Ang Panahon ng Noli Me Tangere

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Noli Me Tangere ay isang mahalagang handog ni Jose Rizal para sa Pilipinas na nailimbag noong 1887 sa Berlin, Germany. Masining at makatotohanan niyang inilarawan ang tunay na kalagayan ng bansa sa pamamagitan ng kaniyang panulat.

Nobelang Pampolitika

Ang Noli Me Tangere ay itinuturing na political novel o nobelang pampolitika na nagsasalaysay ng mga makatotohanang pangyayari sa bansa noong panahon ng pananakop ng mga Espanyol. Sa paniwala ni Rizal, napapanahon ang kaniyang nobela dahil nakita niya ang pangangailangan ng mga Pilipino sa pagkamit ng mga reporma at pagbabago.

Isang katangian ng nobelang pampolitika ay may kakayahan ang may-akda na tuligsain ang kasalukuyang sistema ng pamahalaan. Ang Noli Me Tangere ay batay sa totoong buhay na hinaluan ni Rizal ng kaniyang mga ideolohiya at komentaryo tungkol sa kaniyang pananaw sa lipunan at politika. Ipinahayag ni Rizal ang kaniyang paniniwalang pampolitika sa wika at anyo ng panitikan (Almario, 2008)

Sa nobela, iminumulat ni Rizal ang kamalayan ng mga mambabasa upang gisingin sa kanilang pagkatao ang pagiging makabayan.

Bagong Lipunan

Ginamit din ni Rizal ang Noli Me Tangere upang bumuo ng balangkas ng kaniyang pinapangarap na lipunan o utopia. Ang utopia ay isang piksiyonal na lugar kung saan ang lahat ng bagay ay halos perpekto, lugar na imposibleng magkatotoo. Patunay rito ang nobela ni Rizal na ipinakita ang pagkabigo sa pagkamit ng mga reporma.

“Naniniwala akong hindi ka nagkulang sa katwiran nang sabihin mong dapat sikapin ng hustisya ang kagalingan bilang gantimpala at kabutihan, gayundin ang pagtuturo sa mga kriminal. Kaya lamang... imposible ito. Utopiko,” tugon ni Crisostomo kay Elias.

Kaugnay rito, bago pa man patawan ng parusang kamatayan si Rizal, nagplano na siya na manirahan sa Borneo bilang malayang tao. Ninais niyang isama ang kaniyang mga kababayan mula sa Calamba at mga kaibigan mula sa Batangas na nawalan ng mga lupain at manirahan sa isang lugar sa Borneo kung saan tatawagin niya itong “Bagong Calamba.”

Paninindigan ng Bayani

Maraming Pilipino ang nabuhayan ng pag-asa nang mabasa nila ang nobela ni Rizal. Gayunman, marami rin ang tumuligsa kay Rizal kabilang na ang manunulat na Espanyol na si Vicente Barrantes na pumuna at naninira kay Rizal bilang isang nobelista at Pilipino. Ipinahayag niyang maraming kontradiksiyon sa nilalaman ng nobela ni Rizal.

Tinugunan ni Rizal ang mga paninira ni Barrantes sa pamamagitan ng isang liham na nailathala sa La Solidaridad noong Pebrero 1890. Inamin niyang isang satire o panunudyo ang Noli Me Tangere na nagsisiwalat ng mga katotohanan laban sa pamumuno ng mga Espanyol. Ipinahayag din niya ang nagaganap na korapsiyon kaya isinulat niya ang nobela upang maisalba ang anomang natitira para sa mga Pilipino at managot ang mga dapat managot.

Mga Sanggunian

  • Almario, Virgilio S. Si Rizal: Nobelista. Quezon City: UP Press, 2008.
  • National Historical Commission of the Philippines. Jose Rizal: Political & Historical Writings. Manila: NHCP, 2011.
  • M. Rajaretnam. Jose Rizal and the Asian Renaissance. Manila: Institut Kajian Dasar, Solidaridad Publishing House, 1996.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.