Ang Aking Photo Album

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Madalas tingnan ni Bunso ang mga larawang nakadikit sa kaniyang photo album. Alamin ang kaniyang kuwento sa aklat pambatang Ang Aking Photo Album na isinulat ni Genaro R. Gojo Cruz at iginuhit ni Jamie Bauza.

Alaalang Kay Saya

Maraming larawang makikita sa photo album ni Bunso. Ginawa ito mismo ng kaniyang nanay na isang overseas Filipino worker (OFW). Maging ang kaniyang tatay ay nagtatrabaho rin sa ibang bansa. Siya ay naiwan sa pangangalaga ng kaniyang mahal na lolo at lola.

Tuwing nalulungkot, tinitingnan ni Bunso ang mga larawan sa mabigat at makapal na photo album. Bawat buklat ng pahina nito ay sumisilay ang kaniyang matatamis na ngiti.

May mga larawan doon noong siya ay isinilang, bininyagan, unang kaarawan, at kung ano-ano pang okasyon. Naroon din ang mga larawan ng kaniyang tatay at nanay na kinunan sa mga bansang pinagtrabahuhan nila. Higit sa lahat, pinakagusto niya ang mga larawang magkakasama silang tatlo. Buo ang kaniyang pamilya sa mga larawan sa kaniyang photo album.

Abot-tanaw sa Larawan

Hindi sabay na nakauuwi ang kaniyang mga magulang. Kaya maraming pagkakataon na hindi sila makompletong pamilya. Gayunman, lagi pa rin niyang naririnig ang mga habilin ng magulang: “Mag-ingat ka, Bunso! Huwag kalimutang mag-aral nang mabuti at laging magdarasal.”

Kalendaryo ang sunod na tinitingnan ni Bunso. Hayun at nalalapit na ang pag-uwi ng kaniyang nanay o tatay.

Sanggunian

Genaro R. Gojo Cruz, (ilustrador) Jamie Bauza. Ang Aking Photo Album. https://www.chikitingbooks.ph/products/ang-aking-photo-album. Accessed 24 Marso 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.