Anting-Anting

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang anting-anting ay isang talisman na pinaniniwalaang naglalaman ng kakaibang kapangyarihan. Sa paniniwala ng mga katutubo, ang anting-anting ay nagbibigay ng proteksiyon o gabay sa nagmamay-ari nito laban sa panganib, karamdaman, o kamatayan. May iba't ibang katawagan dito: para sa mga Ilokano, ginam-mol o galing-galing; mutya o agimat sa Tagalog; likit sa mga Waray; odom sa mga Bikolano, at adimat naman sa mga Muslim. Tinatawag din itong talisman.

Paraan ng Pagkakaroon

May mga iba't ibang paraan upang magkaroon ng anting-anting ngunit hindi ito kasing dali ng simpleng pagbili lamang nito. Karamihan sa mga anting-anting na nabibili sa mga bangketa ay walang kapangyarihan o walang bisa, ito ay dahil ang mga anting-anting, bukod sa mahirap makuha, ay bibihira. Ang pinakamadaling paraan upang makakuha ng anting-anting ay kapag ibinigay ito ng dating nagmamay-ari nito sa ibang tao. Mayroon din namang nagsasabi na upang makakuha nito kailangang matalo ang isang higanteng espiritu sa paraan ng pakikipaglaban na tanging kamay lamang ang ginagamit. Mayroon din namang naniniwala na ito ay makukuha sa pamamagitan ng paglulon ng kristal na patak mula sa puso ng saging, sa kalagitnaan ng gabi. Maraming paraan sa pagkuha ng anting-anting ngunit ang pagnanakaw nito mula sa may-ari ay hindi makabubuti. Kapag ang isang anting-anting ay kinuha nang sapilitan sa may-ari nito o hindi alam ng may-ari na nawala ito, ang anting-anting ay mawawalan ng bisa, kaya ang pagnanakaw nito ay walang magiging silbi.

Pinagmumulan ng Kapangyarihan

Ang mga anting-anting ay pinaniniwalaang makapangyarihan. Bukod pa sa pinanghahawakang talisman, may kalakip din ang marami sa mga anting-anting na mga dasal at orasyon. Ang mga dasal na ito ang nagpapadali sa may-ari ng anting-anting na tawagin ang mga puwersang nagbibigay kapangyarihan dito. May kakayahan itong tawagin ang mga anghel, demonyo at iba pang mga elemento na nasasakop ng orasyon upang tulungan ang may hawak dito sa mga panahon ng kagipitan.

Iba't ibang Uri

May iba't ibang uri ng anting-anting. Pinakapangkaraniwan na uri nito ay ang mga metal na palawit sa kuwintas. Maaari din namang mga tattoo kagaya ng kay Nardong Putik o mga piraso ng papel na may orasyon, samantalang ang ilan ay hindi nangangailangan ng anomang simbolo. Isang uri ng anting-anting ang tinatawag na hiyas, isang talisman na makukuha mula sa mga makapangyarihang bagay mula sa kalikasan. Isa ring uri ng anting-anting ang tinatawag na mutya, na buhat sa mga halaman kagaya ng mga puno ng saging at niyog. May iba’t ibang anyo rin ito. Maaring ngipin ng buwaya o ahas, kakaibang bato, sungay ng guinea na ibon, kakaibang ugat, gulugod ng balyena, palikpik ng pating, at kung ano-ano pang bagay na kakaiba ang itsura at may kakatwang pinagmulan.

Iba’t ibang Kapangyarihan

Ang mga anting-anting ay may iba’t ibang gamit ayon sa nais ng may-ari nito. May mga anting-anting na ginagamit bilang pampasuwerte para sa mga nagsusugal at mangangalakal, o kaya naman ito ay maaaring magamit bilang gayuma para sa pag-ibig. Maaari din itong maging proteksiyon sa anomang masasamang elemento, sa sinomang kaaway, o kaya sa karamdaman. Puwede ring maprotektahan nito ang may hawak mula sa bala o maglaho na lang bigla kung kailan naisin. Minsan, ito rin ay pinagmumulan ng kakaibang kakayahan kagaya ng panghihilot, panghuhula, o pangungulam.

Mga Miskonsepsyon

Maraming mga maling paniniwala ukol sa anting-anting, isa na rito ay ang paniniwala na kasama sa mga kapangyarihan ng anting-anting ang pagbibigay ng tamang mga numero para sa sweepstakes. Bagaman ito ay nagdadala ng suwerte, hindi nagbibigay ng eksaktong kombinasyon ng mga mananalong numero. Isa pa ay ang pag-iisip ng marami na kapareho nito ang relihiyon. Ang anting-anting at ang pananalig sa relihiyon ay dalawang magkaibang bagay, bagaman pareho silang nagbibigay ng proteksiyon sa mga taong naniniwala dito, ang dalawa ay nakapaloob sa magkaibang konteksto. Maaaring sabihin na ginamit lamang ng mga dayuhang mananakop ang paniniwala ng mga tao tungkol sa anting-anting upang madaling matanggap ng mga ito ang relihiyong ipinapakilala nila.

Mga Sanggunian

  • Jaime T. Licauco. “Where did ‘anting-anting’ come from?” Philippine Daily Inquirer, 19 Mayo 2015. https://lifestyle.inquirer.net/193499/where-did-anting-anting-come-from, Accessed 9 Marso 2021.
  • Gladys Pino. “The power of amulets.” Philippine News Agency, 15 Abril 2019. https://www.pna.gov.ph/articles/1067307. Accessed 9 Marso 2021.
  • Ramon Aboitiz Foundation Inc. “Anting-Anting and the Revolution in the Visayas.” Esquire Magazine, 3 Oktubre 2020. https://www.esquiremag.ph/culture/anting-anting-and-the-revolution-in-the-visayas-adv-con-pr. Accessed 9 Marso 2021.
  • Giancarlo Abrahan, ed. Galileo S. Zafra. “Agimat.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.