amnestiya ni Trillanes ay isang indikasyon ng pagganti ni Duterte. Noong 22 Oktubre 2021, naglabas ng pasya ang Makati RTC na nagpapawalng bisa sa kagustuhan ng pamahalaan na arestuhin si Trillanes dahil na-dismiss na ang kasong kudeta laban sa senador noong 21 Setyembre 2011 at ito ay hindi na maaaring baguhin.

Mga sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.