Ang Panahon ng El Filibusterismo

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Noong 18 Setyembre 1891 ay nailathala sa Europe ang ikalawang nobela ni Jose Rizal—ang El Filibusterismo. Mula sa Europe ay nakarating ito sa Pilipinas na may hatid na balakid at hamon sa paghahari ng Spain; may hatid na pag-asa sa mga Pilipinong naghihintay ng katarungan at kalayaan; at may hatid na pangamba at takot para sa pamilya ng may-akda.

Sino ang Filibustero?

Ang panahon ni Rizal ay panahon ng paghahari ng mga Espanyol sa Pilipinas. Ang pagsulat ng mga nobela (kasama na ang Noli Me Tangere) ang kaniyang naging paraan upang mailantad kung ano ang katotohanan sa panahong iyon, tulad ng pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga namumuno at kawalan ng katarungan sa mga sawimpalad.

Ang Filibusterismo ang literal na salin ng pamagat ng nobela ni Rizal. Tumutukoy ang filibusterismo sa mga gawain ng isang filibustero. Noong ika-19 dantaon, tinatawag na filibustero ang isang taong may layuning manghimok ng pag-aalsa, na maaaring nasa isang mapanlinlang na paraan. Dahil hayagang ipinakita ni Rizal ang masasamang gawain ng mga prayle sa nobela, dinakip siya noong 1892 (pagkabalik niya sa Pilipinas) at ipinatapon sa Dapitan.

Pansariling Karanasan

Kung pagbabatayan ang mga ulat pangkasaysayan hinggil sa mga pahayag ni Rizal ukol sa kaniyang nobela, maaaninag na higit na personal sa kaniya ang El Filibusterismo. Mababasa kasi sa nobela ang kaniyang mga personal na karanasan, tulad ng kuwento tungkol sa lupaing sinasaka ng pamilya ni Kabesang Tales na maiuugnay naman sa isinampang kaso noon ng mga Dominikano sa mga naninirahan at nagsasaka sa Hacienda de Calamba (kabilang dito ang pamilya ni Rizal).

Patunay rito ang huling bahagi ng Kabanata 10 na pinamagatang “Karangyaan at Karalitaan” kung saan binanggit ni Rizal ang mga pangalan ng ilang “Kabesang Tales” sa Calamba.

Sakripisyo para sa Bayan

Inialay rin ni Rizal ang kaniyang nobela sa tatlong paring martir na binitay ng mga Espanyol noong 1872. Labing-isang taon lamang si Rizal nang maganap ang pagbitay. Maaaring naapektuhan siya sa pangyayaring ito dahil sinasabing malapit sa kaniyang kuya na si Paciano Rizal si Padre Burgos, pinakabata sa tatlong binitay na pari.

Pagkaraan ng labing-siyam na taon mula nang mabitay ang tatlong paring martir ay nailathala ang El Filibusterismo. Pagkaraan pa ng limang taon, naganap ang “Unang Sigaw” ng mga Katipunero upang ipahayag ang kanilang panghihimagsik laban sa Spain (Agosto 1896), at pagkaraan lamang ng tatlong buwan ay hinatulan ng kamatayan si Rizal (30 Disyembre 1896) na higit na nagpaalab sa damdaming mapanghimagsik ng mga Pilipino.

Mga Sanggunian

  • Almario, Virgilio S. “Si Rizal: Nobelista (Pagbasa sa Noli at Fili Bilang Nobela).” Quezon City: The University of the Philippines Press, 2008.
  • Jose Rizal, Almario, Virgilio S. (salin). El Filibusterismo.” Quezon City: Adarna House, 1998.
  • Vicente L. Rafael. “Foreignness and Vengeance: On Rizal's El Filibusterismo (2002).” https://escholarship.org/uc/item/4j11p6c1. Accessed 27 Abril 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.