Ang Lola Kong Mahilig Mag-utos

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Tungkulin ng mga bata na sumunod sa mga iniuutos sa kanila ng mga nakatatandang kasapi ng kanilang pamilya, higit ng kanilang mga lolo at lola. May dahilan sila kung bakit malimit silang mang-itos. Maaaring matunghayan sa aklat pambatang Ang Lola Kong Mahilig Mag-utos na isinulat ni Luis P. Gatmaitan at iginuhit ni Zues Bascon ang mga dahilang ito.

Si Maritess at ang Kaniyang Lola

Kasama ni Maritess ang kaniyang lolo at lola sa bahay. Gayunman, lagi niyang iniiwasan ang kaniyang lola dahil lagi siya nitong inuutusan. Malimit din na pasigaw at tila nanlilisik ang mga mata ng kaniyang lola sa tuwing tatawagin siya nito. Ito ang dahilan kung bakit malimit niyang pinagtataguan ang kaniyang lola.

Dahilan ni Lola

Isang gabi, narinig ni Maritess na tila may umiiyak sa kanilang silid. Nakita niyang gising ang kaniyang lolo at lola. Hinihilot ng kaniyang lolo ang mga braso ng lola. Sa gabi-gabing pananatili ni Maritess sa kuwarto ng matatanda, marami siyang natuklasang sakit ng kaniyang lola.

Hindi nakatiis si Maritess kaya nagtanong siya sa kaniyang mga magulang kung bakit masungit at pala-utos ang kaniyang Lola. Ipinaliwanag naman nila kay Maritess ang mga sakit na nararamdaman ng kaniyang lola kaya hindi ito dapat mapagod at laging nang-uutos.

Nang marinig niya ang paliwanag, agad na pinuntahan ni Maritess ang kaniyang lola sa kuwarto. Iniabot nito ang gamot at baso ng tubig sa matanda. Hinilot din niya ang tuhod ni Lola.

Niyakap naman siya ng kaniyang lola at sinabing, “Salamat, mahal kong, apo.”

Sanggunian

Luis P. Gatmaitan, Zues Bascon (ilustrador). Ang Lola Kong Mahilig Mag-utos. https://www.chikitingbooks.ph/products/ang-lola-kong-mahilig-mag-utos. Accessed 24 Marso 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.