Ang Matsing sa Pabulang Pilipino

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

“Matalino man ang matsing, napaglalamangan din.” Ito ay isa sa mga popular na kasabihang Pilipino na may kaugnayan sa ating pang-araw-araw na pamumuhay. Ang pagiging matalino ay isa sa mga katangian na may positibong kahihinatnan. Gayunman, kung ito ay gagamitin upang lamangan ang kapuwa ay nakapagdudulot ito ng pinsala sa tao. Ganito ang nangyari kay Matsing na isang popular na tauhan sa pabulang Pilipino.

Bilang Kuwentong-bayan

Pabula ang tawag sa kuwentong-bayan na ang mga tauhan ay hayop na kumikilos, nag-iisip, at nagsasalita na tila tao. Bukod sa hayop, ginagamit din bilang tauhan ang mga bagay na makikita sa paligid. Sa pabula, malimit palutangin ang pagiging túso ni Matsing. Lagi ring ipinapareha sa matsing ang isa pang hayop na kabaligtaran nito sa katangian tulad ng pagong at alimango.

Mga Naunang Lathala

Noong 1885, nakagawa si Jose Rizal ng aklat pambata na Ang Pagong at ang Matsing ngunit ito ay nakasulat sa Spanish. Nilakipan niya ito ng mga ilustrasyon. Ang bersiyon nito sa English ay nailathala naman sa London noong 1889. May katulad din itong pabula sa Japan na matsing at alimango ang mga tauhan.

Sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano, may mga antropologong nagsaliksik ukol sa mga kuwentong-bayan sa Pilipinas. Isa na rito si Mabel Cook Cale na naitala ang ukol sa isang pabula ng mga Tinggian sa kabundukan ng Abra. Ang pabulang ito ay pinamagatang “Si Pagong at si Bubuli,” na may pagkakahawig din sa pabula ni Rizal.

Magkasalungat na Katangian

Dalawang hayop ang malimit na gawing tauhan sa isang pabula upang maipakita ang dalawang magkasalungat na katangian. Ang isa ay may mabuti at positibong pananaw sa buhay. Ang isa naman ay may hindi magandang pag-uugali. Malimit na ipinaghahambing ang dalawa upang maipakita sa mga mambabasa kung sino ang marapat nilang tularan.

Mga Sanggunian

  • Virgilio S. Almario, “Saliksik Amerikano,” Panitikang Pambata sa Filipinas (Pasig City: Anvil Publishing Inc., 2010), mp.87–91.
  • Galileo S. Zafra . “Pagong at Matsing,” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.